Idinaos ang ikalawang serye ng Paralegal Seminar nitong ika-27 at 28 ng Abril, 2019 ng nasyonal na organisasyon ng Ofw Watch Italy na tumatalakay sa mga pangangailangang legal ng ating mga kababayan. Ginanap ito sa Parrocchia Santa Giustina sa Piazza S. Giustina 15 sa Milano. Pinamagatan itong Paralegal Seminar on Family Laws: Situations and Solutions, kung saan ang mga tinalakay ay Batas ukol sa Pamilya, Proteksiyon sa mga karapatan at Solusyon sa mga Kaso at Mga Epekto ng Ilegal na Gawi ng mga Kapamilya.
Sa araw ng Sabado ay naging tagapagsalita ang Pilipinong abogado na base sa Torino, si Atty. Paul Francis Sombilla, kung saan ay tinalakay niya ang mga kasong kinasasangkutan ng mga Pilipino at ibang migrante, kung paano maipaglalaban ito sa harap ng hukuman, ang mga danyos na katapat sa mga nasirang buhay at pag-aari at proteksiyon sa karapatan upang maging patas sa kahatulan. Maipagmamalaki ng komunidad ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng isang manananggol na may kakayahang makapagsalita at umunawa gamit ang tatlong wika, na Filipino, Ingles at Italyano. Dahil karaniwan na sa mga kababayan natin ang bantulot na ilaban ang kaso sa dahilang kapos sa pang-unawa sa wikang Italyano at walang kumpiyansa na magsalita at magpaliwanag, bagay na nagiging dahilan upang huwag nang ituloy ang kaso.
Kasama ni Atty Sombilla si Dottore Davide Gatto, na katuwang din niya sa Ambrosio and Commodo Studio Legale Associato sa Torino, at siya namang nagpaliwanag ukol sa paksang Ilegal na Gawi ng Kapamilya at kung paano ito nakakaapekto sa bawat miyembro ng pamilya. Binigyang-diin niya na ang mga pinagdadaanang hirap at pasakit ng isang kaanak o kaibigan ay malaki ang nagiging epekto sa mga nakapaligid dito kaya ang suporta at pang-unawa ay mahalaga.
Nagkaroon ng bukas na talakayan kung saan ang mga partesipante ay malayang nakapagtanong sa mga tagapagsalita. Ito ay malaking tulong at dagdag-kaalaman para sa lahat na maibabahagi nila sa kanilang mga organisasyon.
Sa hapong ding iyon ay ay dumating si Labor Attache Corinna Padilla-Bunag ng POLO Milan Consulate at nagbigay ng mensaheng inspirasyonal. Tinuran din niya ang mga proyekto ng Konsulato na hawig sa seminar na ito at may tema naman na ukol sa Batas sa Paggawa na para sa mga colf at badante. Inanyayahan niya ang lahat na dumalo rin at aralin ang mga paksa na tatalakayin sa seminar na kanilang gagawin sa ika-19 ng Mayo, 2019.
Sa ikalawang araw ng seminar, Linggo, ay dumating naman si Consul General Irene Susan Natividad ng Konsulato ng Milan at nagbigay din siya ng mensahe at pasasalamat sa grupo ng Ofw Watch Italy at sa katatatag na Ofw Watch Lombardia. Ani niya, na magpatuloy sa mga ganitong proyekto na makakadagdag sa kaalaman ng mga OFW at makapagbigay lalo ng serbisyo sa mga kababayan. Hinikayat din niya ang mga nagsidalo na bumoto para sa halalan at makiisa at sumuporta sa nalalapit na pagdiriwang ng Kalayaan sa Hunyo.
Ang naging tagapagsalita naman sa araw na ito ay ang legal counsel ng OFW Watch Italy na si Atty. Jelli Molino na isang iskolar sa University of Turin at kasalukuyang kumukuha ng doctorate. Tinalakay naman niya ang Family Laws ng Pilipinas kung saan ay nakapaloob ang mga mahahalagang paksa ukol sa karapatan ng mga Pilipino maging yaong mga nasa ibang bansa gaya ng Italya. Nabanggit niya na karamihan sa mga Pilipino ay di alam o di inaalam ang mga batas kaya kung magkaminsan ay hindi nakakakuha ng katarungan. May mga batas din na huli na kapag nalaman ang sakop at epekto nito kaya mahalaga ang mga seminar na katulad nito para sa kamulatan ng mga Pilipino. Ang bukas na talakayan ay nagdulot din ng aliw sa marami dahil sa mga nakakatuwang anekdota at ehemplo ng mga kaso na kinasangkutan ng mga Pilipino. Naging malalim din ang pagtalakay sa ilang paksa gaya ng sa kasal, mga pag-aari, relasyon at iba pa.
Ang pangulo ng OFW Watch Italy na si Rhoderick Ople ay nagpasalamat sa mga nagsidalo na nagmula pa sa iba’t ibang siyudad ng Italya , gaya ng Bologna, Modena, Torino, Genova, Messina, Bassano Del Grappa, Padova, Treviso, Milano, Firenze, Empoli, Biella, Brescia,at Bergamo. Bawat isa ay nagririprisinta ng kani-kanilang organisasyon.
Ang mga bumubuo ng bagong tatag na Ofw Watch Lombardia Region na pinamumunuan ni Rodel de Chavez, ay binigyan ng pagkilala mula sa OFW Watch Italy, dahil sa kanilang naibahagi sa tagumpay na pagdaraos ng paralegal seminar na ito. Pati na ang pagpapaabot ng pasasalamat sa mga naging facilitators na sina Christine Cabral, Dittz De Jesus at Ed Turingan, kasama ang mga iba pang opisyal at mga miyembro na nagbahagi ng kanilang pagod at isponsorship sa pagkain, inumin at iba pang amenidad.
Ang tagumpay ng isang layunin na makapagmulat at magsalin ng kaalaman ay nasusukat sa hindi makasariling motibo kundi sa bukas na pagbabahagi ng sarili at kakayahan. Walang malaki o maliit sa paningin bagkus ay tunay at sinserong paglilingkod para sa bayan at kababayan.
Ang unang Paralegal Seminar ay idinaos sa Napoli nuong Abril taong 2018 at ito ay dinaluhan ng higit sa 70 mga lider at miyembro ng mga organisasyon ng komunidad ng mga Pilipino.
ni:Dittz Centeno-De Jesus
Mga Kuha:Gyndee Photos