in

PAALAM ng Filipino community kay Norielyn

“Ang ngiti ng iyong ina ay di mo na masisilayan, hayaan mong punan ito ng mga ngiti ng iyong kababayan”.

Cagliari, Pebrero 19, 2014 – Ito ang mensaheng nais iparating ng butihing maybahay ni Honorary Consul Danny Cannas na si Elizabeth Cannas sa anak na naulila ni Norielyn Ilagan.

Sa pagpupulong na ginanap sa tanggapan ng Philippine Honorary Consulate ng Sardegna kagabi, binigyang diin ng opisyal ang malaking ginampanan ng FILCOM tungo sa layunin na makalikom ng sapat na halaga at maging kaagapay ni Demetrio sa oras ng kanyang pagdadalamhati.

‘Mahalaga ang ginampanan ni G. Silvestre Hernandez lalo na kayo mga leaders sa inisyatibang ito. Naipakita nyo na mas epektibo at mas mabilis kung nagtutulungan’, pagpapahayag pa ni Honorary Consul Cannas.

‘Pasalamat din tayo sa Embahada dahil pinagkalooban nila tayo ng Honorary Consulate dito sa Sardegna. Ang koordinasyon pagdating sa dokumento ay mas natutukan at napahalagahan’, sambit naman ni Ruth.

Isasagawa mamayang hapon bandang alas 4:00 ng hapon ang Banal na Misa para kay Norielyn Ilagan sa Parokya di SS. Nome di Maria ( La-Palma) – Cagliari.

Si Norielyn Ilagan Manongsong ay tubong Calapan Mindoro. Siya ang Pilipinang namatay sa panganganak noong ika-10 ng Pebrero sa klinika di Villa Elena dito sa Cagliari. Siya ay asawa ni Demetrio Manongsong tubong Mabini, Batangas. Isang malusog na sanggol na babae ang kanyang isinilang. Sa kasawiang palad, nagdulot naman ito ng pagkawala ng kanyang buhay.

Iuuwi sa Pilipinas (Calapan Oriental Mindoro) ang kanyang bangkay.

EXPIRED ang kanyang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Membership.

Filipino Community sa Cagliari ang gumawa ng inisyatiba upang malikom ang halagang gagastusin.

Pananalig ang nagpatatag sa naiwan nyang si Demetrio at Demiel Anne upang dinggin ang mga dasal na humihipo sa mga pusong matulungin.

Siya ay isang OFW, asawa, kapatid, anak, ina na sana, kaibigan, kamag-anak. Siya ngayon ay anghel para sa mga nagmamahal sa kanya, lalo na kay Demiel Anne. (EO)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ita-Fil Care patuloy sa ikalawang proyekto

Charity walk ng INC, ginawa rin sa Roma!