Ang Overseas Absentee Voting Act 2003 o ang Republic Act No. 9189 ay ang batas na nagbibigay ng pantay na oportunidad sa pagboto sa lahat ng kuwalipikadong mamamayan na nakatira o nagtatrabaho sa labas ng Pilipinas. Maaaring bumoto ang mga Overseas Filipinos sa eleksiyon ng Presidente, Bise-presidente, Senador at Party List Representatives. Ito ay naamyendahan noong 2013 ng Republic Act 10590 o ang Overseas Voting Act.
Para sa eleksyon sa taong 2022, ang rehistrasyon ay nagsimula na noon pang ika-16 ng Disyembre 2019 at magtatapos sa ika-30 ng Setyembre 2021,
Sino ang mga kuwalipikadong maging botante?
Ang mga kuwalipikadong botante ay yaong sa mismong araw ng eleksiyon ay nasa labas ng bansa at nagdesisyon na maging overseas absentee voter, gayun pa man ay kailangan pa rin ang aprobasyon base sa mga rekisitos na isusumite nila.
Dapat ay Filipino citizen at may edad na 18 sa araw ng eleksiyon at kung may taglay nang Italian citizenship ay dapat magkaroon din ng dual citizenship sa pamamagitan ng Republic Act 9225.
Sino ang mga diskuwalipikado?
Ang mga di-kuwalipikado ay yaong binitawan na ang Filipino citizenship, at sumumpa na ng allegiance of citizenship sa bansang kinaroroonan. Sila rin ang mga convicted na ng final judgement ng Korte o Tribunale sa krimeng nagawa na may parusang di bababa sa isang taon, at di nabigyan ng plenary pardon o amnestiya. Di rin kuwalipikado ang mga naideklarang guilty by final judgement of disloyalty sa ilalim ng Article 137 ng Revised Penal Code at di nabigyan ng plenary pardon o amnestiya.
Ang mga nasa labas ng bansa na idineklarang wala sa tamang pag-iisip o katinuan at pinatunayan ng embahada at konsulato o alinmang foreign service establishment, at hindi idineklarang nasa katinuan na ay di rin kuwalipikado.
Paano ang aplikasyon bilang Overseas Absentee Voter?
Sa opisina ng Konsulato o Embahada o saan mang ibibigay na lugar ng field registration, maaaring magtungo ang mga magpaparehistro, dala ang mga rekisitos na gaya ng:
- Balidong pasaporto
- Kung hindi dala ang pasaporto, maaari ang original o photocopy ng birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority, ang permesso o carta di soggiorno o ang carta di identita dito sa Italya.
- Kung walang madalang birth certificate mula sa PSA, maaari din ang mula sa Local Civil Registrar o kaya ay baptismal certificate o kaya naman ay certification mula sa Department of Foreign Affairs na nagsasaad na wala kang ibang maipakitang dokumento base sa mga balidong dahilan.
- Para sa mga dual citizen, dalhin ang original copy ng Order of Approval ng application to retain o re-acquire ang Filipino citizenship o kaya naman ay ang kopya ng Oath of Allegiance mula sa Embahada, Konsulato o Bureau of Immigration.
- Accomplished OVF NO. 1
Pagkaraan na maipakita ang mga rekisitos, ay maaari nang isunod ang Biometrics capture.
Mga Pamamaraan ng pagboto:
- PERSONAL VOTING – Ang mga aprubadong botante ay maaari nang bumoto anumang araw sa loob ng voting period na itinakda. Magtutungo lamang sa Konsulato o Embahada o sa itinakdang voting area.
- VOTING BY MAIL – Ang electoral mail ay ipapadala ng COMELEC direkta sa mga residente ng mga botante. Matatanggap nila ang mailing o packet envelope na naglalaman ng balota at ang envelope na gagamitin para sa pagbabalik nito. Nakapaloob din dito ang certified list of candidates at ang instruksyon para sa pamamaraan ng pagkompila.
- MODIFIED VOTING BY MAIL – Ang PCG MILAN at ROME PE ay nagsasagawa din ng ganitong pamamaraan kung saan ang COMELEC ay ipapadala ang mailing packets sa mga foreign posts at ang mga ito ang magpapadala naman sa mga residente ng mga botante.
Kaya mahalaga ang tamang detalye ng tirahan ng mga botante upang masiguro na makakarating ang mailing packets sa kanila.
Sa mga magkakasunod na dayalogo at konsultasyon ng mga alyansa, organisasyon, lider ng komunidad at ng Konsulato at Embahada, napag-usapan ang mga kasalukuyang sitwasyon at pamamaraan ng pagpaparehistro ng mga Pilipino dito sa Italya.
Sa Konsulado ng Milan, maaaring magtungo doon ng walang prenotasyon o appuntamento para sa pagpaparehistro. Dalhin lamang ang mga nabanggit na rekisitos at maaari nang maisagawa ang rehistrasyon. May mga kahilingan din ang FILCOMs na maluwag na mapagbibigyan ng Konsulato gaya ng malakihang bilang o grupo ng magpaparehistro sa isang araw na mapagkasunduan, ang pagpapa-update sa talaan ng botante para masiguro kung aktibo pa o kinakailangan ng pagpapabago ng tala gaya ng bagong tirahan, apelyido dahil sa pagbabago ng status, pagkakaron ng dual citizenship, at pagpapalipat mula sa dating voting jurisdiction na pinagparehistruhan. Dalhin lamang ang pasaporto at ikompila ang OVF No.1 at magsumite para sa biometrics capture. Maaari ding tingnan ang website nito para alamin kung nasa listahan for disenfranchisement o disactivation ang inyong pangalan.
Sa Embahada ng Pilipinas sa Roma, may tatlong hakbang ito para sa pagpaparehistro:
- Kumuha ng apuntamento sa https://romepe.timetap.com/. Piliin Ang “Overseas Voting Registration” mula sa listahan ng mga serbisyo.
- Matapos mai-book, punan ang overseas voter’s registration form sa https://irehistro.comelec.gov.ph/irehistro/ovf1.
- Dalhin ang printed form na may QR code sa Embahada, kasama ang pasaporto, sa araw ng apuntamento para sa biometrics capture.
Para sa mga karagdagang kaalaman, maaaring mag-email sa : comelec_coav@yahoo.com at secretariat.oav@gmail.com. Maaari ring kumonsulta sa mga website https://milanpcg.dfa.gov.ph at https://romepe.dfa.gov.ph
Dahil sa kasalukuyan pa ring sitwasyon ng pandemya, di pa rin mapagbigyan ng Konsulato at ng Embahada ang kahilingan ng mga komunidad na magsagawa ng field registration sa mga pangunahing siyudad. Dati-rati kasi ay naisasabay ito sa mga iskedyul ng mobile consular service sa mga nasasakupan nitong hurisdiksiyon.
Sa ngayon ay may mga boluntaryong organizasyon at asosasyon at mga indibidwal na nagsasagawa ng awareness campaign para mahikayat ang mas maraming bilang ng mga botante na magpaparehistro o magpapa-aktibong muli ng kanilang estado bilang overseas absentee voter. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)