Isang 40-anyos na Pinay ang sinampahan ng kaso ng panloloko ng isang kliyenteng italyano. Ang modus ay isang online scam ayon sa mga awtoridad. Ang biktima ay isang 69-anyos na lalake na nakatira sa Colle Umberto sa Probinsya ng Veneto. Ayon sa inilahad na ulat ng biktima, nakakita umano ito ng isang magandang offer sa isang kilalang advertisement website. Ang ibinebenta ay isang magandang lawn mower na nagkakahalagang 1560 euro.
Nagsimula umano ang lahat sa pagpapalitan ng mga messages sa mismong website ng mga ADs. Nagpakilala sa biktima ang scammer bilang isang nagngangalang “Alessandro”. Nagsimula ang negosasyon hanggang sa umabot ang dalawa sa napagkasunduang presyo. Para hindi na umano maibenta pa sa iba ay nag-request ng bonifico si “Alessandro” gamit ang isang IBAN na konektado sa isang account ng postepay.
Dito na nagsimula ang sakit ng ulo ng biktima dahil matapos maipadala ang pera ay hindi na makontak ang kausap na biglang naglaho. Saka lamang umano niya napagtanto na maaaring siya ay biktima ng online scam. Makalipas ang ilang linggo ay nagsadya ang biktima sa himpilan ng mga carabinieri upang pormal na magreklamo. Matapos maibigay ang lahat na mga detalye ay agad namang sinimulan ang imbestigasyon. Ilang buwan ang lumipas at lumabas ang risulta ng isinagawang operasyon ng mga alagad ng batas. Natunton ang may-ari ng postepay na isang pilipina. Nang puntahan ng mga alagad ng Arma dei Carabinieri ay itinanggi ng pinay ang akusasyon at wala umano siyang alam sa nangyari. Nang lumaon ay nagiba ito ng bersyon. Pinahiram umano niya ang postepay sa isang kakilala na may-ari ng isang negosyo. Ang usapan ay bibigyan siya ng 10% sa lahat ng magiging transaksyon gamit ang kanyang account. Ang mga carabinieri ay sanay sa mga ganitong pagpapaikot. Hindi maibigay ng pinay ang pangalan ng kanyang kakilala pati na rin ang sinasabing negosyo nito. Lumabas din sa imbestigasyon na ang pinay ay may mga dati nang kaso gamit ang parehong modus ng panlilinlang. Sinampahan na ng kaukulang kaso ang nabanggit na lady scammer. (Quintin Kentz Cavite Jr.)