in

Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Roma: Pamana ng Nakaraan, Lakas ng Kasalukuyan

Sa isang makasaysayan at makulay na pagtitipon, sama-samang ipinagdiwang ng mga Pilipino sa Roma ang 127th Philippine Independence Day, na pinangunahan ng Philippine Independence Day Association (PIDA) na binubuo ng iba’t ibang organisasyon ng mga Pilipino sa Roma at sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Italya. Ang kaganapang ito ay nagsilbing pagkakataon hindi lamang upang gunitain ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop, kundi upang ipagdiwang ang masiglang kultura, sining, at pagtutulungan ng sambayanang Pilipino sa Roma.

PIDA OFFICERS
Ang opisyal na pagbubukas ng palatuntunan ng Araw ng Kalayaan 2025 Ambassador ng Pilipinas sa Italia H.E. Neal Imperial,
Consul General Randy Arquiza at
Sir Augusto Castillo Cruz, Pangulo ng PIDA (Philippine Independence Day Association)

Pagbubukas ng Programa: Sining, Pananampalataya, at Pambansang Pagkakakilanlan

Pormal na sinimulan ang okasyon sa isang makasining na pagtatanghal na nagbigay-buhay sa kasaysayan at kabayanihan ng mga Pilipino. Sa direksyon ni Benjamin Vasquez, inilahad sa entablado ang mahahalagang yugto ng ating kasaysayan: mula sa katapangan ni Lapu-Lapu, hanggang sa pakikibaka ni Gabriela Silang para sa kalayaan ng mga kababaihan. Itinampok din ang malungkot ngunit makapangyarihang kwento ni Sisa, simbolo ng inaapi at pinabayaan, gayundin ang kabayanihang intelektwal ng Gomburza na nagbigay inspirasyon sa kilusang makabayan. Hindi rin nakaligtaan ang sakripisyo nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at iba pang mga bayani na walang pag-iimbot na lumaban para sa kalayaan ng Inang Bayan. Tinapos ito sa dramatikong pagbigkas ng mga huling salita ni Gat Jose Rizal“Consummatum est”, bago siya barilin sa Bagumbayan—isang tagpo na muling nagpapaalala ng halaga ng dangal, talino, at sakripisyo para sa bayan.

Kasunod ng pagtatanghal ay ang paggunita sa kasaysayan ng watawat ng Pilipinas, kung saan ipinakita ang ebolusyon ng ating bandila—mula sa panahon ng rebolusyon hanggang sa kasalukuyan. Tampok dito ang makulay na paradang makasaysayanna isinagawa ng mga piling kabataan mula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon.

Kasabay ng makasaysayang parada ay ang pag-awit ng Lupang Hinirang, ang ating pambansang awit, na buong damdaming inawit ng Karilagan Singers. Ang kanilang tinig ay naghatid ng matinding diwang makabayan na nagpatindig ng balahibo at nagbigay-pugay sa ating kalayaan.

Pananampalataya: Pagkakaisa sa Pananalig

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng relihiyon at paniniwala, pinatunayan ng komunidad ng mga Pilipino sa Italya ang kanilang matatag na pananampalataya at pagkakaisa sa pamamagitan ng isang banal na misa, na pinangunahan ni Rev. Fr. Michael Angelo Acera Dacalos.

Pagkatapos ng misa, sinundan ito ng ecumenical prayers na dinaluhan ng mga lider espiritwal mula sa iba’t ibang sekta at relihiyon. Isa itong makapangyarihang tagpo na nagsilbing paalala na ang kalayaan ng Pilipinas ay hindi lamang tagumpay ng sandata, kundi tagumpay din ng pananampalataya, pagkakaisa, at pananalig sa Diyos.

Pagkilala sa Kabataan: Pag-asa ng Bayan

Isang mahalagang bahagi ng programa ang pagbibigay parangal sa mga natatanging kabataan sa Roma at South Italy na nakatapos ng kanilang pag-aaral at nagsilbing inspirasyon sa komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga tagumpay sa iba’t ibang larangan, tulad ng academic achievements, sports, sining at iba pa. Iginawad ang mga pagkilala sa mga kabataang nagdala ng karangalan sa mga Pilipino ng Knights of Rizal at PIDA. 

Ito ay patunay na ang bagong henerasyon ng mga Pilipino sa Italya ay nagsisikap at tunay namang nagsisimula sa pagtatagumpay kahit sa labas ng sariling bayan.

Ipinakita rin sa pagbibigay-parangal na ang mga kabataan ay mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng diwang makabayan, at sa kabila ng mga hamon sa dayuhang lupain, ay nakakamit nila ang tagumpay sa pamamagitan ng sipag, determinasyon, at suporta ng komunidad.

Kultura at Paligsahan: Pagdiriwang ng Galing at Ganda ng Kulturang Pilipino

Isa sa mga pinakatampok at inaabangan sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Roma ay ang makulay, mayaman, at makahulugang cultural presentation na nagbigay-buhay sa yaman ng kulturang Pilipino. Lumahok dito ang iba’t ibang church-based groupscivic at sports organizations, at Filipino schools, mga kabataan at mga kababayang mula sa kalapit-bayan, na buong puso’t sigasig na ipinamalas ang kanilang husay sa sayaw, musika, at pagtatanghal. Ang kanilang mga pagtatanghal ay hindi lamang nagbigay-aliw, kundi naging paalala rin ng ating pinagmulan at pagkakakilanlan bilang lahing kayumanggi.

