in

Pauwiin si Ambassador Nolasco sa Pinas! CLAMOR

Matapos magsampa ng reklamo ang CLAMOR sa DFA at Pangulong Duterte ay opisyal na inilunsad kamakailan ng grupo ang malawakang signature campaign at panawagan ng pakikiisa sa magaganap na rally sa ilang lungsod sa Italya partikular sa Roma at Florence sa Huwebes Sept 29, 2016. Narito ang pahayag ng mga organisasyon. 

 

 

Roma, Sept 27, 2016 – Kasabay ng pagdiriwang ng unang taong anibersaryo ng OFW Watch Roma, sa ilalim ng pamumuno ni Bong Rafanan noong nakaraang Linggo, Sept 25, 2016, ay opisyal na iniharap sa publiko ang mahigpit na panawagan ng CLAMOR (Convergence of Leaders for the Advancement of Migrants Omnibus Rights) na pauwiin na sa Pilipinas si Ambasaador Domingo Nolasco. 

Ang Convergence of Leaders for the Advancement of Migrants Omnibus Rights o CLAMOR na binubuo ng iba’t ibang grupo ay pinangungunahan nina Rhoderick Ople ng OFW Watch Italy President at kasama sa paglulunsad sina Helen Getigan, PDP Laban Rome Italy Coordinator; Rudy Morales, PDP Laban Rome Chairman; Boyet Carino, PDP Laban VP; Lito Lopez, Tau Gamma PHI at Vizcayano Association; Romulo Salvador, ENFID EU; Josephine Duque, Task Force OFW; Blanca Gofredo, Federation of Women;  Mely Ople ng Gabriela Florence at Bill Saguing ng Umangat Migrante

Hindi niya nagagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin na pangalagaan at proteksyunan ang kagalingan at interes ng mga manggagawang Pilipino sa bansa”, pahayag ni Ople. 

Bukod dito, dagdag pa ni Ople, sa kabila ng panawagan sa mga seryosong pag-uusap tulad ng dyalogo ay nahihirapan umano ang mga pinuno ng mga asosasyon na paharapin si Nolasco. “Ito sana ay magandang pagkakaton upang harapin, suriin at magkasamang solusyunan ang iba’t ibang usapin ukol sa ikabubuti ng mga Pilipino sa Italya ngunit si Nolasco ay nananatiling mailap at tila walang pakialam sa mga idinudulog na problema”.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Romulo Salvador dahil hindi niya ginampanan ang tungkuling irepresenta ang Embahada sa pagtitipon ng ENFID EU sa ginawa sa Malta noong nakaraang taon na dinaluhan ng Presidente ng Malta na saklaw din naman ng kanyang hurisdiksyon. “Maging ang nakaraang General Assembly nito sa Prague na dinaluhan ng 14 EU countries at mga kinatawan ng ilang embahada tulad ng Belgium ay tinanggihan din”, ayon kay Salvador. 

Kawalang aksyon naman ukol sa middle name issue ang reklamong idinulog ni Josephine Duque. “Hanggang ngayon ay wala pa ring pormal na sagot ang Embahada sa sulat buhat Ministry of Interior na ipinadala sa pamamagitan ng DFA. Ilabas ang kopya ng kanyang sulat sa Ministry at ang kopya ng kasagutan alang-alang sa transparensa”.

Hindi ipinatupad ang ipinangakong pagbubukas ng Embahada ng isang araw ng linggo sa loob ng dalawang buwan upang matugunan ang pangangailangan ng mga kababayang naka live-in. Bukod pa sa pananatili niya sa loob ng kanyang ‘munting paraiso’ na hadlang upang harapin ang mga ofws”, ayon kay Boyet Carino.

Pakikiisa ng grupo ng mga kababaihan tulad ng Gabriela Firenze at Federation of Women para sa panawagan sa isang Ambassador na may interes sa ikakabuti ng mga Ofws at hindi ang kawalang aksyon tulad ng ipinakita ng kasalukuyang amabasador sa mga Pilipinong apektado ng nakaraang lindol.

Ang kawalan ng malinaw na proyekto ni Nolasco para sa ikabubuti ng mga Ofws ang dahilan ng pakikiisa ni Rudy Morales ng PDP Laban.

