in

Patuloy na misyon ng Task Force Covid 19, para sa kapakanan ng bawat Pilipino sa Italya

Patuloy ang TASK FORCE COVID 19,  sa pagmonitor sa mga kababayang naapektuhan ng sitwasyong dulot ng pandemic corona virus, makapagbigay at makatulong sa pagpapalaganap ng kredibleng impormasyon sa pamamagitan ng social media at personal na komunikasyon sa mga kababayan,  at makapangalap ng mga datos na puedeng pagbasehan ng pag-aaral kung ano ang naging epekto nito sa aspetong pang-ekonomiya, pang-kultura, panlipunan at pangkalusugan ng mga OFWs at kanilang pamilya.

Anu-ano ba ang mga detalyeng kinailangang makalap ng grupo? Ito ay ang mga Pilipinong naapektuhang direkta ng corona virus, sila ang mga nagpositibo sa test at kasalukuyang nasa pagamutan na o naka-kuwarantena at yaong mga naapektuhan ng indirekta sa ibang kalagayan.

Alam din natin na buhat nang isara ang rehiyong Lombardiya at mga kalapit na probinsiya at siyudad na nasa Northern Italy, hanggang sa nitong hatinggabi ng  ika-9 ng Marso, 2020, na maisailalim sa  lock-down ang kabuuang Italya, kabi-kabila na ang mga pumasok na hinaing ng mga manggagawang Pilipino na naapektuhan.

Ayon sa ulat na binuod ni Nonieta Adena, namuno sa Task Force, mula sa mga report na sinumite ng mga miyembro nito, nagkaroon ito ng mga kuwalipikasyon ayon sa lokalidad,  pangunahin ang na-kuwarantena dahil sa positibong resulta sa test o suspetsang pagkahawa, terminasyon  sa trabaho o sapilitang pinagbakasyon , diskriminasyon o mga verbal o pisikal na pag-abuso, kanselasyon ng biyahe o may kinalamang sitwasyon ukol dito.

Base sa resulta ng survey, na may petsa hanggang ika-10 ng Marso, na siyang unang araw ng lock-down, sa mga  nakasama sa listahan, 2 ang naiulat na positibo sa virus, at ang pamilya nito ay naka-kuwarantena na; isa ang nakansela ang biyahe pauwi ng Pilipinas;  8 ang napilitang pinagbakasyon; 2 ang nakaranas ng diskriminasyon; 9 ang nakasama sa unang lockdown ; 142 ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga establisimyento o terminasyon sa ibang trabaho;at 2 ang nakaranas ng verbal na abuso.

Ang datos na ito ay base lamang sa mga unang nagsumite ng kanilang report, at mula sa mga siyudad at probinsiya gaya ng Milan, Padova, Modena, Turin, Genova, Bologna, Napoli, Asti, Biella, Parma, Livorno, Roma, Florence, Montecatini, Terranova Lodi, Casalpusterlengo, Bergamo, Venice, Pisa, Catania at Cagliari. Mapapansing nagmula mula sa norte, sentro at hilaga ng Italya.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pangangalap ng datos lalo at ngayon nararamdaman ang epekto ng lockdown sa kabuuan ng bansa

Bilang isang hakbang na rin para matugunan ang mga hinaing ng mga kababayan, ay nagsumite ng report at mga rekomendasyon ang OFW WATCH ITALY sa Konsulato ng Pilipinas sa Milan, sa Embahada ng Pilipinas sa Roma, sa DFA, POLO, OWWA, OUMWA, CFO, at DOLE. Ipinaloob dIto ang mga kasalukuyang sitwasyon ng mga Pilipino sa gitna ng krisis na pangkalusugan at apektado na rin ang sosyal, kultural at ekonomikong aspeto  na hinaharap ng mga kababayan. Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang anumang posibleng tulong diplomatiko sa mga naapektuhan ng travel ban at naabutan ng pagka-paso ng mga dokumento bunga ng napilitang pamamalagi sa Pilipinas o ibang lugar; tulong din sa anumang paraan para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa mga nagsarang establisimyento; tulong-pinansiyal sa anumang porma para sa mga naka-kuwarantena, o nagipit ng lock-down.

 Sisikapin din ng task Force na maipaabot ito sa pamahalaan ng Italya.

Sa ngayon, pinakamahalaga ay ang pagkakaisa ng lahat na sumunod sa mga regulasyon. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Tuluyang pagsasara ng lahat ng commercial acitivities, inanunsyo ni Conte

Pinoy, biktima ng pananaksak sa Reggio Emilia