Ang GUARDIANS ay masasabing isa sa mga pinaka-aktibong grupo ng mga Pinoy sa Italya. May mga araw ng linggo na kaliwa’t kanan ang mga pagdiriwang na isinasagawa na may kaugnayan sa samahang ito. Ang dahilan nito ay ang maraming bilang ng mga brancheso paksyon. Iba’t-ibang pangalan, kanya-kanyang pamunuan ngunit bigkis ng iisang layunin: makatulong sa mga mahihirap at mga walang lakas na mamamayan at suportahan ang gobyerno sa mga layunin nito.
Dahil sa nabanggit na maraming branchesng nasabing samahan, marami ang nagtangkang bigyan ng pagkakataon na magkasama-sama ang mga magkakapatid sa balikat at magkaroon ng isang pagdiriwang na walang ibang dadalhing pangalan o banner kundi ang iisang payong ng GUARDIANS. Matapos ang ilang buwan na paghahanda at pagpupulong ng mga lider, dumating din ang pinakakaasam-asam na araw.
Ika-14 ng buwan ng Abril ng mapagkaisahang ipagdiwang ang GUARDIANS’ Day sa Roma na ginanap sa Le Follie, dakong Tiburtina. Ang nasabing pagdiriwang ay pinaunlakan ng iba’t-ibang branches ng GUARDIANS. Dumalo ang mga kinatawan ng LGI Peacemaker, PDGII, Guardians Emigrant (GE), DGPII, BDGNI, GBI-TBBG, Tiger FBII, CIMG Malaya, GBII, GEMPA, GDFII, PGMLII Matatag, at GSSI. Hindi rin nawala ang mahalagang presensya ng mga haligi ng mga GUARDIANS sa Italya na sina Diomedes “EGMF Nazareth” Larido, Ricardo “PCGS Ricros” Rosales Jr., Norberto “SMF Scorpion” Fabros, Victor “NCF Blu-gyn” Ramos, at iba pang mga maituturing na mga Ama ng kani-kanilang mga paksyon. Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga nagtaguyod ng mga samahan ng GUARDIANS na umabot na sa taong 2019, puno pa rin ng sigla at lakas at nakatuon pa rin ang atensyon sa mahihinang sektor ng ating pamayanan.
Sinimulan ang pagdiriwang ng mainit at bibong pagbati sa lahat ng nakiisa sa ebento mula sa Emcee na si Rodolfo “GMF Sinatra” Santos. Matapos awitin ang mga pambansang awit ng Pilipinas at ng Italya, pormal nang sinimulan ang programa. Ipinaliwanag ang tunay na layunin ng selebrasyon.
Nagpaunlak din sa imbitasyon ang hindi na iba sa mga GUARDIANS na si Ms. Pia Eliza Gonzalez-Abucay, ang editor-in-chief ng “Ako ay Pilipino”, ang kilalang pahayagan ng mga Pilipino sa Italya. Sa pagbibigay ng mensahe, kanyang binigyang diin ang pagfocus ng mga kasapi ng samahan sa kanilang mga sinumpaang pangakong tulungan ang mga mahihina at patuloy na ipaglaban ang “layunin ng gobyerno”, mga katagang nakapaloob sa “Panata ng GUARDIANS”.
Dumalo din sa pagdiriwang sina Mr. Stefano Lamiat Mrs. Marie Lami na nagpaabot ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa paanyaya at hinikayat ang lahat ng GUARDIANS na ipagpatuloy ang magandang nasimulan at huwag padadaig sa mga pagsubok na siguradong masasalubong sa paglalakbay ng pangkat.
Sa pagbabalik sa kanya-kanyang tahanan sa pagtatapos ng ebento, bakas sa mukha ng mga dumalo ang saya at satispaksiyon sapagkat naging katotohanan na ang matagal ng minimithing GUARDIANS Day. Umaasa ang lahat na sana sa isinagawang pagdiriwang ay makita ng lahat ng kasapi ang mas malalim na kahulugan ng pagsilbi sa kapwa na walang hinihintay na kapalit at ang kabuluhan ng pagsasakatuparan ng mga makabuluhang gawain, maging dito sa bansang Italya o sa ibang panig ng mundo man.
Quintin Kentz Cavite Jr.