Muling naipakita ng mga batang pinoy ang kanilang talento sa pag-awit at sila’y pinuri ni Assessore Rosa Maria de Giorgi ng Pubblica Istruzione.
Sa Teatro Puccini, Firenze noong ika-28 ng Marso 2010, matagumpay na konsiyerto para sa pagdiriwang ng “Pace Dei Bambini” (Kapayapaan para sa mga Bata) ang hinahangaan ng mga manonood. Ang partisipasyon ng batang Pinoy ay lubhang hinahangaan at walang humpay na palakpakan at sigawan dahil sa tuwa at paghangan ng mga manonood nang awitin ng mga ito ang “Heal the World” at “You Raise me Up”.
Pinuri at pinasalamatan naman ni Sig. Mario Peccioli, director ng Melograno Piccolo Coro ang Filipino Community sa kanilang napakagandang interpretasyon ng awiting Heal the World. Maging si Assessore Rosa Maria de Giorgi ng Pubblica Istruzione say nagsabi na ang ipinakita ng mga batang pinoy ay ang tunay na kahulugan ng integrasyon, pagkakaisa at kapayapaan. Pinuri naman ng taunang Host na si Daniella Morozzi si Romy Alonzo dahil sa kaniyang husay sa pagtuturo sa mga batang Pinoy ng San Barnaba Children’s Choir.
Bukod sa makahulugang partisipasyon ng mga batang Pinoy, ipinagmamalaki din ng mga Pilipino ang isang batang pinay si Michelle Alonzo, miyembro ng Piccolo Coro Melograno. Si Michelle ang kauna-unahang batang Pinay na naging miyembro ng isang sikat at prestihiyosong choral group ng mga bata sa Italya na nagrerecord na rin ng mga awitin. Ang Melograno ang naging highlight sa mga pagtatanghal sa okasyong nabanggit.
Nakakalungkot lamang na sa dami ng naghangad na manood ay hindi lahat ay napapasok sa teatro dahil sa kakulangan ng upuan. Humingi naman ng paumanhin si Peccioli dahil dito. Si de Giorgi naman ay nangakong pipilitin nila sa mga susunod na pagdiriwang na kumuha ng mas malaking pwesto para sa pagdiriwang katulad ng Teatro Verdi at Mandela Forum sa dahilang ito ang naging pakiusap ni Outgoing President of Council of Foreign Citizens ng Firenze na si Divinia Capalad na nalungkot sa pangyayari.
Iba’t ibang presentasyon, may sayaw at awitin ng mga bata mula sa iba’t ibang lahi. Arabo, Intsik, Sri Lankese, Senegals, Palestinians, Italians at iba pa ang pumailanlang sa tanghalan. Kasama din ng San Barnaba Children’s Choir na nagperform sina Jimberly Amazona ng JIL at Pamela Ruth Baon ng Adimef – pagsasamang lalong nagbigay kahulugan sa salitang “peace” regardless of religion at race na pinagmulan.
Nagpapasalamat naman ang Council of Foreign Citizens sa kooperasyon ng FCCF sa pangunguna ni Sis. Erlita Bautro at sa Cultural Commission na pinamumunuan ni Konsehal Perla Jocson sa tulong ni Shiela Capalad na kasamang nagturo ni Romy Alonzo sa mga batang Pinoy. (Tess Salamero)