Milan, Marso 3, 2014 – Ang imahen ng Our Lady of Peñafrancia ay dinala sa Milan noong taon 2000 sa pamamagitan ni Nonoy dela Cruz, kauna-unahang president ng Bicol Saro Association.
Sa pamamagitan ng isang reunion ni founder Elmer del Rosario sa mga kamag-anakan at mga Bicolano ay nabuo ang grupo. Sa mungkahi naman ni Lea Bausa ay tinawag na Bicol Saro Association. Ang katagang “saro” ay nangangahulugan ng isa o ang pagkakaisa sa wikang tagalog.
Umabot na sa mahigit kumulang na 700 ang miyembro nito, at hindi naglaon ay napalitan ang maliit na imahe sa isang malaking Birhen matapos ang ika-300 taon ang feast of Peñafrancia.
Ayon kay Anna Quismorio, aktibong adviser ng Bicol Saro, ang malaking imahe ng birhen ay binasbasan pa sa Roma.
“Every 3rd Sunday of September, we celebrate the feast of Peñafrancia, at ang floavial parade namn ng dalawang imahe sa river Porta Genova ay ginagawa ng Sabado ng gabi upang maraming mga Bicolano ang makadalo. Ikatlong taon na naming ginagawa ito”, ayon pa sa adviser.
Hanggang sa kasalukuyan ay iniikot ang mahal na imahe tuwing ika-siyam na araw sa bahay bahay ng mga kababayan natin, mapa-Bicolano man o hindi, kung saan dinadasal ang novena ng mga deboto tulad ng tradisyon sa Pilipinas.
Ang Bicol Saro ay itinuturing na isa sa mga aktibong grupo sa Milan. Sa katunayan ay patuloy ang kanilang suporta sa mga grupo at ibang mga kababayan natin sa Milan.
Sumusuporta din ang grupo sa Pilipinas. Sila ay tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa mga biktima ng kalamidad, maging sa mga nangangailangan ng tulong sa Bicolandia, ayon kay Romy Mesina, ang kasalukuyang president ng Bicol Saro.
Pagmamalaki pa ng presidente ang pagtutulungan sa pagitan ng mga grupo sa Milan. Halimbawa ay ang United Ilonggos in Italy na nagbabahagi rin sa Bicol Saro ng mga goods o materyal na bagay buhat sa ilang bansa sa Europa upang ipamahagi rin sa kanilang lugar na higit na nangangailangan.
“Aktibo rin kami sa pakikiisa sa San Lorenzo Church, kay Fr. Emil Santos, sa mga pagtitipon”, dagdag pa ng presidente.
Bukod dito, bahagi ng kanilang agenda ang pa-disco, sports fest, pilgrimage tour at Christmas party.
May benepisyo rin ang bawat miyembro dahil sa 1euro monthly dues. Dito nagbubuhat ang abuloy o anumang tulong pinansyal sa miyembrong nangangailangan.
At para sa mga kabataan ng grupo, “I suggest na kung mayroong kabataan na inclined sa music or other talents, we are willing to support them and guide them to achieve their goals”, ayon kay Quismorio.
Gayun pa man, sa huling pahayag ng presidente, ay inaasahan ang patuloy na pagkakaisa ng bawat miyembro para sa ikauunlad ng grupo at maging magandang halimbawa para sa susunod na henerasyon na siyang magpapatuloy sa grupong Bicol Saro Association. (ni Chet de Castro Valencia)