Sabay-sabay sa countdown sina H.E. Ambassador Nathaniel Imperial ng PE Rome at H.E. Myla Grace Macahilig ng PE Vatican, mga bumubuo ng dalawang Embahada, mga panauhin, mga kaparian, mga madre at mga miyembro ng filipino community, sa ginanap na Christmas tree at parol lighting event sa garden ng Philippine Embassy sa Roma.
Sa okasyong nabanggit, nagpaabot ng pagbati ng Maligayang Pasko sa filipino community ang butihing Ambassador. Aniya, hindi mapapantayan ang magarbo at masayang pagdiriwang sa Pilipinas ngunit kaniyang ninais pa rin na anyayahan ang komunidad upang sama-samang buhayin ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awiting pamasko, pag-ilaw ng parol at Christmas tree at pagsasalu-salo sa iisang hapag ng mga pagkaing Pilipino.
“Sabay-sabay nating salubungin ang Pasko at ang Bagong taon bilang nagkakaisang komunidad na puno ng pag-asa at pangako”.
Kaugnay nito, nagpasalamat muna si Ambassador Myla kay Ambassador Nathaniel sa pagbibigay pagkakataong maging bahagi ng okasyong nabanggit, bago magpaabot ng kanyang pagbati ng Maligayang Pasko sa buong komunidad.
“Gaano man katagal tayong nalayo sa ating bansa at sa ating mga mahal sa buhay, ang pagsasama-sama natin sa mga mahahalagang okasyon ay nakakabawas ng pananabik kasabay nito ang pamumuhay ng ating tradisyon bilang minamahal na komunidad ng host country”.
Sinundan ang pagbati ng mga pamaskong awitin mula sa filipino community: Trullo Choir, Mirasol dela Cruz at Pinoy Teens Salinlahi. Nagbigay din ng awitin ang PE Rome staff at isang pari mula sa Collegio Filippino.
Isang masaganang hapag ang pinagsaluhan ng lahat, matapos ang hindi matapus-tapos na kamustahan, kwentuhan at picture taking na tanda lamang na tunay na nagkasabikan ang lahat sa isa’t-isa matapos ang mahabang panahon ng pandemya.
Dumalo din sa nasabing pagtitipon si Consul General Elmer Cato ng PCG Milan, Mike Mendoza ng Department of Tourism-London.
Ang nasabing okasyon ay ang unang pagkakataon upang ang dalawang embahada sa Roma ay mag-organisa ng iisang pagdiriwang, partikular sa panahon ng Kapaskuhan na lubos namang ikinagalak ng komunidad. (PGA)