in

Pangulong Aquino sa Filipino Community Meeting sa Roma

“Totoong-totoo po: Tayo ang gumawa ng pagbabago. Tayo ang nangahas mangarap, tayo ang tumupad sa ating mga pangarap at tayo ngayon ang aabot ng mas matatayog pang pangarap”, Aquino. Filcom, dismayado dahil sa kawalang-ulat nito ukol sa mga programa para sa mga ofws.

 

Roma, Disyembre 4, 2015 – Humigit kumulang 500 katao ang dumalo sa ginanap na Filipino Community Meeting kasama ang Pangulong Aquino sa Ergiffe hotel sa Roma noong nakaraang Huwebes, Dec 3.

Kasama ng Pangulo ang ilang miyembro ng kaniyang gabineto tulad nina Cesar Purisima (Secretary Department of Finance), Gregory Domingo (Secretary Trade & Industry), Joseph Emilio Aguinaldo Abaya (Secretary Transportation & Communications), Herminio Coloma Jr (Secretary Communications Operations Office), Arsenio Balisacan (Secretary Socio-Economic Planning & National Economic & Development Authority), Rosalinda Baldoz (Secretary Labor & Employment), Julia Andrea Abad (Secretary Management Staff), Jose Rene Almendras (Secretary of the Cabinet), Linglingay Lacanlale (Undersecretary Foreign Affairs), Celia Anna Feria (Chief of Presidential Protocol), at Manolo Quezon III (Undersecretary Presidential Communications Development, Strategic and Planning Office).

Sa mensahe ni Pinoy sa kanyang mga BOSS ay unang-unang ipinagmalaki nito ang magandang katayuan ng ekonomiya ng ating bansa. Ibinida rin niya ang programa sa edukasyon partikular ang K to 12, ang serbisyo sa kalusugan at pagtaas sa bilang ng mga naserbisyuhan ng PhilHealth. Hindi rin pinalampas ni Pnoy na i-report ang kanyang ginawa sa sektor ng manufacturing at imprastruktura. Ibinida ang pag-unlad ng turismo sa bansa, ang modernisasyon sa ating Sandataang Lakas at ang paglaban sa krimen, kurapsyon at pagpapalaganap ng hustisya.

“Totoong-totoo po: Tayo ang gumawa ng pagbabago. Tayo ang nangahas mangarap, tayo ang tumupad sa ating mga pangarap at tayo ngayon ang aabot ng mas matatayog pang pangarap”, ayon kay President Aquino.

Sa pangunguna ni H.E. Ambassador Domingo Nolasco ng Embahada ng Pilipinas sa Roma ay dumalo rin sa meeting ang mga delegasyon buhat sa North Italy, sa pangunguna ni Consul General Marichu Mauro ng PCG MiLan; buhat sa South Italy sa pangunguna nina Honorary Consul Danilo Cannas ng Cagliari at Honorary Consul Antonio Di Liberto ng Palermo; buhat sa Central Italy sa pangunguna nina Honoray Consul Fabio Fanfani ng Florence.

Kasama rin sa naging pagtitipon sina H.E. Ambassador Mercedes Tuason ng Holy See. Nakiisa rin sina Fr. Gregory Ramon D. Gaston, STD, ang kasalukuyang Rector ng Ponteficio Collegio Filippino, ni Fr. Ricky Gente, ng Sentro Pilipino Chaplaincy sa Roma at ibang kaparian tulad ni Fr. Ignazio Roderick mas kilala sa tawag na Fr. Ricky at marami pang mga kaparian, asosasyon at organisasyon ng mga Pilipino.

Bagaman ikinatuwa ng kanyang ng mga BOSS ang kanyang iniulat sa limang taong panunugkulan sa bansa ay tila kulang at kapos ang kanyang mahabang speech. Bakit ika mo? Karamihan ng mga Pilipino sa Italya ay taon ng mga residente dito. Sa katunayan ay nadala na rin sa bansa ang buong pamilya at mga kaanak. Ngunit nakaka-dismayang walang nabanggit na programa ukol sa libu-libong Overseas Filipinos sa buong mundo, walang nabanggit na kahit na anumang bagay para sa higit sa171,000 na regular na mga Pilipino sa Italya na aktibong bahagi at kanyang kaakibat sa binanggit na pag-unald ng ekonomiya ng bansa.

Bahagi ng programa sa opisyal na pagbisita ng Pangulo ang pakikipagkita kay Matteo Renzi, ang Prime Minister ng Italya sa Palazzo Chigi sa Rome noong Miyerkules Dec. 2. Ang pakikipagkitang ito ay inaasahang magpalalim sa bilateral relations sa pagitan ng dalawang bansa tulad ng komemorasyon sa ika-70 taong anibersaryo ng Philippines-Italy diplomatic partnership. Kabilang dito ang pagpapabuti sa bilateral trade and investments at ang pirmahan ng kasunduan sa air services na pakikinabanagan ng maraming Pilipino.

 

Nakipagkita rin si Pangulong Aquino kay Sergio Mattarella, ang Presidente ng Republika ng Italya sa Sala del Bronzino ng Quirinal Palace.

Bilang pagtatapos ng kanyang Europe trip ay nakatakda rin ang private audience ng Pangulo kay Pope Francis sa Dec. 4.

 

larawani ni: Noe Banares

(photo siti ufficiale della Presidenza della Repubblica Italiana e

Governo Italiano)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ginang Pilipinas – Italia 2015

Busto ni Gat Jose Rizal matatagpuan na rin sa Milan