in

Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ginunita sa Firenze

“Strengthen our Solidarity and Rise Against All Forms of Violence Against Women and Children”.

 

 

Mainit na dinaluhan sa gitna ng malakas na buhos ulan ng mga kababaihan mula sa iba’t-ibang samahan ang talakayan na pinamunuan ng Liga ng Kababaihan Fi-Em. Naging tema sa ginanap na pagtitipon ang “Strengthen our Solidarity and Rise Against All Forms of Violence Against Women and Children”. 

Umabot sa walumpung mangagawang kababaihan ang nakibahagi upang magbalik-tanaw kung bakit nagkaroon ng Women’s Day sa buong mundo. Sinariwa ni Mely Ople, tagapagsalita ng samahan na sa isang pagpupulong ng Socialist International sa Denmark, inihapag ang pagsusulong ng pantay na karapatan para sa kababaihan at karapatan sa pagboto. Dinaluhan ito ng mahigit isangdaan (100) kababaihan mula sa labingpitong (17) bansa.

Sinabi rin niya na, bago pa maging Marso 8 ang opisyal na araw para sa kababaihan, nauna ng ipinagdiwang ito ng Marso 19, 1911 sa Germany, Austria, Denmark at Switzerland dala-dala ang panawagan tutol sa imperyalismo noong Unang Digmaang Pandaigdig, karapatang bumoto at makapanungkulan, vocational training, maayos na kondisyon sa pagawaan, pagtigil sa diskriminasyon sa trabaho at sa Rusya ang “tinapay at kapayapaan”. “Naging matagumpay ang mga panawagan na ito kung bakit ngayon ay kasama ang mga kababaihan na nagtatamasa ng walong oras na trabaho kada araw, patas na pasahod, karapatang bumoto at representasyon sa politika”.

Tinalakay naman ni Labor Attache Haney Lyn Siclot ng Philippine Overseas Employment Office – Roma ang Magna Carta of  Women o mas kilala na Republic Act 9710 partikular ang Seksyon 37 na dedikado para sa mga mangagawang Pilipino sa ibayong dagat, Family Code o Repblic Act 8533 na nagmula sa Executive Order # 209, Hulyo 6,1987 ng noon ay Pangulong si Corazon Aquino; ang kasalukuyang Divorce Bill (HB 7303) na isinusulong ng Gabriela sa Pilipinas na aprubado na sa Kamara.

Nagkaroon din ng pagkukumpara na mas protektado dito sa Italya ang mga kababaihan dahil ngayon pa lamang nagiging bukas ang Pilipinas sa pagpapasa ng mga batas na magbibigay ng higit na proteksyon at karapatan sa hanay ng mga kababaihan.

Pagkatapos ng mainit na talakayan at pag-aaral, nagpakitang gilas naman ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsayaw sa One Billion Rising Revolution Dance na may tema na ”Solidarity, Rise, Resist, Unite!”. Nakasuot ng kulay lila na damit at may pulang laso na nakatali sa kanilang mga braso. Mababakas sa kanilang mga mukha at padyak ng mga paa ang mahigpit na  pagkakaisa mula simula hanggang matapos ang kanilang palabas.

Masaya at busog sa kaalaman ang mga nagsidalo sa nasabing pagtitpon na ginanap nitong nagdaang Marso 18, 2018 sa Firenze. Bahagi ito ng koordinadong programa ng OFW Watch Italy na isinagawa mula Marso 4 hanggang Marso 25 sa syudad ng Genova, Torino, Parma, Bologna, Firenze at Roma.

 

 

Ibarra Banaag 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Divorce bill, pasado sa Kamara

3,500 permit to stay sa isang linggo, ini-released ng Ufficio Immigrazione di Brescia