Bumabaha ng mga panawagan ang social media mula sa mga Ofw sa Italya na dito ay naninirahan at apektado ng kasalukuyang lockdown sa bansa sanhi ng Covid19.
“Makinig sa nais ng gobyerno”. “Huwag maging pasaway”. “Stay at home”. “Ito ay para maagapan ang pagkalat ng Covid19 sa Pilipinas”. “Para hindi matulad sa Italya”. Ito ay ilan lamang sa mga panawagan.
Hindi pananakot ang mensaheng hatid ng mga Pilipino mula Italya bagkus ay mensaheng puno ng pag-aalala para sa mga mahal sa buhay at sa Inang bayan dahil ang sitwasyong ito, ay aming pinagdadaanan sa kasalukuyan.
Isang napakaliit na sakripisyo lamang ang hindi paglabas ng bahay o lalabas lamang dahil sa mahahalagang bagay kumpara sa ating mga miyembro ng pamilya, kamag-anak at kaibigan na maaaring magbuwis ng buhay dahil sa ating kapabayaan at hindi pakikinig.
May mangilan-ngilang nag-positibo sa covid19 na Pinoy sa Italya ang lumantad sa social media. Ito ay upang patuloy na hikayatin ang mga kababayan sa ibayong pag-iingat habang nagpupunta sa kani-kanilang trabaho at pananatili ng bahay upang malayo sa peligrong hatid ng pandemya.
Ngunit sa kabila ng pagsusumikap ng gobyerno ng Italya, multa at mga parusa, mabilis na pagdami ng mga nahahawa at namamatay, patotoo ng mga nahawa at nawalan ng mahal sa buhay ay marami pa rin ang tila bingi at hindi nakaka intindi at patuloy na pagsuway sa ipinatutupad na batas ng Italya. Resulta? 24,747 katao ang positibo sa ngayon at 1809 na ang mga namatay.
Sapat na para sa amin na nasa Italya ang bilang na ito upang paalalahanan kayo sa Pilipinas. Sapat na ang pinagdadaanan naming takot at pangamba ngayon para sabihan kayong hindi ito madali.
Kahit ang isa sa may pinaka epektibong health assistance at may modernong health equipments sa buong mundo, ang Italya, ay nahihirapang harapin ang sitwasyon sa ngayon, kakulangan ng mga duktor, nurses, hospital beds at security gears. Paano na ang isang bansa kung saan ang health assistance ay kasalukuyan pa lang pinalalakas at kadalasan ay pribado?
Dahil sa malupit na covid19, apektado ang pamumuhay ng lahat. Apektado ang ekonomiya ng maraming bansa. Maraming nawawalan ng trabaho at marami ang natatakot para sa kalusugan at sa kinabukasan. At apektado din pati ang pagpapadala ng remittance sa Pilipinas. Paano na tayo?
Bagaman ang Italya ay sinasabing naghanda rin umano laban sa Covid-19, ito ay hindi naging sapat. Ang mga kinagawian o lifestyle na hindi mabitaw-bitawan at ngayon ay matapang na humahabol sa panahong nasayang.
Pilipinas, kung hindi ngayon, kailan pa???