Magkakasunod na konsultasyon ang isinagawa ng OFW Watch na layuning maisulong ang interes, kagalingan, kapakanan, mga mungkahi, proteksyon ng mga migranteng Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Italya.
Bologna, Agosto 22, 2016 – Naglunsad ng magkakasunod na konsultasyon ang Komiteng Tagapagpaganap ng OFW Watch Italy sa mga Tsapter, Pederasyon, Sektor ng Kababaihan at mga kasaping Organisasyon nito sa Italya.
Layunin nito na maisulong ang interes, kagalingan, kapakanan, mga mungkahi, proteksyon ng mga migranteng Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Italya. Pinag-usapan ang pagbubuo ng mga rekomendasyon sa kasalukuyang rehimen ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Sa katunayan, nakapagdaos na ng dayalogo sa mga pangunahing syudad tulad ng Milan, Turin, Vincenza, Padova, Modena, Bologna, Firenze, Empoli, Roma at Cagliari. Nagkaroon na din ng maliliit na pagpupulong at talakayan sa hanay ng mga samahan at mga lider sa kani-kanilang nasasakupang samahan.
Ang OFW Watch Italy ay sumasaklaw sa rehiyon ng Lombardia, Piemonte, Veneto, Emiglia Romagna, Liguria, Toscana, Lazio, Campagna at Sardegna. Halos kinakatawan nito ang humigit kumulang na 220 libong OFW (kabilang ang mga di dokumentado) sa Italya. Sa kasalukuyan ay may 186 libong Pilipino ang legal naninirahan sa bansa.
Nagsimula ang mga konsultasyon nitong Hunyo 1, 2016 at magpapatuloy hanggang Setyembre 2016. Nauna nang naganap ang paghahapag ng mga karaingan ng magkaroon ng tatlong magkakasunod na dayalogo sa pagitan ng OFW Watch Italy at Embahada ng Pilipinas nitong Pebrero 21, 2016 at Marso 12, 2016 sa Konsulado ng Pilipinas Milan at nasundan noong Hunyo 2, 2016. Inaasahan na magkakaroon ng Pambansang Dayalogo ang OFW Watch Italy at Embahada ng Pilipinas Rome at Konsulado ng Pilipinas Milan ngayong Oktubre 2, 2016 sa Firenze.
MGA BAYARIN SA PASAPORTE AT DOKUMENTO
Ibaba ang halaga ng pasaporte sa 30 euro at gawing 10 taon ang bisa nito. Halos tatlong beses ang laki sa kasalukuyang 54 euro. Gawing 10 taon ang bisa nito para umayon sa sistema ng dokumentasyon sa bansang Italya at maiwasan ang paulit-ulit na gastos at perwisyo sa pagre-renew sa mga dokumentong Italyano tulad ng Permesso di Soggiorno (permit to stay) at Carta di Soggiorno (long term permit to stay).
Ibaba ng 50% ang mga bayarin o consular service fees at bawasan ang mga dokumentong kailangan para sa Report of Birth, Affidavit of Delayed Registration, Notarials (SPA/affidavit), Certifications, Marriage Contract, Nulla Osta (No Objection),Mortuary Certificate, Acknowledgement/Legitimation, Dual Citizenship at Report of Death. Bawasan ang pag-require ng “red ribbon” o authentication ng mga dokumento lalo na kung magmumula sa mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas at gamitin na lamang ang online services at shared database.
SERBISYO NG EMBAHADA AT KONSULADO
Dagdagan ang Staff para sa mabilis at sistematikong serbisyo upang mapadalas ang Mobile Outreach sa mga lugar sa Italya na mataas ang populasyon ng mga Pilipino. Mas maraming maaabot at maiiwasan ang magulo at mabagal na serbisyo.
Bawasan ang sobrang Holiday at magbukas sa araw na walang pasok ang mga Pilipino. Kunin na lamang ang piyesta opisyal ng Pilipinas at hindi na ng Italya. Kung madagdagan ng staff, maaring magbukas tuwing Linggo.
Pag-ibayuhin ang computerization at on line documentation at services para mabawasan ang pagpunta-punta ng mga OFW sa Konsulado at Embahada. Malaki ang oras at pera na matitipid sa ganitong sistema. Ipalaganap ang on-line certification at linking ng mga ahensya na may susing kawing sa mga pangangailangan ng OFW sa labas ng bansa.
Palitan ang mga Opisyal ng Embahada at Konsulado na di bukas sa mga rekomendasyon at di nakikipag-ugnayan sa mga Organisasyon ng OFW. Lalo na ang mga nasangkot sa anomalya at inerereklamo ng pagsasamantala at maling pakikitungo.
