Ikatlong taon ng masayang pagdiriwang ng ‘Pamaskong Handog Para Sa Mga Bata 2011’ na inumpisahan ng mag-asawang Adelfa Garcia at Wilfredo Punzalan sa kanilang baryo.
Firenze – Nasa ikatlong taon ng pagdiriwang ang ‘Pamaskong Handog para sa mga Bata’ noong nakaraang Linggo sa pangunguna ng mag-asawang Adelfa at Wilfredo.
Taong 1988 ng ipagdiwang ang pag-iisang dibdib ng mag-asawa sa Italya. Sa kabila ng kanilang pananabik sa mga supling, ibang biyaya ang ipinagkaloob ng Maykapal sa mag-asawa. Ngunit hindi ito naging hadlang sa isang masayang pagsasama. Tatlong taon na ang nakakalipas ng simulan ng mag-asawa ang hangaring ipamahagi sa mga bata sa pamamagitan ng mga regalo at isang salu-salo bago sumapit ang Pasko ang biyayang kanilang masaganang tinatanggap. Ito ay unang ginanap sa kanilang baryo, Pulong Masle Guagua Pampanga. Lubos ang naging tuwa ng mga pamilyang dumalo at sa kanilang pagbabalik sa Italya ay kanilang ipinagpatuloy ang simulain at ito ay sinuportahan naman pati ni Honorary Consul Fabio Fanfani sa Firenze.
“E’ un evento unico, che proviene dal cuore. Il prossimo anno coinvolgeremo tante famiglie, è quasi un evento nazionale dove le famiglie si riuniscono tutti insieme regalando un sorriso in più a tanti bambini”, mga pananalitang nagbigay ng sigla sa karamihan ng mga panauhin. Hindi rin nagpahuli ang Consul sa pagbibigay ng mga regalo at papremyo.
“Ang tunay na kahulugan ng Pasko ay ang makapiling at makapagbigay ng saya sa mga bata, sila ang nagdadala ng tunay na diwa ng Pasko sa ating mga may edad na. Ang Pasko ay bata ang bata ay ang pasko”. Ito ang mga pananalita ni Bro Reynaldo Rivera, ang presidente ng San Barnaba Catholic Community.
Kabilang sa mga kusang-loob na nagbigay ng mga regalo sina Jerry Caldo, Amy Bayongan, Jovita Lontok, Monica Punzalan, Leo Pinon ng Rcbc, Archie Gabay, Mr. and Mrs. Rene Berganio, Mr. and Mrs. Cenon Arida, Tess Gutierez, Francesca Arancel, Guardians DGPI bronzewing Firenze Chapter at ang Filipino Catholic Community ng San Barnaba na pingaungunahan ni Sister Erlita Bauautro.
Kasabay ng masasayang awitin at masaganang hapag habang hinahangaan ang mga guest performers ng pagdiriwang. Umulan ng mga regalo at papremyo ang inuwi ng mga batang dumalo sa pagdiriwang.
“Kakaibang tuwa at saya ang nararamdaman ng mga bata sa tuwing makakatanggap ng mga regalo sa pagsapit ng Pasko at ito ang nagbigay sa amin ng inspirasyon. Ang makita ang mga inosenteng ngiti buhat sa kanilang mga mukha ang nagpapagaan ng aming damdamin”, pagtatapos ng mag-asawa kasabay ang pag-aanyaya sa susunod na taon.