Ika-14 ng Pebrero, Araw ng mga Puso pero para sa mga kababaihan sa buong mundo, ito ay isang araw ng Rebolusyon, ng pagbangon, ng pagkakaisa upang labanan ang malaganap na karahasan sa mga kababaihan.
Sa Bologna, muling idinaos ang masigla at maalab na selebrasyon ng ONE BILLION RISING na nasa ika-anim na taon na ngayon at may temang Revolution 2018 Solidarity. Sa taong ito ay sinimulan sa Piazza San Francesco kung saan ay nagtipon-tipon ang mga kababaihan, mga kabataan, grupo ng LGBT at mga taga-suporta upang idaan sa pagsayaw ang kanilang Rebolusyon. Sa saliw ng awiting Break the Chain o Lagutin ang Tanikala, ay sabay-sabay na nagsayaw at nagpahayag ng kanilang marubdob na layunin na bumangon na ang mga babaing inaapi, sinasaktan at minamaltrato.
Pagkaraan ng sayaw sa plaza ay nagsimula na silang magmartsa patungo sa Cassero kung saan ay magkakaroon ng maikling programa. Ang nanguna sa parada dala ang pulang telang kinasusulatan ng slogan ay ang mga kababaihan ng Filipino Women’s League at Hyper Megara Fitness Class kasama ang iba’t ibang lahi na sumusuporta sa pagkilos hawak naman ang mahabang telang pula na kanilang iwinawagayway sa saliw ng mga tambol at iba pang pantugtog.
Sa interseksiyon ng daang San Felice-Riva de Reno, muling nagsayaw ang buong grupo at pagkatapos ay nagpatuloy sa pagmartsa hanggang sa daan patungong Cassero LGBT Center.
Ang palatuntunan ay sinimulan ng pagtugtog ng Drum and Bugle group. Ang punong taga-organisa, ang Amerikanang si Rachelle Hangsleben, ang unang bumati , na sinundan nila Anna Pramstrahler, Sarah Serraiocco at iba pang lider-kababaihan mula sa Filipino Women’s League, Casa delle Donne, Non Una de Meno at LGBT. Muling nagsayaw ang grupo sa pagkakataong ito at kasama pa rin ang mga batang babae sa pangunguna nila Nicole at Gaia. Nagkaroon din ng espesyal na pagtatanghal kung saan apat na kababaihan ang nagpamalas ng isang bahagi ng The Vagina Monologues (ni Eva Ensler, ang nagtatag ng OBR), na kinabibilangan nila Shosshana Zuckerman (Amerikana), Aldara Perez Paredes (Espanyola), Gabriella (Italyana) at Dittz De Jesus (sa parte ng Pilipinang si Monique Wilson, OBR Global Coordinator). Punung-puno ng emosyon ang kanilang mga naging pagbigkas sa mga katagang bumabanggit sa mahalagang bahagi ng anatomiya ng isang babae na kinalugdan at pinalakpakan ng lahat.
Ang pinaka-emosyonal na parte at huling bahagi ng program ay ang ang pag-aalay ng isang awitin sa lahat ng mga kababaihang dumanas at dumaranas pa ng kalupitan at karahasan at sa mga nakuha nang makabangon sa kinasadlakang kalagayan. Naging mahalaga sa mga kababaihan ng grupong Filipino Women’s League ang araw na ito dahil sa kasalukuyan ay mayroong isang Pilipinang kanilang kinakalinga sa tulong ng Casa delle Donne, ang nasa isang sitwasyong kailangan ng suporta at umaasa ang lahat na malalampasan niya at mapagtatagumpayan ang kanyang paglaban .
Nagtapos ang programa ng may mahigpit na pagyayakapan at pasasalamat sa presensiya ng bawat isa.
Tunay ngang ang puwersa ng kababaihan ay di dapat maliitin dahil ang lakas nito ay nagmumula sa puso, sa bisig, sa boses, sa isip at sa sinapupunan. Kaya’t ang pagyurak sa kanyang dangal at kalayaan ay pagyurak na rin sa sangkatauhan.
Umaasa ang lahat na sa susunod pang mga taon ay dadami pa ang makikilahok sa pagkilos at tuluyang babangon upang makaahon na at maharap ang paglaban sa karahasan.
Mabuhay ang mga KABABAIHAN!!!
ni: Mercedita de Jesus
mga larawan nina:
Lea Andig
ONE BILLION RISING ITALIA