in

Padre de pamilya, nalunod sa Ticino River sa Milano

Isang 49 anyos na Pilipino ang nasawi habang inililigtas niya ang kanyang 14 anyos na anak at 9 anyos na pamangkin sa pagkakalunod sa ilog ng Ticino sa Turbigo, isang comune na may tinatantiyang 50 kilometro na layo mula sa sentro ng Milano. Nangyari ang trahedya bandang ala 1 ng hapon, araw ng huwebes, ika-19 ng mainit na buwan ng hulyo 2018.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga carabinieri, napagalaman na kasalukuyang nagkakasayahan ang biktima na kinilalang si Edwin Perez at ang mga kamag-anak at kaibigan nito sa picnic sa tabi ng ilog Ticino sa località Ponte di Ferro sa Turbigo (Milano), habang sa isang banda di kalayuan ay masayang naglalaro sa ilog ang dawalang menor de edad.

Halos dalawang oras na umano ang grupong ito mula ng dumating sa naturang lugar. Sa gitna ng kasiyahan ay biglang narinig ng mga ito ang sigaw ng paghingi ng saklolo ng dalawang bata na nakita nilang nahihirapang bumalik sa pampang ng ilog. Hindi nagdalawang isip ang biktima at agad itong tumalon sa ilog. Sa kanyang pagtangkang mailigtas ang anak at ang pamangkin ay hindi nito pansin ang sobrang lakas ng agos ng tubig. Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, napansin agad nila na hirap ang biktimang gumalaw sa tubig at kitang kita ng kanilang mga mata kung pano siya tinangay ng malakas na agos papunta sa malalim na bahagi ng ilog hanggang sa tuluyan itong malunod.

Agad namang rumisponde ang mga rescue team, carabinieri, at vigili del fuoco ng Provincial Command ng Milano kasama ang special SAF team (Soccorso Speleo Alpino Fluviale), pati na rin ang ilang ambulansya at helicopter ng 118.

Halos isang oras din ang isinagawang paghahanap sa nawawalang katawan ng biktima na natagpuan ng mga expert scuba divers na wala ng buhay, may isang kilometro ang layo mula sa punto kung saan ito tumalon.

Samantala, ligtas naman ang dalawang bata na nakaahon sa tubig sa tulong ng isa pang tiyuhin at ng iba pang mga kamag-anak.

Iminungkahi ng mga pulis na huwag hahayaang lumayo ang mga bata sa mga magulang upang maiwasan ang ganitong trahedya at nagpaalala rin ang mga awtoridad na maging maingat at tiyaking hindi delikado ang ilog o dagat na lalanguyan ngayong mainit ang panahon.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Non-EU nationals, obligadong dala palagi ang permit to stay?

Pinoy na nanggahasa sa dating asawa, arestado sa Roma