in

OFW Watch Paralegal Seminar, idinaos sa Napoli

Ano ba ang kahulugan ng PARALEGAL? Ito ba ay may malaking kabuluhan para sa mga lider ng komunidad ng mga Pilipino dito sa Italya? Makakatulong ba ito sa mga kababayan nating dumaranas ng mga suliranin, maliit man o mabigat?

Nitong nakaraang ika-31 ng Marso hanggang Abril 1, 2018, idinaos ang isang PARALEGAL SEMINAR sa pagtataguyod ng OFW WATCH ITALY at pag-aasikaso ng COMFIL (Community of Filipinos) sa Napoli. Sa Hotel Americano sa via Antiniana 15 Agnano Terme, Napoli ito ginanap kung saan ay dumalo ang halos animnapung lider at miyembro ng iba’t ibang organisasyon mula sa Torino, Genova, Bologna, Milan, Padova, Firenze, Messina, Parma,, Cagliari, Reggio Calabria, Roma, Empoli, Treviso, Sicilia, Vicenza, Tuscany, Giarre at Roma.

Sinimulan ni Vice president Ed Turingan, bilang emcee/facilitator ang programa ng Sabado ng gabi, sa pamamagitan ng pagpapakilala kay  Precy Dimayuga, ang kasalukuyang pangulo ng COMFIL ng Napoli , upang pamunuan nito ang pananalangin at  ito  na rin ang nagpahayag ng panimulang pagbati sa buong delegasyon.  Ang kanyang katuwang sa asosasyon, si June Remogat, Jr, ang siyang tumanggap sa mga delegado ng mga asosayon. Ang pangulo ng OFW Watch na si Rhoderick Ople ang pormal na nagpakilala sa naimbitang resource speaker.

Ang naging tagapagsalita  ay si ATTY. JELLIE MOLINO, na kasalukuyang iskolar sa Turin University at kumukuha ng PhD in Law and Institution.  Nagtapos din ito ng Masters of Law in Government Procurement and Environmental Law sa George Washington University Law School sa Washington, D,C.

Ang gabi ng 31 Marso ay inilaan sa pagbibigay ng depinisyon, kung ano nga ba ang isang paralegal  at kung ano ang mga katangian nito. Ayon nga sa pagkaka-depinido nito, ang PARALEGAL ay ang siyang namamagitan  sa mga taong kailangan ng tulong-legal at ng mga may awtoridad sa paglutas ng kaso o suliranin. Sila rin ang nagtuturo sa mga pangkaraniwang mamamayan na alamin ang kanilang mga pangunahing  karapatang legal, nagpapayo at gumagabay, nag-aasiste sa paghahanap ng mga taong may kakayahan at kapasidad na malutas ang anumang ilalapit na problema.

Ipinaliwanag din ni Atty, Molino ang mga katangiang dapat taglayin ng mga gagananp na Paralegal, hindi lamang sa taglay na maayos na karakter at aktityud, mahalaga din ang malalim  na kaalaman nito sa batas at sa magaan na  pakikitungo sa tao.

Lahat ng mga delegado ay puno ng kuryosita lalo na at ukol sa introduksiyon sa batas ang pag-uusapan.  Sa ikalawang araw ng seminar ay nagkaroon din ng workshop kung saan ay bumuo ng mga maliliit na grupo at nag-analisa ng ilang mga sitwasyon at sinubukan nila itong resolbahin sa pagpapamalas ng maiigsing dula at pagpapaliwanagan.

Nagkaroon din ng pag-aaral kung paano ang mga pangunahing hakbang na kailangang gawin sa oras na may lumapit at humingi ng tulong sa isang paralegal, ang pakikipagnegosasyon sa magkabilang panig upang maabot ang maayos at payapang kalutasan ng kaso.

Marami sa mga nagsidalo ang noon lamang nakasama sa ganoong uri ng seminar kung kaya naging hamon sa kanila upang ipagpatuloy pa ang pag-aaral sa mga gaganapin pang mga training na itataguyod ng OFW Watch sa taong ito at maging sa susunod pang taon.

Bukod dito, sa loob din ng programa ay ipinakita ni Deputy Secretary Laarni Silva ang target na resulta ng isinasagawang Migrants Survey kaya muling ikinampanya pa rin ang patuloy na pagpapasagot sa mga kababayang di pa naaabot ng survey dahil mahalagang maipatagos pa ito sa mas maraming Pilipino para maging solidong basehan ng mukha ng mga OFW dito sa Italya at sa huli ay mapagkunan ng mga resolusyong ipapaabot sa  gobyerno ng Pilipinas at Italya.

Bago pa simulan ang seminar ng Sabado ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga dumating nang maaga upang makapamasyal sa Archeological site sa Pompeii at doon ay humanga ang lahat sa bahagi ng kasaysayan ng lugar na dinarayo pa rin ng maraming turista. Ang iba naman ay sa mga museo at parko naglibot kung saan ang kultura at tradisyon ng nakaraang panahon ay nanatiling nakakintal sa paligid ng Napoli.

Tinapos ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sertipikato at OWATCH souvenir bottle kay Atty. Jellie Molino, sa Napoli COMFIL at sa mga delegado,  na pinamahalaan nila Secretary-General Dittz De Jesus , vice-president Nonie Adena at Pres. Rhod Ople. P[inasalamatan din ang mga isponsor gaya ng ACFIL-Piemonte , Libertas Democrazia Cristiana, PCG Milan at POLO, Gano Excel at iba pang mga kababayang nagbigay ng kontribusyon upang maidaos ang seminar na ito .

Tunay ngang ang patuloy na pag-aaral at pagsasanay ay makakapagsulong ng pagbibigay ng pangunang kalutasan sa mga  legal na usapin ng ating  mga kababayan dito sa Italya. Ito ay bahagi ng Programang Pangkalahatan ng OFW Watch Italy para sa layunin na empowerment of OFW’s ,pagbibigay ng direktang serbisyo sa mga kababayan at pagpapalakas ng alyansa.

 

Dittz Centeno-De Jesus

larawan ni:

Gene De Jesus

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Anu-ano ang mga requirements para sa mga colf at caregivers upang matanggap ang ‘Ape Sociale’ sa pagsapit ng 63 anyos buhat sa estado?

Mga Pilipino sa Reggio Calabria, nakiisa sa rally