Ang tatag ng isang komunidad ay hindi nasusukat sa dami ng mga kaanib nito, kung hindi sa tatag ng kanilang paniniwala, maliit man ang kanilang bilang.
Masayang ipinagdiwang ng Our Lady of Peñafrancia Filipino Community ang kanilang ika-9 na taong anibersaryo ng pagkakatatag sa Roma. Ang nasabing selebrasyon ay ginanap noong nakaraang Marso 20 sa Chiesa di San Gabrielle dell’Adorata sa Via Ponzio Cominio. Ang pagdiriwang ay sinimulan sa pagkakaroon ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Hernan Marco, ang mismong spiritual adviser ng komunidad kaagapay si Rev. Fr. Rasel Berdi. Ang misa pasasalamat ay sinundan ng isang salo-salo. Kinatampukan din ito ng isang programang musikal kasabay ang pagpapakilala sa mga opisyal na kumakandidata para sa titulong MRS. FLORA BELLA 2011. Pitong mga naggagandahang kandidata ang kalahok para sa nasabing paligsahan sa taong ito. Pitong mga kandidata na kumakatawan sa pitong lalawigan sa Pilipinas: Mrs. Melody Jamandra (Catanduanes), Mrs. Nanni Racelis (uezon Province), Mrs. Rebecca Mimay (Iriga City), Mrs. Felicita dela Rosa (Bulacan), Mrs. Herminia Malate (Batangas), Mrs. Beth Naval (Manila) at Mrs. Violeta dela Cruz (Mindoro).
Ang komunidad ng Our Lady of Peñafrancia ay nabuo ng taong 2002 sa paggagabay ni Rev. Father Ric Fernando sa tulong ni Don Ricardo, Parish Priest ng Parrocchia San Giulio I. Nang madestino si Father Ric sa Jerusalem, Israel para sa isang mahalagang misyon, naging kahalili niya si Father Jerome Hernandez. Nasundan pa ito nina Father Greg Redoblado at Father Arnulfo Cubero, na ngayon ay nasa Pilipinas na matapos ang kanilang pag-aaral sa Roma. Ang sumunod na si Father Marc Rebuyo naman ay nadestino sa Estados Unidos na naging Secretary to the Bishop of San Francisco. Sa ngayon, ang kanilang kasalukuyang priest animator ay si Father Herman Marco mula pa noong Pebrero 2006. Hindi man matuturing na napakadami ng kaanib ng komunidad nito, sila ay naniniwala na ang tatag ng isang komunidad ay hindi masusukat sa dami ng mga kaanib nito. Ang tanging pamantayan ng kanilang tatag ay makikita sa paniniwala at debosyon ng kanilang mga kaanib na patuloy na nagbubuklod sa kanila sa paglipas ng panahon.