in

OFW WATCH ITALY, naglunsad ng Leadership Training and Workshop Seminar sa Turin

Turin, Agosto 4, 2015 – Matagumpay na naidaos ang unang Leadership Training and Seminar Workshop ng OFW WATCH Italy na ginanap sa Turin, Italya nitong ika-25 at 26 ng Hulyo. Naging panauhing tagapagsalita nito sa unang araw si Bb. Monique Wilson, ang kilalang aktres ng pelikula at teatro at sa kasalukuyan ay miyembro ng Gabriela at isa sa mga Global Directors ng One Billion Rising, ang internasyunal na samahan na ang adhikain ay ang mahinto na ang karahasan sa mga bata at kababaihan at mapalakas ang hanay nito.       

Ang programa ay dinaluhan ng mahigit sa isan daang lider at miyembro ng iba’t ibang organisasyon ng mga Pilipino sa Italya. Ang buong paghahanda ay pinagtulungan ng OFW Watch Italy sa pamumuno ni Rhoderick Ople at ng ACFIL o Associazione Culturale de Filippine ng Turin, ang labing-siyam na taong organisasyon ng mga Pilipino na itinatag ni Minda Teves.       

Sa unang araw ng seminar, tinalakay ni Bb. Monique Wilson ang kanyang pagkamulat sa tunay na kalagayan ng lipunan,  mula sa teatro, pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, pagganap sa Miss Saigon at pananatili bilang theatrical actress at may sariling aralang-pang teatro, ang New Voice Company, sa London. Mula doon ay naging miyembro siya ng Gabriela, isang progresibong samahan ng kababaihan sa Pilipinas. Naging aktibo siya sa pagsusulong sa mga karapatan ng mga kababaihan at sa ngayon ay naging Global Director ng One Billion Rising, isang internasyunal na organisasyon na may 217 miyembrong bansa, na nakatuon sa paglaban sa panggagahasa, karahasan at pang-aapi sa mga babae at mga bata at pati na rin ang economic violence kung saan ang mga kababaihan ay napipilitang mangibang-bayan para maitaguyod ang pamilya at maiahon sa hirap. Ang pinaka-motto ng samahang ito ay Strike, Dance and Rise, kung saan ipinapakita na ang sayaw ay isa sa mabisang paraan ng ekpresyon ng pagtutol at pagbangon at ang paglaya ng puso, katawan at kaisipan sa status quo

   Malayo na ang narating ni Monique Wilson sa kanyang adbokasiya, isang bagay na nagsisilbing inspirasyon para maingganya ang mga kababaihan na alamin ang kanilang karapatan, matutong lumaban sa pang-aapi at bumangon mula sa kinasadlakang sitwasyon. Kaya sa bahagi ng programa kung saan ay may Tanong at Sagot, malayang nakipagtalakayan ang mga delegado sa kanya ukol sa mga problemang panlipunan partikular sa papel na dapat gampanan ng mga babae at kung paano mapapangalagaan ang kapakanan nito.       

Inilunsad din ng gabing yaon ang OFW Watch News and Stories, sa pamamagitan ng isang powerpoint presentation ng Editor-in-chief na si Mercedita De Jesus. Ito ay isang online na pahayagan ng OFW WATCH kung saan ay maglalaman ng iba’t ibang lathalian, kuwento, tula, sanaysay, balita,  at impormasyon ukol sa buhay at sitwasyon ng mga Pilipino sa Italya.          

Nagkaroon din ng maikling cultural night kung saan ang mga delegasyon mula sa Turin, Bologna, Mantova, Milan at Modena ay nagpamalas ng kani-kanilang presentasyon gaya ng sayaw, awitin at tula. At maging si Monique Wilson ay nagparinig ng ilang awiting hango sa Miss Saigon at Les Miserables at nagpaunlak din ng isang awitin ang pangulong si Rhod Ople       

Sa ikalawang araw, naidaos ang seminar at workshop kung saan ang mismong presidente ng OFW Watch ang naging tagapagsalita, si Rhoderick Ople at ito ay dinaluhan ngmahigit sa apatnapung delegado mula sa iba’t ibang siyudad ng Italya. Sa seminar, tinalakay ang mga araling gaya ng mga sumusunod: Tipo at Pamamaraan ng Pamumuno, Konsepto at Metodo, Pagpapaunlad sa Kasanayan, Pagbibigay at Pagtanggap ng Kritisismo, Pagresolbang mga Problema, Asessment at Pagpaplano.     

Hindi rin naman naging kainip-inip ang seminar dahil sa mga makabuluhang workshop at palaro na nakakawili pa rin sa aralin. Mayroon ding pagbibigayan ng kritisismo sa isa’tisa at pagsusuri sa mga sarili upang alamin ang kahinaan at kalakasan. May palaro din kung saan ay mapag-alaman na ang pagkakaisa ang susi sa ikatatagumpay ng anumang proyekto o adhikain.  Ang pinakahuling bahagi nito ay iniukol sa pagbibigay ng solidarity messages mula sa mga partisipante at may simbolikong tali na ididikit sa isang papel na may disenyo ng puno o tinawag na OFW Watch Tree. Sa pagkakataong ito ay bumuhos ang mga mensahe ng pakikiisa at suporta at narinig mula sa mga delegado ang mga natiim sa kanilang isipan mula sa araling nakuha sa seminar, pati na rin ang pagbibigay ng pahayag na dadalhin nila sa kani-kanilang lugar ang mga bagay na natutuhan at nakapagpamulat sa kanila kung paano maging isang tunay na lider at makapag-patuloysa kani-kanilang paglilingkod sa komunidad.   

Ang seminar-workshop ay tinapos sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato ng buong grupo hawak ang mga placard na nagsasaad ng pagtutol sa pakikialam at panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea. Dito ay buo ang suporta ng OFW Watch Italy katulad na rinng pagsuporta nila sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa OFW.     

Naghiwa-hiwalay ang grupo taglay ang bagong sandata ng pagkakaisa at pagsuporta sa mga adhikain ng OFW Watch Italy na ipagtanggol ang karapatan ng mga OFW, isulong ang mga programa para sa kapakanan nito at iangat ang sitwasyon ng mga kababayang nasa labas ng bansang Pilipinas. Patuloy pa ring magbabantay sa kalagayan ng sariling bansa alang-alang sa mga pamilyang nananatili pa roon at patuloy pa ring haharap sa mga bagong hamon ng pagiging dayuhan sa mga bansang nag-ampon, bilang isang Overseas Filipino Worker.

 

ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus
OFW WATCH News and Stories
larawan ni: GYNDEE

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

ASIN sa konsyerto sa Roma

Kombensyon ng mga Saksi ni Jehova sa Wikang Tagalog para sa Buong Europa