Roma, Ene 4, 2013 – Pinangunahan ng mga kabataan ng ikalawang henerasyon sa Roma, sa pangunguna ng CSP o Center Stage Production, ang Christmas Concert na pinamagatang “Pamaskong Handog 2012”. Bukod sa isang pamaskong pagpapalabas, layunin ng nasabing pagdiriwang ang makalikom ng halaga at makatulong sa mga napinsala ng bagyong ‘Pablo’ na tumama sa ating bansa noong Disyembre kung saan higit sa 1,000 ang mga nasawi.
“Ang mga kontribusyong nalikom ay malaki ang maitutulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Ang kabuuang halaga ay ipagkakaloob sa ating mga kababayan sa Pilipinas na naghihintay ng tulong, malaki man o maliit buhat sa libu-libong ofws sa buong mundo”, ayon kay Arman Noma, ang director-founder ng nasabing grupo.
“Bukod sa paghahandog ng aming talento, awitin at sayaw ay nais din po naming maging bahagi ng fund raising sa ating mga kababayan. Ito po ang paraan naming mga kabataan upang makiisa sa pagtulong sa mga nangangailangan”, komento ng mga kabataan sa akoaypilipino.eu.
Nakiisa at dumalo sa nasabing konsiyerto sila Konsehal Romulo Salvador, Romeo ‘Boss’ Ramos at si Pia Gonzalez. “Ang mamulat ang ating mga kabataan sa hangaring makatulong sa kapwa ay ang nagbigay halaga sa pagdiriwang na ito. Ang pagsasama-samang ito ng ating mga kabataan ay mahalagang mensahe sa araw ng Kapaskuhan”, ayon kay Romulo Salvador.
Nagmistulang contest ang nasabing konsiyerto dahil sa mga talentong ipinamalas ng ating mga kabataan, mula interpretative dance, solo at duet song numbers, pagtugtog ng iba’t ibang musical instruments at maging sa dance number. Kabilang ang grupong Loved flock, Kreways, New Collection, Pinoy Teens, Lucky 7, The M & M Sisters, Jenny & Dun Hill; mga singers na sina Angelo Magmanlac, Kathy Castillo, Keile Soriano, Marco Mari, Argie Alviar, John Michael, Jasmine at Angela Flamini, Reanna at Gainmarco Mallillin, Kevin & Kitkat, Kim & John Michael, Melisse, Kathy & Keile. Hindi mawawala sa pagdiriwang ang kilalang rapper na si Tahjack na nagbigay ng mahahalagang tema sa kanyang mga awitin bukod sa mga biktima ng nasabing sakuna, ang pag-iwas sa drugs at ang buhay ofws.
Kaugnay nito, ang ilan sa mga community leaders at mga magulang ng mga kabatan ay boluntaryong nakikiisa sa inisyatiba at nagpakalat ng mga ‘donation cans’ sa ilang Pinoy local business at mga remittance center tulad ng CBN London Termini Branch, CBN London Barberini Branch, BPI, PNB, Pinoy Fast Food, Leth Beauty Saloon, LBC, Asian Delight , TFC (ABS-CBN), Kabayan Import, Metrobank, Europhil, Informafamiglia Patronato, Pinoy Carne, Cathy's Sari-Sari Store, Mabuhay Trading, FAST Patronato at Sariling Atin na patuloy na tatanggap ng karagdagang kontribusyon buhat sa ating mga kababayan.
Isang pasasalamat ang ipinaaabot ng organizers sa mga nakiisa at dumalo sa mahalagang pagdiriwang kung saan itinampok ang ikalawang henerasyon sa isang makabuluhang layunin, gayun din sa mga naging sponsors tulad ng Western Union at Comune di Roma.