PIDA Cultural Presentation Contest

Bilang pasasalamat sa lahat ng mga grupong naglaan ng kanilang panahon, talento, at dedikasyon, isang sorpresang paligsahan ang inihandog, ang PIDACultural Presentation Contest, kung saan pinarangalan ang mga natatanging pagtatanghal ng araw.

Ipinagbunyi bilang champion ang International Philippine School in Italy (IPSI) sa kanilang makulay at enerhikong presentasyon ng Masskara Festival – isang simbolo ng saya at tatag ng Pilipino sa kabila ng pagsubok.

Pumangalawa ang International Migrants School (IMS) sa kanilang Danca Drama na Alingawngaw ng Kalinangan na nangangahulugan ng patuloy nap ag-iral ng ating kultura at tradisyon sa kasalukuyan.

Pumangatlo naman ang grupong Young Hearta Rome na nagtanghal ng “Mamang Sorbetero”, na nagdala ng nostalgia at ngiti sa mga manonood sa pamamagitan ng makulay na props at maindak na koreograpiya.

Bukod sa major awards, nagkamit din ng mga special awards ang IPSI ng Most Number of ParticipantsBest in Choreography & Best in Costume Best Performance naman ang IMS at Best in Creativity ang grupong Kidstar Teen Models sa kanilang Karatong Subli. 

Ang mga gantimpalang ito ay patunay ng masigasig na paghahanda at tunay na pagmamahal ng bawat kalahok sa sining at kultura ng Pilipinas. Sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang buhay sa Italya – sa trabaho at pag-aaral, naipadama nila na ang Pusong Pilipino ay patuloy na tumitibok kahit sila ay nasa Italya na.

Parada at mga Papremyo: Tampok din ng Selebrasyon

Isinunod dito ang isang makulay na parada na pinangunahan ng Philippine Embassy Rome, mga opisyal ng PIDA, at iba’t ibang samahan mula sa sektor ng kultura, sosyal, negosyo, sibiko, sports at edukasyon.

Ang parada ay nagbigay-pugay sa pagkakaiba-iba ng bawat sektor habang pinagtitibay ang samahan ng buong Filipino community sa Italya.

Samantala, nagbigay-saya sa mga dumalo ang raffle draw na may grand prizes na apat (4) na round-trip tickets Rome–Manila–Romedalawang (2) European tour packages, at maraming consolation prizes. Ang mga gantimpalang ito ay nagmula sa bukas-palad na suporta ng mga sponsors, na buong pusong nagbigay ng tulong sa selebrasyon.

LBC, isa sa mga major sponsors

Pinasabik din ang gabi sa pamamagitan ng isang live concert na pinangunahan ng guest artist Armand Curameng, na naghandog ng mga awitin na lalong nagbigay buhay at saya sa okasyon.

Buhay ang Diwa ng Kalayaan

Ang matagumpay na pagdiriwang ay patunay ng patuloy na pagbubuklod at pagmamahalan ng mga Pilipino sa Italya. Sa bawat tugtog, awit, sayaw, at pagkilalang iginawad, nabuhay muli ang diwa ngkalayaan, kabayanihan, at pagkakaisa – mga halagang pinanghahawakan ng bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo.

HOSTS: Jack Rosal Deomampo, Pia Gonzalez-Abucay, Marc Andrei Alita, Francine Crishiel Zubieta at Macky Oliver Tabirao

Isang bagay na kinumpirma at binigyang halaga ng panauhing mula sa Roma Capitale, si Hon. Barbara Funari. Aniya siya ay natutuwang maging bahagi ng pagdiriwang na nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa sariling bayan. Dagdag pa niya, ang ating pananatili sa Italya, partikular sa Roma, ay isang yaman dahil ang ating mga kabataan ay malahagang bahagi ng kinabukasan ng lipunan.  

Ang diwa ng Araw ng Kalayaan ay hindi nasusukat sa lugar, kundi sa puso ng bawat Pilipino”, ayon kay Ambassador Neal Imperial sa kanyang pagbati sa komunidad. Aniya ito ay hindi lamang selebrasyon ng kasaysayan, kundi selebrasyon din ng kinabukasan – kung saan ang kabataan, kultura, at komunidad ay sabay-sabay na kumikilos tungo sa mas matibay na pagka-Pilipino

Isang masigabong palakpakan mula sa mga opisyales ng PIDA para sa bawat Pilipinong tumindig, tumulong, at tumangkilik sa selebrasyong ito”, pasasalamat ni Augggie Cruz, ang presidente ng PIDA.  (PGA at mga kuha ni Boyet Abucay)

Mr. & Ms. PIDA 2025 –
Veronica McQueen Brosas & Rylee Gatmaitan

Para sa mga pangalan ng nanalo sa raffle, subaybayan ang Facebook page ng PHILIPPINE INDEPENDENCE DAY ASSOCIATION (PIDA)

Click to rate this post!
[Total: 3 Average: 5]

Europe Vacation ngayong Summer? Huwag Kalimutan ang Tessera Europea di Assicurazione Malattia

Flag Raising Ceremony, sa ika-127 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas