Kilala ang El Shaddai DWXI Prayer Partners Fellowship International bilang isang Catholic Charismatic Movement na tinitingala at dinudumog ng maraming Katoliko. Sa Pilipinas, milyon milyong mga Pilipinong Katoliko ang walang sawa tag sa pagdalo sa mga prayer rallies na ginagawa ng El Shaddai. Dito man sa Roma at sa ibang panig ng Europa pinatunayan ng lakas nito sa dami ng mga Pilipinong nakiiisa sa samahan.
Ngayong taong 2010, ipinagdiwang ang ika 18 taong Anibersaryo ng pagkakatatag ng El Shaddai DWXI PPFI Rome Chapter. Isang engrandeng pagdiriwang na ginanap noong ika 13 ng Hunyo sa Teatro Golden, Via Taranto sa Rome, Italy. Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga delegado buhat sa ibat ibang Chapters sa buong Europa at sa ibat ibang panig ng Italya. Ang Rome Chapter ang kinikilalang Mother Chapter ng El Shaddai sa Europa.
Ayon sa aming pakikipagpanayam kay Sis Ading Diaz, na siyang kinikilalang nanguna sa pagbuo ng samahan, ang pagkakatag ng Rome Chapter ay maituturing na himala, katulad din kung papaano naitatag ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai sa Pilipinas na puspos ng pagpapala. Nagsimula sa kakaunti, hanggang sa parang agos ng tubig na dumadaloy ang taong dumadalo. Ang pagpapatuloy nito sa loob ng maraming taon sa kabila ng maraming pagsubok ay isang patunay na patuloy na paggabay ni Yahweh upang itoy manatiling buo at matatag.
Sa aming pakikipagpanayam sa mga nakikiisa, bawat isa sa kanila ay may ibat-ibang istorya ng pagpapatunay kung papaano sila nabiyayaan sa pamamagitan ng pakikiisa sa gawain. Kung papaano sila nagtatamasa ng mga pagpapala buhat kay El Shaddai. Bawat isa sa kanila ay may mga istorya ng himala. Hindi ka na magtataka kung bakit sa Pilipinas milyong milyong tao ang dumadalo at buong tatag sa init, ulan, araw man o gabi at hindi umiinda ng pagod at hirap sa pakikiisa sa mga gawain. Ayon pa rin kay Sis. Ading noong sila’y nagsisimula pa lamang, parang bukal na dumadating ang mga tulong pinansiyal at mga volunteers upang maidaos ang bawat gawain.
Sa kasalukuyan, Ang Rome Chapter ay pinamumunuan ni Sis. Ana Villena bilang Chapter Coordinator katulong ang bumubuo ng council at ibat ibang ministries. Ang samahan ay bukas sa lahat ng nagnanais na makiisa at wala itong pinipili.
Katulad sa isang tao, ang ika 18 taon ng pagsilang ay siyang tinatawag na “maturity age”, ang edad kung kailan hinog na at kaya ng tumayo sa sariling mga paa. Sa pagdiriwang ng ika 18 taon ng pagkakatatag ng El Shaddai Rome Chapter, marami ang nagalak at kitang kita ito sa damdamin ng bawat isa na dumalo sa selebrasyon. Bawat isa ay punong puno ng pagpapala at pag-asa sa patuloy nitong paglago sa mga susunod na taon. Ipinapaabot ng bumubuo ng council ang kanilang pasasalamat, una kay Yahweh, pangalawa sa lahat ng taong sumuporta at nakiisa sa pagdiriwang.