in

OFW Watch Italy, nagdaos ng ika-4 na anibersaryo sa Modena

Ano nga ba ang basehan ng isang organisasyong matagumpay? Kapag natutupad nito ang pangkalahatang programa nito para sa kabuuang miyembro at para sa kapakanan ng mga kababayan at nabibigyang-kalutasan ang mga kinakaharap na sitwasyon sa pamamagitan ng matamang pagsusuri , paggawa ng mga resolusyon at pakikipag-ugnayan sa mga tamang ahensiya ng pamahalaan.

Dahil sa patuloy na pagtutok ng OFW Watch Italy sa karapatan at kagalingan ng mga OFW dito sa Italya, marapat lamang na bigyang-pagpapahalaga ang kontribusyon nito sa pagpapalawak ng kamulatan at kamalayan ng ating mga kababayan sa mga isyu at programa na makakaapekto sa kanila at para  mapabuti rin lalo ang kanilang kalagayan bilang mga migrante.

Kaugnay nito, ay nagdaos ng ika-apat na taong anibersaryo ang Alyansa na ginanap sa Modena, Italya noong ika-10 at 11 ng Nobyembre, 2018. Noong unang araw, ito ay dinaluhan ng mahigit walumpu (80) na mga lider at miyembro ng komunidad mula sa norte, sentral at timog-Italya. At sa huling araw ay dinaluhan naman ng mahigit isandaan at limampu (150)katao.

Ang unang araw ay ginanap sa San Pietro I kung saan ay naging tagapagsalita si POLO Labor Attache Corina P. Bunag mula sa Konsulato ng Milan. Tinalakay niya ang mga polisiya ng POLO at gampanin nito para sa mga OFW, sinagot ang mga katanungan ukol sa OFW Card, Assistance to Nationals, mga bayarin ukol sa dokumentasyon, nilalaman ng Bilateral Agreement at iba pa. Matapos nito ay nagkaroon ng maikling workshop na pinangasiwaan ni Atty. Jellie Molino na iskolar sa isang kurso sa University of Turin. Hinati sa ilang grupo ang mga partisipante at nagdiskusyon tungkol sa mga kalakasan, kahinaan, at mga plano ng grupo para sa kanilang mga organisasyon. Sina Laarni Silva at Aldren Ortega ang nagsilbing facilitators ng workshop.

Kinabukasan ay ang programa para sa anibersaryo ng OFW WATCH na nasa ikatlong taon na ngayong Nobyembre. Ang tema ay  “Malawak at mahigpit na pagkakaisa: Sagot sa hamon at problema ng mga OFW sa Italya at sa buong mundo.”

Sinimulan ang programa ng pag-awit ng Lupang Hinirang sa pamumuno ni Janet Capizzi na sinundan ng panalangin mula kay Pastor Eddie Galapon. Ang panimulang pagbati ay kay Gregorio Mendoza bilang pinuno ng FEDAFILMO (Federation of Filipinos in Modena) na siyang host ng anibersaryo sa taong ito. Pinakilala rin ni Pangulo Ed Turingan ang mga bumubuong miyembrong organisasyon at mga opisyal. Binasa naman ng Tagasuri na si Tessie Dela Cruz  ang pinadalang pagbati mula kay Consul General Susan Natividad at nakipag-ugnayan naman si Pangulo Nonieta Adena sa pamamagitan ng tawag sa telepono kay  Atty. Alessandra Ballerini ng Genova, na nagpaliwanag ukol sa Decreto Salvini .

Ang accomplishment report ng alyansa ay pinahayag ni Pangulong Rhoderick Ople sa pamamagitan ng isang power point presentation na naglalaman sa mga naging aktibidad, sa mga nagawang proyekto at mga programa ng mga miyembrong organisasyon. Ibinahagi din ni Kalihim Dittz De Jesus ang mga lalamanin ng programa ng alyansa para sa taong 2019, na nalagom mula sa workshop ng nakaraang araw.

Sa ganitong pagtititpon ay di mawawala ang mga espesyal na presentasyong kultural gaya ng mga pinamalas na sayaw na katutubo ng Cordillerans of Bologna and Modena, ang Mangyan Ritual Dance ng Mindorenos of Florence at Malaguena Dance ng Filipino Women’s League of Bologna. May mga  handog na awitin din mula sa mga panauihin at iba pang sayaw  ng mga Zumba groups gaya ng Flexion at Zumba Fitness Class ng Bologna at ng mga taga-Florence at Federation of Women in Italy sa Roma sa pamumuno ni  Blanca Gofredo.

Ang pinakatampok na bahagi ng programa ay ang pagbibigay ng sertipikato ng pagkilala sa serbisyo at dedikasyon ng tatlong taga-payo ng Alyansa, sina Minda Teves ng Torino, Dionisio Adarlo ng Modena at Juancho Aquino ng Florence. Nagbahagi sila ng kanilang saloobin ukol sa mga miyembro at sa lahat ng mga Pilipino na kung susumahin ay isang panawagan para sa pagkakaisa, na mayroon mang pagkakaiba-iba ng pinagmulan, ng estado , ng mga pinagdadaanang hamon sa buhay, ay maaaring magkaisa sa prinsipyo ng paglilingkod para sa kapakanan ng kapwa OFW. Pinakilala rin ang mga bagong tatag at sapi ng Alyansa gaya ng ERAFILCOM (Emilia Romagna Alliance of Filipino Community), OFW WATCH-Milan, OFW Watch -Rome, at Ad Hoc ng Regione ng Southern Italy.

Ang programa ay tinapos sa pagbunot ng raffle tickets para sa mga premyong nakalaan na pinanalunan ng mga taga-Padova, Cagliari at Turin. Pinamahalaan ito ni Ingat-yaman Fred Purificacion.

Ang mga naging guro ng palatauntunan ay sina Laarni Silva at Mely Ople, kasama rin si Anne Sawali.

Pinatunayan ng OFW Watch ang kabuluhan at pakinabang ng sektor ng ofw sa Italya sa pamamagitan ng mga tagumpay sa mga hinarap nitong mga isyu,  pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kababayan, patuloy na pananaliksik at pagsusuri , pag-aaral at pagsasanay, tungo sa mas malawak at mahigpit na pagkakaisa.

 

Dittz Centeno-De Jesus

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Decreto Salvini, apektado ba maging ang mga may dokumentong Pilipino?

1 sa bawat 2 colf, hinihingi ang anticipo tfr taun-taon