Malayo ang puso nya sa komunidad! Nauunawaan namin ang kanyang hindi pagdalo ngunit ang kawalan ng kinatawan at anumang kasagutan sa mga paanyaya tulad ng aming ginanap na PDP Victory party ay patunay lamang nito!”, angal ni Helen Getigan. 

Patalsikin si Nolasco at isang bagong Ambassador na may magandang layunin para lahat ang panawagan naman ni Lito Lopez. 

Ang ipinakitang pagkukulang sa paglilingkod sa mga Ofws ng ating Ambassador bilang ‘Sugo’ ng pamahalaan ay dapat makaabot sa nakakataas, higit sa lahat sa ating Pangulo.” ang pahayag naman ni Bill Saguing. 

Kaugnay dito, nagsampa na rin ng unang reklamo ang CLAMOR sa DFA at Pangulong Duterte nitong Sept. 2. Kabilang sa mga inilahad ay ang kaugnay sa nagdaang lindol sa Central Italy kung saan mayroong mga residenteng Pilipino. Nagmistulang patintero ang pagkuha ng Travel Authority ng mga opisyales ng POLO-OWWA. Di umano ay di kaagad pinayagan ni Ambassador ang dalawa (Labor Attache at Welafre Officer), batay sa naunang lumabas na balita. Nakakapagtaka din, ayon sa liham, na di nakasama sa team na ipinadala ang DSWD gayong kailangang-kailangan ang psycho social counselling sa mga apektado ng lindol lalo na ang mga bata. Wala din mula sa ATN para direktang maalalayan ang mga Pinoy na nangawalan ng tirahan.

Tinatanong din ng CLAMOR, ang kaseryosohan ng Embahada na solusyonan ang mga naihapag na hinaing tulad ng pagpapababa ng halaga ng pasaporte at pagpapalawig ng bisa nito. Ano na ang ginawa niya sa usapin ng bilateral agreement gayong ang Capo Verde, Tunisia at Peru ay mayroon ng nabuong kasunduan.

Tampok din sa reklamo ang anunsyo ng PCG Milan kaugnay ng Authentication Fee o Red ribbon requirement sa mga dokumento tulad ng Marriage, report of birth atbp. Bakit ang PE Rome ay walang kahalintulad na anunsyo.

Patunay lamang na ang kanyang aktitud sa pagharap sa interes at kagalingan ng mga OFW ay umaayon sa kanyang sinabi ng una siyang dumating sa Italya “Waste of Time” ang makipag-usap sa mga leaders at komunidad ng mga Pilipino”, dagdag pa ng CLAMOR.

Ilan pa sa idinulog ng CLAMOR ay ang hindi pagiging masigasig ni Nolasco sa pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa Halalan 2016. Ang kawalan ng field voting at maging ang pagpapadala ng balota sa mga botante ay hindi masinop na naipatupad.

Natatangi ang Ambasador na ito, nang panahon ng laglag-bala at iskandalo ng Balikbayan Boxes, ay nanatiling tahimik at di man lang naglabas ng anumang advisory para sa mga OFW sa Italya. Sa kanya lang din namin narinig na ang pakikipag-usap sa mga OFW ay ‘aksaya lamang ng panahon” ayon pa sa deklarasyon ng Clamor. 

Ang Recall Nolasco, sa pamamagitan ng malawakang signature campaign at kilos protesta sa darating na Huwebes ay may iisang layuning isinisigaw ng nagkakaisang mga organisasyon sa Italya, mula Hilaga hanggang Timog Italya. 

Makialam, makiisa at isigaw ang panawagang Recall Nolasco!”, pagtatapos ng CLAMOR! 

 

Reklamo ng Clamor sa DFA 1

Reklamo ng CLAMOR sa DFA 2

Supplemental Document with individual signature campaign

 

                                                  OFW Watch Milan

 

                                                  Samahang Ilokano Bologna

 

                                                  Fedafilmo

 

                                                  FilCom North Italy

 

                                                  Gabriela Firenze at Federation of Women
                                                  ENFID Italy

 

 Ang ating pahayagan ay kasalukuyang naghihintay ng kasagutan mula sa Embahada para sa isang panayam. 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Street Control, ano ito?

Workers’ Rights Forum ginanap sa Turin Italy