in

Pagbibigay-pugay sa Watawat ng Pilipinas sa Araw ng Kalayaan sa Embahada ng Pilipinas sa Roma

Sa isang makasaysayang pagdiriwang, ang mga Pilipino sa Roma at sa Florence ay nagtipon-tipon sa Philippine Embassy sa Roma upang ipagdiwang ang ika-126 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Ang seremonya ay sinimulan sa isang solemne at makabuluhang pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas, simbolo ng ating kasarinlan at kalayaan.

Isinagawa ang tradisyonal na pagtataas ng watawat kasabay ng pag-awit ng pambansang awit, “Lupang Hinirang.” Kasunod nito, ay ang pagbigkas ng Panunumpa ng Katapatan sa Watawat.

Ang seremonya ay pinangunahan ng Kagalang-galang na Embahador ng Pilipinas sa Italya, si Ambassador Nathaniel Imperial. Sa kanyang pambungad na salita, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Araw ng Kalayaan bilang paalala ng sakripisyo ng ating mga bayani at ng patuloy na laban para sa kasarinlan at pagkakaisa. Pagkatapos ay binasa ni Ambassador Imperial ang mensahe ni President Ferdinand R. Marcos Jr. Samantala, ang mensahe nina Secretary of Foreign Affairs Enrique A. Manalo at Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ay binasa naman ni DCM Cainglet at ALA Luntao.

Sinundan ito ng maigsing pagtatanghal – awitin mula kay Finance Officer Jeany Macadangdang at Carinosa at Subli dance naman mula sa Int’l Philippie School in Italy (IPSI) students.

Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Embahada ng Pilipinas sa Roma ay dinaluhan din nina Fashion Ambassador Rene Salud, Atty. Loida Lewis at ng mga Filipino community leaders.

Bago tuluyang magtapos ang selebrasyon ay nagkaroon ng masayang photo opt ang lahat na sinundan naman ng isang masaganang agahan Pinoy na lalong naghatid ng higit na pananabik sa ating bansang sinilangan.

Ang pagdiriwang ay nagpapaalala sa bawat Pilipino ng pagmamalasakit sa ating Inang bayan at pagmamahal sa ating kultura saan man naroroon ang bawat Pilipino.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

KITTO, World of Dance Italy 2024 KPOP Division Champion & Crowd Favorite 

OFW Got Talent at Balik-Saya, tampok sa Kalayaan 2024 sa Roma