Isang 8 taong gulang na bata ang kauna-unahang Pinoy na binigyan ng Santo Padre ng ‘Papalina’ o Holy Cap sa Roma matapos itong kausapin at katuwaan ng Santo Padre.
Sa okasyon ng ika-300 taong anibersaryo ng kamatayan ni St. John La Salle, ang founder ng mga La Salle schools at universities sa maraming bansa, isang special audience ang inilaan sa okasyon kung saan imbitado rin ang ilang piling mga mag-aaral mula sa iba’t ibang La Salle School sa Italya.
Ayon kay Bro. Mario Chiarapini, ang La Salle School Principal sa Roma, si Simone ay isa sa walong batang kanyang napili na nagmula sa kanilang paaralan. At isang karangalan umano ang ibinigay ni Simone sa kanila.
“Bakit ko pinili si Simone? Dahil ang batang ito ay curious sa maraming bagay ukol sa Simbahan, napakaraming katanungan tungkol sa Santo Padre, Cardinals, Bishops at minsan ay may birong binanggit pa ni Simone na nais nyang maging Papa”.
Ang katangian umano ng batang si Simone, bagaman isang transferee, ang nakatawag pansin sa mga teachers nito at sa principal mismo upang mapili na mag-alay ng handog na ‘medaglia’ sa Santo Padre para sa espesyal na pagdiriwang.
“At dahil nais ni Simone na makausap ang Santo Padre, ay hindi ko na pinalampas ang pagkakataong banggitin na nais syang kausapin ni Simone”, kwento ni Bro. Chiarapini, kasabay ang pagpapakita ng mga pictures ni Simone kasama ang Papa.
Para naman kay Simone ito ay isang answered prayer dahil matagal ng panalangin ng bata ang makita at makausap ang Santo Padre.
“Pensa, sono stato il primo ad essere toccato dal Papa”, masayang kwento ni Simone.
At ng binigyan ng pagkakataong makausap ito, ay yumuko ang Santo Padre at pinakinggan ang pabulong na pagpapakilala nito.
“Santo Padre, ako po si Simone. Grade 2 po ako sa La Salle School sa Rome. Gusto ko pong sabihin sa inyo na palagi ko kayong pinapanood sa tv at gustong gusto ko po kapag hinahalikan nyo ang mga bata at hinahawakan nila ang iyong Holy cap. Gusto ko rin pong gawin iyon pero ako po ay nahihiya”.
Sa tuwa ng Santo Padre sa kabibuhan ni Simone ay mabilis na tinanggal ang Holy Cap at ito ay inilagay sa ulo ni Simone.
Bukod dito, memoryado ng bata ang buod ng mensahe ng Santo Padre: “Huwag kayong mapagod. Magmasid sa bagong kultura kung saan nababaon sa limot ang kawalan, pagdurusa, kapabayaan at kahirapan”.
At bago tuluyang magtapos ang pagdiriwang, isang malakas na sigawan “Viva Papa Francesco” ang sinundan ng malakas na sigawan “Papa Simone”.
Kwento ni Simone hindi nya umano malilimutan ang mga pangyayaring ito kahit sya ay bata pa lamang.
Samantala, nagpamalas din ng excitement si Mommy Glysa, ang Ina ni Simone.
“Masaya na kaming mag-asawa na makasama si Simone sa simpleng audience lamang kaya noong nalaman naming may pagkakataong makalapit sya sa Santo Padre ay tuwang-tuwa kami lalo na ng mapanood namin sa tv ang aming anak na kausap si Pope Francis”, kwento ni Mommy Glysa habang dala ang buong photo album bilang remembrance.
Si Simon Gabriele Dolorito Caalaman, ay ang panganay na anak nina Christian at Glysa Caalaman, parehong tubong Cavite at sampung taon ng residente sa Roma.
PGA