Pangungunahan ng Santo Padre, Pope Francis ang paggunita ng mga Pilipino sa Italya sa ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Kasama sina Cardinal Luis Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples at Cardinal Angelo De Donatis, ang Vicario ng Papa sa Rome, ang pagdiriwang at selebrasyon ng banal na misa ay magaganap sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City sa darating na 14 Marso 2021 sa ganap ng ika-10 ng umaga.
Saan man naroroong sulok ng mundo ang ating mga Kababayang Pilipino ay samahan ninyo kami sa Roma na manalangin para papurihan at pasalamatan ang Diyos sa kaloob niyang handog na Pananampalataya bilang Kristiyano na 500 taon na ang nakalipas mula matanggap ng mga Pilipino”.
Ito ang paanyaya ni Father Ricky Gente, ang Chaplain ng Sentro Pilipino, sa kanyang post sa social media.
Dahil sa pandemya ay kaunti lamang ang pahihintulutang makapasok sa Basilicangunit hindi umano ito hadlang para subaybayan ang pagdiriwang.
“Sa pamamagitan ng FB Live Streaming, Sat2000, CNN, BBC, National TV Station sa Pilipinas at iba pang Local at International TV Stations ay maari rin kayong tumanggap ng blessing mula sa Santo Papa matapos ang Misa sa Vatican Square kung saan gagawin ng Papa ang Angelus Prayer sa tanghaling tapat”, ayon kay Father Ricky.
Ang lahat ng paghahanda sa ika-500 taong anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na gaganapin sa Roma ay sa pangunguna ng Pastoral Council ng Sentro Pilipino sa Roma sa pamumuno ng ating Presidente na si Teddy Dalisay.
Ang 2021 ay taon para ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa pangunguna ng Catholic Bishops’Conference of the Philippines (CBCP), nabuo ang tema at logo ng pagdiriwang na ito.
Ang tema ay “Gifted to Give,” tinawag ding “500YOC,” na hango sa Mateo 10:8 na nagsasaad ng mga sinabi ni Hesukristo sa labindalawang apostol.
“Pagalingin ninyo ang maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” (Mateo 10:8)
Ang opisyal na logo ay nabuo batay naman sa isang pinta ni Pambansang Alagad sa Sining na si Fernando Amorsolo na pinamagatang “The First Baptism in the Philippines” (1949).
Taong 2013 nang magsimula ang siyam na taong paghahanda sa “500 Years of Christianity” sa pamamagitan ng paglunsad noon ng “Year of the Integral Faith Formation.”
Dahil sa COVID-19 pandemic, nagdesisyon ang CBCP na ipagpatuloy hanggang 2022 ang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo. Nagkasundo ang mga obispo na opisyal na simulan ito sa 17 Abril 2021, bilang paggunita sa Unang Pasko ng Linggo ng Pagkabuhay sa Pilipinas.
Sa 14 Abril 2021, gugunitain naman ng Archdiocese of Cebu ang Unang Binyag.