Isinagawa ang tradisyunal na one-day league sa Pistoia sa pangunguna ng PYP. Pagkatapos ay ang pagdiriwang ng Banal na Misa bilang pasasalamat.
Pistoia, Enero 21, 2016 – Isinagawa ang tradisyunal na basketball/volleyball one-day league sa Pistoia sa Palestra Anna Frank noong ika-3 ng Enero 2016.
Ang Pinoy Youth in Pistoia o PYP, mga kabataan ng komunidad ng Pistoia, ang nag-organisa ng nasabing paliga na siyang naging kanilang pagbati sa bagong taon kung saan nagtipon-tipon ang mga miyembro ng San Filippo Apostolic Catholic Church (SFACC) Pinoy in Pistoia.
Panauhin ang ilang teams ng Volleyball na galing sa Montecatini Terme, ang Team Beauties at Team Pugeh. Hindi na bago sa bawat isa ang mga manlalaro dahil ilang beses na ring nagkaharap ang mga ito. Ngunit ang mithiin na maipakita ang pagkakaisa ng mga miyembro ng kanilang komunidad at ng mga karatig bayan ay ang siyang nagtulak sa mga namumuno ng komunidad na sina Marlon Sampang, Loida Lat, at Roselyn Lamadrid upang muling ipunin ang ating mga kababayan sa probinsya ng Pistoia sa Toscana.
Apat na koponan ang nagharap sa larangan ng Basketball intercolor: ang Black team, Red Team, Blue Team, at ang White Team. Matapos ang mahabang labanan ng iba’t ibang teams na sinuportahan ng kani-kanilang buhay na buhay na cheerers, iniuwi ng White Team ang Tropeo ng kampeon. Mga medalya naman ang iginawad sa Mythical 5 na sina Jeff Ella, LJ Magboo, Aahron Hipol, Pier Luigi palejon at Alvin Capit. Tinanghal na MVP si Jhyrus Alpanoso.
Hati naman sa dalawang kategorya ang mundo ng volleyball, ang Men’s volleyball at ang Women’s volleyball.
Apat na koponan ang nagtunggali sa Men’s division na kinabibilangan ng PT Boys, Montecatini Team Pogis, 35+, at Ellamadana na siyang pinalad na maguwi ng tropeo ng kampeon. Pumangalawa ang 35+, at pangatlong puwesto naman ang napunta sa Montecatini Team. Ang “Mythical six” ay sina Dayle Magboo, Junevan Caro, Rogelio Jr. Abanilla, Ronald Parillas Solanoy, Gian Rey Trinidad, at Niccolo Rey Trinidad. MVP naman si Don Johnson Flores.
Sa kabilang kategorya ng Women’s division naman nagharap ang apat na koponan ng kababaihan na kinabibilangan ng Team Walang Kupas, Pistoia Team, PT Girls, at Montecatini terme Team Beauties sa pangangalaga ni Coach Ricky Bondad.
Napuno ang palestra ng sigawan dahil sa talagang mainit na labanan ng mga koponan lalo na ng umabot na sa parte ng championship kung saan nagsagupaan ang PT Girls at Team Beauties. Matagal na palitan ng bola ang magkabilang teams at sa pangalawang pagkakataon ay napasakamay ng defending champion Montecatini Team Beauties ang tropeo ng tagumpay. Itinanghal na MVP si Chloe Cabaltera. Mythical Six naman sina Tita Delacruz Solanoy, Norma dela Cruz, Raizza Joy Arawan Baquiring, Marnelli Marasigan, Reichelle Jhoice Delacruz Dasalla, at si Jemenica Jhoice Dasalla.
Napakaayos at halos perpekto ang pagkakaorganisa ng nasabing liga. Magandang halimbawa ang ipinakitang “sportsmanship” ng mga mas nakatatandang manlalaro sa mga kabataang nakiisa sa ebento.
Hindi rin nakalimutan ng komunidad ang magpasalamat sa Panginoon. Nagkaroon ng banal na misa na pinangunahan ni Fr. Robert Young sa loob ng palestra upang pasalamatan ang Poong Maykapal sa mga biyayang natanggap ng nakaraang taon at sa patnubay at grasyang ipagkakaloob sa bagong taong 2016.
Hindi man nanalo lahat ng tropeo at medalya, ang buong komunidad naman ay nakangiting nagpasalamat sa disiplina at pagkakaisang ipinakita ng lahat.Ikinagalak ng lahat na natapos ang paliga ng maayos at walang kahit na kaunting gulo.
Naging korona ng ebento ang “Victory party” na ipinagdiwang ng Team Beauties at Team Pugeh Montecatini noong ika-10 ng enero kung saan masayang nakiisa ang mga kasapi ng PIP at PYP, Guardians International (GI) Montecatini Legion, Guardians Marilag Group Montecatini, BOSS foundation at GPII Anti-Crime National Legion of Switzerland Montecatini Chapter.
Inaasahang magkakaroong muli ng pagkakataong magkasama-sama ang mga kapwa nating Pilipino sa Pistoia sa lalong madaling panahon.
ni: Quintin Kentz Enciso Cavite Jr.
Foto courtesy of Genesis Alibudbud