BILATERAL NA KASUNDUAN SA SOCIAL SECURITY
Tuloy-tuloy na isulong at igiit ang pagbuo ng Pilipinas at Italya ang kasunduan sa Pensyon at Seguridad ng mga mangagawang Pilipino sa Italya, kahit pa sinasabing na walang kakayanan ang Italya dahil sa patuloy na krisis sa ekonomiya. Sa kasunduan ay kikilalanin ng Italya ang mahalagang kontribusyon ng mga Pilipino sa social security fund lalo na sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Italyanong pensyonado kontra sa mga kabataang manggagawa.
Dapat kilalanin at ibilang ang mga taon ng kontribusyon sa social security sa Pilipinas upang mapaiksi sa pag-pensyon sa Italya. Gayundin, magamit ang pensyon mula sa Italya upang mahikayat umuwi ng Pilipinas. Nakakapanghinayang na mauwi sa wala ang kontribusyon at panahon ng pagtatrabaho sa Pilipinas kung hindi ito idudugtong sa taon na ipinagtrabaho sa Italya. Karapatan ito ng manggagawa at tungkulin ito ng mga bansa na proteksyunan ang kanilang mamamayan.
PAGKILALA SA EDUKASYON AT KASANAYAN
Isulong na magkaroon din ng bilateral na kasunduan sa pantay na pagkilala sa edukasyon, kasanayan at propesyon. Asikasuhin ang pagtanggap sa akreditasyon ng kurikulum, University Diploma at skill certificates na napagtapusan sa Pilipinas upang kilalanin ng Italya.
KARAPATAN SA EDUKASYON
Hindi pribilehiyo ang pagkakamit ng edukasyon o makapag-aral. Maraming mga anak ng OFW at mga kapamilya ang nahihirapan na makapagbayad ng matrikula dahil sa sobrang taas nito. Kadalasan ay ipinangungutang ang pagpapadala kapag kinakapos ang buwanang sahod. Dapat itigil ang komersyalisasyon ng edukasyon at gawing abot-kaya maging sa antas kolehiyo.
Ituon ang oryentasyon ng mga kurikulum kung paano maisasaktuparan ang pambansang industriyalisasyon na ipinangko ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kailangang umayon at umangkop sa pangangailangan ng bansa at lumayo sa pagsuhay sa pagpapatuloy ng Labor Export Policy ng mga nagdaang rehimen.
Siyentipikong paunlarin ang sistema sa edukasyon ng sa gayon ay makasabay sa pandaigdigang pag-unlad sa teknolohiya, siyensiya, inhenyerihiya, medisina. Ng sa gayon ay magamit para mapaunlad ang ekonomiyang nakasalalay sa atrasadong agrikultura.
KAPAYAPAAN SA BANSA
Kaisa ng buong sambayanan ang OFW Watch Italy sa pagsusulong ng Usapang Pangkayapaan . Naniniwala ang alyansa na ang giyera sibil ay nagreresulta ng sapilitang migrasyon. Tinutulak nito ang mamamayan na lumabas ng bansa para maghanap ng ikabubuhay at seguridad ng kanilang pamilya.
Dapat matuloy ang pag-uusap ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front. Bigyan ng hustisya ang biktima ng karahasan. Magkaroon ng kapayapaan sa bansa, matutukan ang reporma sa ekonomiya at politika nang sa gayon ay maging kaaya-aya sa mga OFW na magbalik sa Pilipinas at permanenteng manirahan.
Hangarin ng mga migranteng Pilipino na makapagpundar ng maliliit na pagkakakitaan, makapiling ang pamilya at manirahan sa sariling bayang kinagisnan. Kung di mabibigyan ng kasalukuyang pamahalaan ang pagpapatuloy sa Usapang Pangkapayapaan, hindi mareresolba ang lumalaki at nagpapatuloy na pagluluwas ng lakas paggawa sa ibang bayan. Mag-aalisan ang mga intelektwal, propesyunal, mga mahuhusay na manggagawa at mga bagong grdaweyt sa pamantasan.
Bigyan ng respeto ang komunidad sa kabila ng tunggalian ng dalawang panig. Huwag gamitin ang mga paaralan, klinika, baranggay hall, simbahan, at mga lugar palaruan na kampo ng military at cafgu. Kailangang lumayo sa lugar kung saan may konsentrasyon ng mamamayan. Sa alinmang baryo o bayan, tiyak na may mga OFW na naninirahan bukod pa sa ipinagbabawal ito ng mga Internasyunal na Batas at Kasunduan.
