Patuloy ang pag-igting ng imbestigasyon sa malagim na pagpaslang sa 22-anyos na si Ilaria Sula sa Roma.
Inaresto ang 23-anyos na Pilipinong si Mark Samson matapos niyang umamin sa pagpatay sa kanyang dating kasintahan. Natagpuan ang katawan ni Ilaria sa loob ng isang maleta na itinapon sa isang liblib na lugar sa Poli, malapit sa Roma, noong Abril 2, 2025.
Ayon sa mga ulat matapos maaresto ang binata, naganap ang krimen sa apartment ni Samson sa Via Homs, Roma, habang naroon ang kanyang mga magulang. Gayunpaman, itinanggi ni Samson ang anumang partisipasyon ng kanyang mga magulang sa insidente. Inamin niyang sinaksak niya si Ilaria sa leeg ng tatlong beses habang nakatalikod ito, at pagkatapos ay inilagay ang katawan sa isang maleta na kanyang itinapon sa liblib na lugar. Sinabi rin ni Samson na hindi planado ang pagpatay at wala siyang kasabwat. Dagdag pa niya, nagawa niya ito dahil sa matinding selos.
Matapos ang krimen, itinapon niya ang kutsilyong ginamit sa isang basurahan at ang cellphone ni Ilaria sa isang manhole sa lugar ng Montesacro, ngunit hindi pa natatagpuan ang mga ito.
Samantala, ngayong araw, ayon sa ulat ng ANSA, kinumpirma ng abogado ni Mark na si Fabrizio Gallo na ang ina ni Samson ay iniimbestigahan na rin sa kasong pakikipagsabwatan sa pagtatago ng bangkay.
“Ang ina ni Mark Samson ay iniimbestigahan dahil sa pakikipagsabwatan sa pagtatago ng bangkay,” pahayag ni Atty. Gallo sa kanyang paglabas sa tanggapan ng pulisya (Questura) sa Roma, kung saan isinasagawa ang imbestigasyon sa ina ni Mark. Ayon pa sa abogado, nasa bahay ang ina ni Samson noong mangyari ang krimen at kasalukuyan niyang nililinaw sa mga awtoridad kung ano ang naging aktwal na papel niya sa mga sumunod na pangyayari.
Samantala, ayon pa rin sa ulat ng ANSA, sinabi ni Gallo na ang ama ni Mark ay wala sa bahay nang maganap ang pagpaslang. Gabi na umano siya bumalik sa bahay, habang ang krimen ay naganap bandang kalagitnaan ng umaga.
Kasabay ng pakikiramay sa pamilyang naulila kay Ilaria, inamin ni Gallo na mabigat ang krimeng ginawa ni Samson. Aniya, ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapagtanggol, ngunit malinaw na kailangang managot ang binata sa kanyang ginawa. “Ngayon ay panahon ng paghingi ng kapatawaran sa pamilya ni Ilaria Sula,” dagdag pa ni Gallo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong lawak ng mga sangkot at ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Source: ANSA