in

Panawagan ng CONFEDERATION AT KONSULADO sa mga Ofws ng Toscana

Panawagang tulong para sa mga biktima ng bagyo at pag baha sa ilang parte ng Luzon at para sa pagpaslang sa pamilya ng ating kababayang si Romulo Santa Ana ng Montecatini Toscana.

Florence, Aug 22, 2012 – Nananawagan ang pamunuan ng Confederation of Filipino Communities in Tuscany kasama ang Tanggapan ng Konsulado ng Pilipinass sa Florence sa mga OFWs ng Toscana na makiisa at magbahagi ng tulong kawanggawa para sa mga kababayan na  biktima ng nakalipas na bagyo at pagbaha sa Luzon kamakailan at sa naulila ng pamilyang biktima ng massacre sa Balagtas, Bulacan kamakailan din lamang.

Ang kawanggawang ito ay isang inisyatibo ng Confederation na sinang-ayunan at sinuportahan ng Philippine Honorary Consul ng Florence Dr. Fabio Fanfani. Isang pormal na apela na ang pinapaikot  ng pamunuan ng Confederation at ng Konsulado sa lahat ng mga Filipino Communities ng Toscana.

Ang mga malilikom na tulong ay ilalaan sa dalawang parte. Una ay sa mga biktima ng bagyo at pagbaha sa ilang parte ng Luzon na sa ngayon ay nasa matinding paghihirap dahil sa pagkasira ng kanilang mga tirahan at kabuhayan. Kaakibat pa nito na alam ng lahat ang kawalan ng hustong kapasidad ang gobyerno ng Pilipinas na ibigay ang mga kinakailangang tulong sa mga biktima.

Pangalawa ay sa kababayan nating si Romulo Santa Ana, isang OFW na naninirahan at nagtatrabaho sa Montecatini dito sa Toscana na nagluluksa ngayon dahil sa pagkamatay ng kaniyang buong pamilya sa Balagtas, Bulacan. Ang kaniyang maybahay, dalawang maliliit pang anak na 10 at 4 taong gulang at biyenang lalaki ay walang awang pinaslang ng hindi pa nakikilalang mga salarin at ninakawan pa ng perang nagkakahalaga ng 200,000.00 pesos.

Ang anumang tulong pinansiyal na manggagaling sa puso ay malugod na tinatanggap at pinasasalamatan ng marami at maaari lamang na dalhin at ipagkatiwala sa Opisina ng Konsulado sa Pilipinas sa Via Cosimo Ridolfi, 2, Florence, Italy na may  numero ng telepono 055-462-8848. (ni: Maria Teresa Salamero)

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

FIRST EUROPE-WIDE FILIPINO CONFERENCE TO BE HELD IN ROME

SUMMER PALARO 2012 ng REGGIO CALABRIA, matagumpay na naidaos