PROTEKSYON SA KALIKASAN
Dapat ibasura ang Mining Act of 1995 at ipatigil ang nagpapatuloy na pagkawasak ng kalikasan. Ang pagkapatag at pagkakalbo ng kabundukan, pagkawasak ng yamang tubig tulad ng ilog, lawa at karagatan, patuloy na konbersyon ng lupaing sakahan ay marapat lamang itigil. Nagiging bulnerable ang pamilyang Pilipino sa panganib ng bagyo, baha, landslide at iba pang kalamidad. Kadalasan ay nauuwi sa pagkasira ang mga ipinundar na bahay, negosyo at sa pinakamasaklap ay pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Dahil dito mayroong tinatawag na “climate change-induced migration”.
Para sa isang OFW na nagnanais umasenso sa kabila ng mga sakripisyo, panganib, diskrminasyon at emosyonal na suliranin sa pangingibang bayan, ang pag-uwi sa bayang sinilangan ay nanatiling nakakintal sa isipan. Kung wala ng babalikang bahay, bukirin, taniman, negosyo at pamilya dahil sa pagkawasak ng kalikasan, ang ilampung taon na pagpupunyagi ay mawawalan ng saysay.
Maraming pamilya ng pambansang minorya ang kabilang sa 12.56 milyong mangagawang Pilipino sa abrod. Dito sa Italya, maraming minorya galing sa Cordillera, Gitnang Luzon, Mindoro, Kabisayaan at mga katutubong galing ng Mindanaw. Sila ay sapilitang lumilikas sa kanilang pamayanan.
PANTAY NA OPORTUNIDAD SA NEGOSYO AT TRABAHO
Sa bawat sampung OFW sa Italya, 8 ang nagsasabi na trabaho ang pangunahing dahilan ng kanilang pagparito, 2 ay pagkakasama ng pamilya, pagpapagamot, pang relihiyosong kadahilanan at iba pang motibo. Ibig sabinin, sapilitan ang pagparito dahil sa kawalan ng trabaho sa pilipinas, kriminalidad, giyera sibil, pagkalugi sa hanapbuhay at iba pang dahilan.
Kung ang monopolyo at kontrol sa yaman ng bansa ay magbabago at mabibigyan ng mas malaking proteksyon at oportunidad ang maliliit, mababawasan ang bilang ng mangingibang bayan. Makabubuti na mas bigyan ng insentibo ang nagsisimulang mamumuhunan, mas mababang buwis , simpleng rekisitos sa pagbubukas ng negosyo, teknikal at pinansyal na ayuda mula sa pamahalaan at kontrolin ang patuloy na pagpapalawak ng mga dambuhalang kapitalista. Sa ganito mapapayungan ang pag-usbong mga mga bagong negosyanteng Pilipino. Maraming OFW na may talino, kakayanan at konting ipon para gawin ang mga ito.
Kung mabibigyan ng konkretong programa ng pamahalaan ang mga umuuwing manggagawa mula sa bansang pinagtrabahuhan, matitiyak na di mauuwi sa wala ang kanilang mga sakripisyo at magagarantiyahan na ang mga ipinundar at inipon ay di malulustay ng walang saysay.
PROTEKSYON AT PANTAY NA OPOTUNIDAD PARA SA MIGRANTENG KABABAIHAN AT KABATAAN
Maglagay ng pasilidad at programa na titiyak sa kapakanan at karapatan ng kababaihan at kabataan. Lalo na sa mas nakararaming Pilipina at kabataang migrante ang nasa bulnerableng trabaho, at sa mga babaeng biktima ng karahasan pisikal, sosyal at ekonomiya, kahit pa sinasabing welfare state ang Italya.
Bilang mga “bagong bayani” ng kasalukuyang panahon, hindi kalabisan na kagyatang tugunan ang mga kahilingang ito. Humigit kumulang na 16 bilyong piso o 324 milyong euro ang naipadala nitong 2014. Malaking tulong sa reserbang dolyares sa pagpapaiko ng “ economic activities”ng bansa. Idagdag pa ang halaga ng mga Balikbayan Boxes at mga perang dala-dala sa tuwing bumabalik ng Pilipinas.
Para sa kapakanan at interes ng mangagawang Pilipino dito sa Italya, naninindigan ang OFW Watch Italy na tama at makatarungan ang mga kahilingan na tinutukoy.
ni: Rhoderick Ramos Ople
Pambansang Tagapangulo – OFW Watch Italy