in

ONE BILLION RISING sa Bologna, isang Pagpupunyagi ng mga Kababaihan laban sa Karahasan

One Billion Rising: Solidarity Against the Exploitation of Women… Rise, Disrupt, Connect! – ito ang tema sa taong ito. Mga kababaihang Pilipina, nakiisa.

 

Bologna, Pebrero 20, 2017 – Sa ikalimang taon ng global na pagdiriwang ng ONE BILLION RISING REVOLUTION, na ginaganap tuwing ika-14 ng Pebrero, muling naging masigla ang partisipasyon ng mga kababaihang Pilipina, partikular  ang grupo ng FILIPINO WOMEN’S LEAGUE at mga miyembro ng Zumba groups sa Bologna.

Kagaya ng mga nakaraang pagdiriwang nito, nagkaroon muna ng flash mob o sama-samang pagsayaw sa saliw ng awiting BREAK THE CHAIN,  sa Piazza del Nettuno sa sentro ng Bologna. Ang mga lumahok na kababaihan at taga-suporta ay suot ang mga kulay itim at pulang shirt, damit at mga palamuti at may dalang mga  plakard at banderang pula. Nagsimula ito ganap na ika-5 ng hapon at dinaluhan ng mga kababaihan ng iba’t ibang nasyonalidad, mga miembro ng LGBT group, mga batang babae at kabataan, mga kaibigan at kasama ng kilusang ito.

Ang tema sa taong ito ay ONE BILLION RISING: Solidarity Against the Exploitation of Women… Rise, Disrupt, Connect! 

Matapos ang dalawang beses na flash mob dance na isinagawa sa Piazza del Nettuno at via Ugo Bassi interseksiyon ng via Marconi at via Malpighi, nagtuloy ang martsa sa via Don Minzoni kung saan naroon ang Cassero- LGBT Center na pinagdausan ng isang maikling programa.

Ang programa ay kinapalooban ng mga pahayag nila Anna Pramthsler ng Casa Delle Donne, Rachelle Hangsleben ng OBR Bologna , Sarah Serraicco ng LGBT Group at ng iba pang pinuno ng kababaihan sa Bologna at kalapit na lugar. May bumasa ng tula at bahagi ng isang libro, naghandog ng awitin , sayaw mula sa Zumba Fitness Class at tugtugin ng isang grupo ng drummers at pagsasalo-salo sa pagkaing inihanda ng isang Pinoy-owned Restaurant and Catering services.

Binigyan din ng importansiya ang pahayag ni Dittz Centeno-De Jesus, pangulo at nagtatag ng Filipino Women’s League,  ukol sa partisipasyon ng mga Pilipina, na nasa ikalawang taon na ng pakikiisa sa pagkilos na ito. Ipinahayag niya ang lumalawak nang kamulatan ng mga kababaihan, sa Pilipinas man o sa ibang bansa,  na ipaglaban ang kanilang hanay kontra sa karahasan, eksploytasyon, pananakot, diskriminasyon, opresyon, inekwalidad at pati sa kahirapan. At kung paanong maging huwaran ng mga batang babae at kabataan sa pagiging mulat at matapang na maipagtanggol ang sariling mga karapatan at kapakanan.

Sinabi pa niya na, “Makikiisa tayo sa lahat ng kababaihan na naghahangad ng Pag-ibig at Kapayapaan para sa isa’t isa, nang hindi rin mananakit sa kapwa babae sa pamamagitan ng salita at  kamao, na nagbibigay-lakas at nag-aangat sa iba….Babangon tayo sa pakikiisa sa mga kababaihang may respeto sa pagpili at kagustuhan, na naniniwala sa tamang pagpapahalaga at pagtanggap sa lakas at kahinaan, na kakayanin natin ang bawat suliranin at sagabal at sa suporta ng bawat isa, babangon tayo at tutulong pa sa pagbangon ng iba.”

Sa pagtatapos ng programa, muling hinikayat ang patuloy na panawagan kontra sa karahasan sa Kababaihan at Kabataan upang mas marami pa ang lumahok, makiisa at sumuporta sa ONE BILLION RISING Revolution na sinimulan noong 2013 ng nagtatag nito na si Eve Ensler at kinapapalooban din ng Pilipinang Global Coordinator na si Monique Wilson ng GABRIELA. 

Sa pag-uwi sa kanya-kanyang tahanan, muling nabuhay ang taglay na alab sa mga puso, na hindi na paaapi, hindi na masasaktan, kundi matututo at makakaya nang labanan ang karahasan. 

Dahil walang magaganap na Rebolusyon kung walang Pagkakaisa. Magkakaroon lamang ng pagbabago kung magkakaroon ng kamulatan, ng pagbabago sa kultura na may karahasan, pagbabago sa kaisipan, at pang-unawa, pagbabago sa paniniwala at kultura at sa mga polisiya na nakakaapekto sa mga kababaihan sa sitwasyong pang-ekonomiko, sosyal, sekswal, pisikal at emosyonal….ang pagtatapos sa umiikot na hulma ng kontrol, kaapihan at eksploytasyon –  hindi makakamit ang pagpupunyagi – nang NAG-IISA, dahil  ang radikal na koneksiyon ay ang PAGKAKAISA.

 

ni:

SIERRA M. DELA ROSA

Filippine-Bologna News

 

larawan nina:

PeopAll – Cassero (Freakography)

FWL-Bologna

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Foreign Workers ng mga multinational firms, ang paglilinaw sa bagong patakaran

Mga Pinoy, nangunguna sa listahan ng mga migrant volunteers sa pagbisita ng Santo Padre sa Milan