in

Pangarap na sentrong tanggapan ng FEDAFILMO, natupad na

Isa sa hinahangad ng mga organisasyon ng komunidad ng mga Pilipino dito sa Italya ay ang magkaroon ng sariling lugar na magsisilbing tanggapan nito, magagamit para sa mga pagpupulong, pagsasanay, tutoryal sa mga bata at maging lugar din ng pagdarausan ng mobile consular service. Ang bagay na ito ay nagkaroon ng katuparan habang may serbisyo konsular ang PCG Milan sa Modena ay maging panauhin ng  FEDAFILMO o Federazione delle Associazione Filippine Di Modena si Assessora Giuliana Urbelli.

Di nila inaksaya ang pagkakataong yun at kanilang binanggit sa Assessora ang hangaring magkaroon ng sariling lugar. Noon din ay pinagpasa sila ng kahilingan sa Comune ng Modena at tinulungan sila sa mabilisang pag-apruba dito.

Kaya nitong ika- 23 ng Pebrero, 2019, nagkaroon ng simpleng seremonya ng pagsasalin ng karapatan na magamit ito ng mga organisasyon ng mga Pilipino sa Modena. Naging panauhin sina Consul General IRENE SUSAN NATIVIDAD, Consul MANUEL MERSOLE MELLEJOR, kasama si Assessora GIULIANA URBELLI, upang sila ang gumupit sa laso na nagsisimbolo ng pormal na pagbubukas sa tanggapan.

Ang seremonya ay pinangunahan ni FEDAFILMO President GREGORIO MENDOZA, kasama ang mga opisyal at miyembro nito. Ang tanggapang ito ay pamamahalaan  naman ni PHENING ARASULA, ang kasalukuyang chairperson ng FEDAFILMO Cultural Committee. Ang tanggapan ay magagamit ng mga organisasyon sa Modena ayon sa kanilang pangangailangan at kailangan lamang na magsumite ng aplikasyon sa pamunuan upang maisaayos ang iskedyul.

Tunay ngang kung may pangarap , determinasyon at matibay na layunin ang isang organisasyon, maaaring magkaroon ng katuparan ang anumang naisin nito alang-alang sa kapakanan ng mga kababayan.

 

 

Dittz Centeno-De Jesus at

Aileen Acedera-Garcia

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

22% ng mga workers, mas mababa sa € 9 per hour ang sahod

Gabay para sa mga nais ng accreditation ng COMELEC para sa gaganapin OVERSEAS ABSENTEE VOTING sa Italya