Matagumpay na naidaos ang paglulunsad ng 1Sambayan Italya online via zoom at natunghayan sa pamamagitan ng Facebook Live streaming noong Lingo Hunyo 13, 2021.
Pinangunahan ito ng mga nakatayong Convenors at mga coordinators sa iba’t-ibang syudad sa Italya na nagmula sa Milan, Como, Modena, Mantova, Bologna, Firenze, Roma, Caserta at iba pa. Ang mga nasabing convenors ay kabilang sa iba’t-ibang mga organisasyon sa Italya na nagkaisa upang itaguyod ang tunay na pagbabago sa ating Bansa sa pamamagitan ng paghahalal ng mga tunay na marangal, may kakayanan, matapang at makadiyos na mamumuno sa ating Bansa.
Batay sa paliwanag ni Egay Bonzon, tumatayong pangkalahatang Coordinator ng 1Sambayan Italya, sa simula pa lang ay naging maiinit agad ang suporta at pakikiisa ng mga kababayan sa pagtatayo ng 1Sambayan Italya kung kaya’t sa loob lamang ng ilang araw na preparasyon ay kagya’t nabuo at nailunsad ang 1Sambayan Italya.
Naging panauhin sa nasabing paglulunsad sina Attorney Neri Colmenares, na nagtalakay kung ano ang 1Sambayan at ang kahalagahan ng pagsuporta ng mamamayang Pilipino dito. Sinundan ito ng pagtalakay sa pangkalahatang kalagayan ng mga OFWs ni Ms Joana Concepcion chairwoman ng Migrante International.
Naging panauhin din si Father Albert Alejo na siyang nagpaliwanag ng mga gawain at tungkulin ng convenors ng 1Sambayan at gayundin ay nagpadaloy ng pledge of unity ng mga convenors ng 1Sambayan Italya.
Sa kasalukuyan ay patuloy na dumarami ang sumusuporta sa 1Sambayan Italya at umaabot na sa mahigit 2 libo ang naglike at nakapanood ng facebook live streaming ng page nito.
Sa pagtatapos ay nag-iwan ng mensahe si Egay Bonzon na nanawagan sa lahat ng ating mga kababayan na paghandaan ang nalalapit na pambansang halalan ng 2022 sa ating Inang bayan dahil mahalaga na sa pagkakataong ito ay magkaroon tayo ng mga Pinuno na tunay na magsisilbi sa bawa’t Pilipino. Kung kaya’t kailangan nating magka-isa at pumili ng ating pambato na tunay na may paninindigan, integridad at pagmamahal sa kapuwa natin Pilipino at sa ating Inang bayan, isang pinuno na hindi hindi papatay ng kanyang kapuwa Pilipino, isang pinuno na hindi ibebenta ang ating kasarinlan sa mga dayuhan at higit sa lahat ay isang pinuno na mag-aangat ng kabuhayan at karapatan ng bawa’t isa sa atin. (PR 1Sambayan Italy)
Para sa karagdgang impormasyon, makipagugnayan sa Facebook account at Facebook Page ng 1sambayan Italy.