in

Pamilya – mahalagang pundasyon sa buhay

MILAN – Mula ika-30 ng Mayo hanggang ika-3 ng Hunyo, 2012, idinaos ang VII World Meeting of Families sa lungsod na ito sa pangunguna ng Santo Papa, Benedetto XVI. Ito ay ginaganap tuwing ika-3 taon bilang pagbibigay halaga sa Pamilya sa buong mundo.

Isa ang Pilipinas sa mga 153 bansang nakilahok sa pagdiriwang. Pinangunahan ni Bishop Gabriel V. Reyes, ng CBCP Chair ng Episcopal Council on Family and Life ang delegasyon ng Pilipinas. Kasama din sina Archbishop Socrates Villegas na miyembro ng Pontifical Council on Family and Life sa Vatican; Frank at Geraldine Padilla, founders ng Couples for Christ FFL, dating Senador Francisco Kit Tatad at kanyang may bahay na si Gng. Fenny Cantero-Tatad, Bishop Gilbert Garcera – na nagsalita tungkol sa "Migration and Family" na mula sa Diocese of Daet at 8 pang paring Pilipino mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nakapanayam ng Ako ay Pilipino si Father Giovanni Osias O. Yago, kura paroko ng San Isidro Labrador Parish mula sa Nangka, Marikina City at nagbigay ng mga pananaw ukol sa pagdiriwang at sa kahalagahan ng Pamilya bilang parte ng lipunan.

Bilang isang lingkod ng simbahan, anong katangian ng mga Pilipino ang naiiba sa ibang lahi?

Ang ating bansa ay may mayamang kultura bilang isang bansang Katoliko. Ito ay nakakatulong sa kanilang pang araw araw na pamumuhay at pananampalataya bilang sambayanan ng Diyos.

Saan mang sulok ng mundo, tuwing Linggo makikita mo ang mga kababayan nating nagtitipon at nagkakaisa, Sila ay nasa simbahan hindi lamang upang sumimba kundi para makasama ang kanilang mga kaibigan. Sa aking palagay, ito ay isang patunay na ang pananampalataya ang nagsisilbing kanlungan nating lahat sa ano mang oras.

Noong 2003, ang World Meeting of Families ay ginanap sa Pilipinas.

Bilang isang paring namamahala sa mga pamilya, lagi kong ipinapaalala na tayo ay nararapat na maging isang pastol sa pagpapalago ng ating pananampalataya. Una sa lahat, malaki ang nagagawa ng isang mabuti at marangal na pamilya sa lipunan, upang maging isang modelo sa mga taong nakapaligid sa kanila. Sa pagsasabuhay ng turo ng simbahan, asahan natin na ang pamilya ay isang gabay para sa mas magandang bukas.

Anumang pangyayari na taliwas sa tama at makakaapekto sa imahe ng simbahan bilang pamilya ay nagsisilbing batik sa alinmang paniniwala. Ito ay isang pagpapatunay na ang kahinaan ng tao sa mga pagsubok ay laging nasa paligid. Sa kabila nito, ako ay naniniwala na lahat ay maaring mabigyan ng solusyon sa tamang paraan at pangunawa ng mga bagay bagay.

Ang Pamilya bilang Pundasyon ng lipunan

Sa panahon ngayon, dumaraan sa maraming pagsubok ang pamilyang Pilipino o kahit alin mang lahi. Mga pagsubok gaya ng paghihiwalay at problema ng mga kabataang naliligaw ng landas.

Ang simbahan at ang komunidad ay nararapat gumawa ng paraan upang hindi tuluyang malugmok ang estado ng pamilya ng kasalukuyang panahon. Una sa lahat, bawat miyembro ng pamilya ay nararapat maglagak ng kani-kanilang responsibilidad sa pagpapatibay ng relasyon sa isa’t isa at sa pagpapalawig ng pananalig sa pamumuno ng simbahan.

Ako, bilang alagad ng simbahan, ay nararapat ding magpaalala ng imahe ng Banal na Pamilya ng Nazareth. Nawa’y magsilbi Silang modelo at gabay sa pang araw-araw na pamumuhay.

Ang Milan bilang host ng World Family Day

Ang naganap sa Milan na World Meeting of Families ay ang pinaka organisado at may pinakamaraming dumalo sa aking mga naranasang pagtitipon.. Isa itong pagpapatunay na ang tradisyon at kultura ng Katoliko ay nangingibabaw sa kabila ng lahat ng pagsubok ng modernong panahon. Sana ang mga susunod pang pagdiriwang kung hindi man maging katulad ng nito ay mahigitan hindi lamang sa dami ng taong dadalo kung hindi rin pati ang mga paghahanda upang mas dumami pa ang miyembro ng ating simbahan.

Binabati ko ang lahat ng mga namuno para sa isang pang daigdigang pagdiriwang para sa pamilya gaya nito. Sana makarating pa sa mas maraming tao at manatili sa kanilang mga puso ang halaga ng Pamilya hindi lamang bilang isang institusyon ng lipunan kung hindi higit sa lahat bilang lingkod ng Diyos. (ni: Michelle Bucu-Torres)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

PCG Milan Leads the 114th Philippine Independence Events

SUPERHEROES NG BAYAN