“Abot Kamay sa Pagkakaisa”. Ito ang tema ng isinagawang consular services at medical/dental mission ng Philippine Consulate General (Milan) sa Como noong nakaraang Mayo a-17, 2009 sa pakikipagtulungan ng mga volunteer medical professionals at Parish Council of Sto. Eusebio sa Como, Italy. Ang proyekto ay tinaguriang One Stop Shop kung saan hindi lamang iisang serbisyo kundi higit pa ang maihahatid sa ating mga kababayang nakabase sa Como at mga karatig na lugar.
Ang proyekto ay tumagal ng isang buong araw kung saan isang maikling programa ang inilunsad upang maipaliwanag ang layunin gayundin, upang maipakilala ang bagong talagang Consul Genaral, Atty. Antonio Morales.
Bagamat noong kalahatian pa ng Enero pormal na nanilbihan si Morales, marami pa rin ang hindi nakakakilala dito. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Morales ang kahandaan ng kanyang team upang magsilbi sa taongbayan at hindi upang pagsilbihan. Ayon pa dito, dinayo nila ang Como upang maghatid serbisyo karugtong ang pagsasabing “if Mohammed can´t go to the mountain, the mountain will go to |Mohammed”.
Pagkatapos ng maikling programa, isinunod naman ang pagdiriwang ng Banal na Misa ni Rev. Fr. Enrico Crisostomo, Spiritual Adviser ng St. Eusebio Parissh.
Maliban sa mga basic consular services , kabilang din sa mga serbisyong inilahad sa mga manggagawang Pinoy sa Como ang absentee-voting registration, POLO/OWWA, PAG-IBIG, SSS services gayundin ang libreng medical at dental check up na inilaan ng medical team na pinangungunahan ni Dr. Lyndon Bathan at Ms. Malou de la Fuente.
Sa kabuuan, humigit-kumulang sa 300 OFWs ang nakinabang sa One Stop Shop project kung saan nakapagtala ng 55 katao ang bagong rehistrado sa absentee-voting. (zita baron)