“MAKING MORE HAPPY MEMBERS!” Ito ang tema at layunin ng Home Development Mutual Fund (HDMF), mas kilala bilang Pag-IBIG Fund, para sa taong ito. Bilang patotoo, naglunsad kamakailan ang Pag-IBIG ng magkakasunod na programa at proyekto para sa kapakanan ng mga miyembro kasama na ang mga OFWs.
Ito rin ang naging pakay ni Atty. Darlene Marie B. Berberabe, ang CEO ng Pag-IBIG Fund sa kanyang naging pagbisita sa Italya noong nakaraang Hunyo sa Roma. Sa isang pagpupulong sa Filipino Community ay kanyang personal na ibinahagi ang mga bagong programa ng sa mga ofws ukol sa pag-iimpok.
Membership Savings Update
Sa pangunguna ng Bise Presidente at Chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, Hon. Jejomar Binay, inapruban kamakailan ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees ang pagdedeklara ng 8.491 bilyon pisong dibidendo para sa mahigit sampung milyong miyembro ng Pag-IBIG Fund para sa taong 2011. “Ang halagang ito ay 71% ng net income ng Pag-IBIG Fund at nanangahulugang ang bawat miyembro ng Pag-IBIG ay kumita ng 4.13% sa kanilang membership contributions,” ani VP Binay.
Nagtala rin ang Pag-IBIG Fund ng gross income na 24.8 bilyong piso, mas mataas ng 11% kumpara noong nakaraang taon. Ito na pinakamataas para sa Pondo sa loob ng 31 taon. Ayon kay Atty. Darlene Marie B. Berberabe, CEO ng Pag-IBIG Fund: “The members- the Filipino workers – are the direct beneficiaries of all the efforts of the Fund. Eevery increase in its income means higher dividend rates and bigger savings for the members. We assure all our members that the Fund will continue to safeguard and ensure the growth of the savings that thay have entrusted to us.”
Matatandaan na simula January 2010, kasama na ang ating mga kababayang OFWs sa mga mandatory members ng Pag-IBIG Fund. Bisa ito ng Republic Act No. 9679 kung saan pinalawig na ang mandatory coverage ng Pag-IBIG Fund kasama ang mga OFWs.
Housing Loan Benefits Update
Para naman sa mga kababayan nating nagnanais manghiram, muli nang ibinabalik ng Pag-IBIG Fund ang two-year lump-sum payment ng membership contributions upang mapabilis at mapa-aga ang pag-a-avail ng housing loan. Sa bisa ng pagbabagong ito, hindi na kailangan ng miyembro na maghintay ng isang taon bago makautang. At kahit bagong miyembro pa lang, available na para sa kanya ang Pag-IBIG housing loan. Simula rin ngayong July 2012, itinataas na ang loanable amount sa PhP 6 milyon sa mas magaang interest rate.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa savings at housing loan programs ng Pag-IBIG Fund, magtungo po sa mga Information Desks ng Pag-IBIG Fund sa Embahada sa Roma at Konsulado sa Milan. Maari ring tumawag sa mga sumusunod na numero: Pag-IBIG Fund Rome (0639740853) at Pag-IBIG Fund Milan (0243510205).
Araw ng mga Puso…Araw ng Pag-IBIG Fund
Samantala, simula sa taong ito, pormal nang ituturing na “Araw ng Pag-IBIG Fund” ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day. At bilang paunang proyekto, nag-organisa ang Pag-IBIG Fund, sa pakikipagtulungan SM Malls at local government units, ng isang malakihang kasalang-bayan na tinaguriang: “I Do. I Do. Araw ng Pag-IBIG”. Mahigit 2,000 na magkasintahan ang naikasal noong ika-14 ng Pebrero sa magkakasabay na civil wedding rites sa Maynila, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Naga, Baguio at Bacolod. Nagsagawa rin ng katulad na kasalan sa Calamba at Kidapawan sa pangunguna ng lokal na pamahalaan doon.
Tumayong principal sponsor o ninong ng mga bagong kasal ang ating Bise Presidente, Hon. Jejomar Binay, na siya ring chairman ng Pag-IBIG Fund. Secondary sponsor naman ang CEO ng Pag-IBIG Fund na si Atty. Darlene Marie B. Berberabe.
Kasama rin sa nabiyayaan ng proyektong ito sina Mr. Roselle Roxas at Lorna San Jose, ang magkaparehang-OFWs mula sa Taiwan.
Ang “I Do. I Do. Araw ng Pag-IBIG” ay magiging tradisyon na ng Pag-IBIG Fund na gaganapin tuwing Araw ng mga Puso. Sa mga kababayan nating nais maging bahagi ng kasalang-bayang ito sa susunod na taon, makipag-ugnayan lamang sa opisina ng Pag-IBIG Fund sa Italya.