Nakikapit-bisig ang mahigit walumpong lider at mga kasapi ng iba’t-ibang samahan sa ipinatawag na Pangkalahatang Asembliya ng OFW Watch Tuscany Tsapter.
Florence – Dumating ang Timpuyog of Florence, Saranay Group in Florence, Ugnayan ng Komunitang Pilipino, Gabriella Firenze, Mabinians in Florence, Mindorenians in Florence, Red Soil Brotherhood, FILCOM Empoli, San’t Andrea Catholic Community, Santo Rosario Catholic Community – Florence, RBGPII, Aguman Capampangan, GSBII, Cummunita Filipina -PISA, FIT-CFCT, Florence Golden Group, Filipino Independenza Group, ADIMEF, AIF, CNFED Tuscany at si Fr. Crisostomo Cielo Crisostomo Jr na siya din Ispiritual na Tagapayo ng Alyansa.
Bagama’t di dumating si Labor Attache Hanny Lyn Siclot ng POLO-Rome na siyang inimbita bilang panauhing tagapagsalita, sa kabila nito, dineklara na mabunga at makabuluhan ang pagtitipon.
Pinangunahan ng Pambangsang Tagapangulo ng OFW Watch Italy ang pagtalakay sa kasalukuyang sitwasyon ng mga mangagawang Pilipino sa Italya. Lumilitaw batay sa mga pagsasaliksik na ginawa, taong 1970’s pa nagsidating ang mga OFW sa Italya bilang manggagawa sa Printing. Pinatunayan din ng mga beterano o naunang nagsidating ang hirap, sakripisyo, panganib na kanilang sinuong makapunta lamang sa Italya. Ilan ay nabigo at nabaon sa utang, napauwi at mayroon din namatay habang tumatawid ng border.
Naging matingkad ang usapin hinggil sa mga problema. Unang-una na ang mga bayarin, diskriminasyon, doble-dobleng trabaho, pag-angkop sa bagong kultura at klima at sapilitang pagyakap sa marangal subalit mas mababang antas ng trabaho. Nagsagawa din ng Group Discussion, hinati sa tatlong grupo ang mga partisipante para makabuo ng mga Resolusyon na ipapaabot sa kinauukulan. Matapos makuha ang mga opinyon at hinaing lumitaw ang mga sumusunod na suliranin na ipapadala sa PE-Rome, DFA at sa DOLE.
1. Paghingi ng paliwanag sa kalatas ng PE-Rome sa mga nais magpanibago ng kanilang pasaporte. Nag-aalala ang marami sa magiging gastos, abala at dagdag na alalahanin at pagkalimot sa kasaysayan g migrasyon sa Italya. Nais ding tanungin ang batayan kung bago man o dati ng parakaran ang inilabas gayong napakarami ang nakapagpalit na ng pasaporte ng makailang beses.
2. Ang usapin sa pagdaraos ng Mobile Outreach at sistematisasyon nito. Maayos na koordinasyon at tamang papel ng komunidad para matiwasay na mailunsad ang serbisyo. Paghingi ng dagdag na staff sa PE Rome at sa Konsulato sa Firenze. Pagsasaayos ng HOTLINE lalo na ang Sabado at Linggo para mabisang maipatupad ang DFA-ATN kung may pangyayaring di inaasahan at kakailanganin ang ahensya.
3. Pagsusulong ng Bilateral Agreement for Social Security, Portability of Pension and Standardization of Sallary. Mutual Recognition on Scholastic Records at pagpapalakas ng papel ng Gobyerno para sa higit na proteksyon sa mga mangagawang Pilipino.
4. Gagawa di ang sulat pagtatanong hinggil sa katatayuan ni Fidel Agcaoili, isang OFW na kasalukuyang nawawala isang linggo na ang nakalipas. Matatandaan na itong problemang ito ay naihapag na sa POLO-OWWA at PE-Rome Hulyo 30 2017. Nagkaroon na rin ng direktang koordinasyon ang Konsulado sa Firenze at Roma, subalit hanggang sa ngayon ay di pa naaksyunan ang kaso.
Natapos ng Asembliya sa paglalahad ng Pangkalahatang Programa at Pagkilos sa loob ng isang taon. Si Rey Reyes ang siyang naging bagong Tagapangulo, Tatlong Bise Presidente, Mely Ople, Efren Mamplata, Leovino Ortega, Pangkalahatang Kalihim, Maria Elizabeth Batan at Pang-Pangkalahatang Kalihim Sally Escalona, Ingat yaman Alma Paz at Tagasuri Elvira Purificacion. Sinabi ni Rey Reyes,halal na Tagapangulo ng OFW Watch Tuscany
“Kailangan lamang natin itransporma ang salitang pagkakaisa at pakikibaka sa kongkretong kalagayan ng mapakinabangan ng ating mga kasapian at mga OFW sa kabuuan”, tulungan at suporthan ninyo ako para maisulong natin ang ating interes, kagalingan at maipagtanggol ang mga karapatan”.
Nagsiuwian ng busog sa pagkain at kaalaman, puno ng ispirito at pag-asa ang mga nakiisa sa ginanap na Kongreso nitong Setyembre 24, 2017, Sala 1, Parterre, Piazza delle Liberta , Firenze.
Ibarra Banaag