Tinanghal na Best Ethnic designer sa ginanap na Multi Ethnic Fashion 2018 sa Roma noong nakaraang Oktubre. Muli ay namayagpag ang kanyang talento sa katatapos lamang na ‘The Fashion Show 2019′. Kalimitang ang kanyang mga obra ay gawa sa papel, kutsara, baso, cake holder, pinggan at mga kabibe, mga bagay na normal at malimit na nakikita at nagagamit sa pang-araw araw. Ating kilalanin si Christian Lanuzo.
Lionell Christian Lanuzo, 30 anyos at tubong San Fernando Pampanga, bunso at nag-iisang anak na lalaki sa tatlong mga anak nina Alejandro at Olivia Lanuzo.
Nagtapos ng Chimica Industriale sa ITIS Molinari sa Milan Italy, bagaman nagsimula ng kursong Nursing sa FEU.
Bata pa lamang ay nakitaan ni si Chrsitian ng pagiging malikhain at kahusahan sa sining. Sa katunayan ay pinarangalan bilang “Outstanding Artist of the Year” sa High School sa Laguna College.
“Noon pa man mahilig na akong magdrawing at sa bawat art project, drawing competition ay isa ako sa mga masugid na sumasali sa mga paligsahan”, masayang kwento ni Christian.
Taong 2004 dumating si Christian sa Milan Italy at tulad ng maraming mga kabataan, hindi naging madali ang integrasyon niya sa paaralan dahil sa kakulangan ng kaalaman sa linguaheng italyano. Ngunit ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa pagguhit ay nakatulong upang maihayag ang kanyang saloobin.
“Nang magkaroon ng painting competition sa aking paaralan ay dali-dali akong sumali at nanalo ang aking gawa at hanggang ngayon ay nakadisplay pa rin sa library ng aking paaralan”.
Bukod dito ay naging lider din ng Graphics and Design Ministry ng Jesus is Lord Church sa Milan kung saan lalong nahasa ang kanyang kalinangan sa sining ng arte sa pitong taon na paglilingkod sa simbahan.
“Nagkaroon ako ng pagkakataong pagsabayin ang trabaho bilang isang receptionist sa isang Hotel sa Milan at gawin ang isang bagay na alam kong hilig kong gawin at iyon ay magdisenyo at dahil dito natuto din akong magdisenyo gamit ang computer”.
Ngunit ang pagkakasakit ng mga magulang ay nagtulak kay Christian na pumasok din bilang ‘events stylist’ dahil hindi sasapat ang kinikita bilang isang receptionist.
“Ang aking Itay ang gumagawa ng mga materyales na gawa sa kahoy at ang aking Ina ang tumutulong naman sa paggugupit ng mga papel. Mahirap na masaya dahil katuwang ko ang aking mga magulang mas lalo kong pinagbuti dahil alam kong nandyan sila sa aking tabi”. Tanda lamang na nakuha ni Christian ang katangiang buhat sa mga magulang.
Ayon pa kay Christian, Nobyembre 2017 ng alukin syang gumawa ng isang greek costume para sa isang sikat na kontest para sa mga kalalakihan sa Italya. Ito umano ay kanyang tinanggap upang masubukang gumawa ng creative costume.
“Ito ang naging simula para sa akin ng mga orihinal kong gawa,laging may tatak na gawang pinoy at palaging subukan ang aking sariling kakayahan na mas iangat pa ito”.
Bagaman hindi pinalad na manalo, nakasali rin bilang designer sa Ms Earth Philippines Italy 2018 si Christian kung saan nasubukan niyang gumawa ng mga damit gamit ang mga patapong bagay.
“Di naging madali ang pagbubuo at paggagawa ng mga ito na halos puyat at pagod sa trabaho ngunit dahil aa pagmamahal ko sining ay patuloy ko pa din itong pinagbubuti. Naging isang malaking leksyon ang nangyari sa patimpalak na iyon sa buhay ko, natutunan kong lakasan ang akong loob, magtiwala nang higit sa aking kakayanan kaysa sa ibang tao”.
Kalimitan ang mga obra ni Christian ay gawa sa at mga kabibe, mga bagay na normal at malimit na nakikita at nagagamit sa pang-araw araw. Ang mga ito ay kanyang binigyan ng buhay at kwento at ginawang obra na magpapaalala sa atin ng likas na yaman.
“Kutsara ang kumakatawan sa ating kawalan ng pagpapahalaga sa likas na yaman. Ito ay simbulo rin na di lahat ng tao ay may pagkakataong kumain ng tatlong beses sa isang araw at kulay dilaw dahil ito ay tila isang ginto na dapat pangalagaan. Plastic na tuluyang napupunta sa ating inang kalikasan na aking isinisimbolo sa filipiniana dress”
“Gusto ko pong ipaalala na sa bawat papel na nalilikha ay katumbas nito ang isang puno na namamatay. Gamit ang aking obra ay gusto kong pamulaklakin muli ang mga puno at halaman na di na nagkaroon ng pagkakataon na mamulaklak at mamunga”.
“Nais kong bigyan ng ibang mukha ang mga papel na plato na ating ginagamit sa mga okasyon na gawin itong isang damit na hindi halatang gawa sa papel na pwedeng irampa sa mga sikat na fashion show”
“Isang pangako na patuloy po akong magiging inspirasyon upang ipakita ang gawang Pinoy sa buong mundo. Mensahe ng pagsusumikap at pagtitiwala sa sariling kakayanan at walang imposible talaga sa Panginoon”, ang iniwang mensahe ni Christian sa kanyang pagtatapos.
Basahin din
Mga Pinoy, tinanghal na Best Designer at Best Model The Fashion Show 2019, tagumpay sa Roma!
PGA