Isang mahalagang paalala ang inilabas kamakailan ng Embahada ng Pilipinas sa Roma ukol sa Kampanya laban sa Ilegal na Droga.
Ito ay matapos kumalat ang magkasunod na balita ng pagkaka-aresto sa mga Pilipino sa Roma dahil sa pagkakasangkot sa pagbebenta at paggamit ng shabu.
“Sa loob ng nakaraang 12 araw, may 16 na mamamayang Pilipino ang naaresto ng mga awtoridad ng Roma dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga”, mababasa ss Paalala.
“Apat (4) sa mga ito ay nasa kulungan habang ang iba naman ay naka house arrest”, ayon pa sa Paalala.
Matatandaang pito (7) ang unang iniulat na inaresto ng awtoridad noong February 12. Ang unang dalawang lalaki, may edad na 35 at 37 anyos ang inaresto matapos manmanan ang kahina-hinalang kilos ng mga ito sa zona Torrevecchia. Samantala ang sumunod na lima (5), may edad mula 24 hanggang 43 anyos ang inaresto naman sa Piazzale degli Eroi. Lahat ay pawang mga residente sa Viale Medaglie d’Oro.
Ang pitong nabanggit ay nahulihan lahat ng doses ng shabu.
Ang pagkaka-aresto ay mabilis na nasundan makalipas ang ilang araw lamang. Sa katunayan, Feb 23 ay muling nabulaga ang komunidad sa muling pagkaka-aresto sa siyam (9) na Pilipino sa Roma na pinangungunahan ng isang 52 anyos na Pinay.
Ayon sa mga report, matagal umano ang ginawang imbestigasyon sa ikalawang pag-aresto upang matuklasan ang modus ng grupo: mula sa pagpapadala ng shabu mula Pilipinas hanggang sa Italya, sa pagtitingi nito hanggang sa pagpapadala ng kabayaran sa mga money tranfers agencies.
Ito ay patunay lamang na talamak pa rin ang suliranin sa ipinagbabawal na gamot at biktima nito maging ang mga Pilipino sa Italya, partikular sa Roma. At sa kabila ng mga paghihigpit sa airport ay makakapag-puslit pa rin ang mga nagtutulak na Ofws sa muling paglabas ng bansang Pilipinas at naibebenta naman sa mga kababayan sa Roma.
Kaugnay dito, hinihikayat naman ng Embahada ng Pilipinas ang lahat ng mga Pilipino na iwasan ng husto ang ilegal na droga at ang mga taong nasa likod nito. Iwasan din ang pagtanggap ng mga padalang gamit sa inyong tirahan galing sa mga taong hindi ninyo kamag-anak o gaanong kakilala. Ita y isang pamamaraan ng pagpasok ng ilegal na droga galing Pilipinas papunta sa Italya.
PGA
Basahin rin:
Isyu ng paglaganap ng droga sa North Italy, haharapin ng AGAD