Ginanap ang isang malaking palaro ng mga bowlers ng Filipino Bowlers Association in Italy o FBAI at ng Pasuguan ng Pilipinas sa Roma noong nakaraang May 13, 2018 sa Brunswick Roma.
Pinaunlakan ng Philippine Embassy ang imbitasyon ng FBAI sa pamumuno nina Pangulong Randy Fermo at Pangalawang Pangulo Glenn Conrad upang maging bahagi ng one-day bowling tournament.
“Isang malaking karangalan na makita ang pakikiisa ng Embahada sa aming mga manlalaro ng bowling”, ayon sa FBAI.
Naging mahabang preparasyon ang ginugol ng mga organizers upang masiguro na magiging maayos at masaya ang lahat.
Dumating ang araw ng torneo at nasaksihan ang husay ng mga organizers at ang pakikiisa ng Philippine Embassy sa pamumuno ng kagalang-galang na Ambassador Domingo Nolasco at Welfare Officer Hector Cruz.
Nagbigay rin ng mensahe ang Ambassador na sadyang umagaw ng katahimikan sa bawat isa. Siya rin ang nagbukas ng palaro kasama sina Consul General Adrian Bernie Candolada, Labor Attaché Haney Lynn Siclot at WelOff Hector Cruz.
May labing-tatlong koponan ang nakilahok mula walong grupo na kasapi ng FBAI. Sila ay ang sumusunod:
- CIAO (Catandugeños in Italy Achievers Organization);
- FBI (Filipino Bowlers In Italy);
- I. Strikers;
- Knights Bowlers;
- PBA (Pinoy Bowlers Association);
- RAM IE (Rebolusyunaryong Alyansang Makabansa Italy Europe);
- RBA (Rome Bowlers Association)at
- TBAI (Tropang Bowlers Association in Italy)
Tatlong teams naman ang nagmula sa Pasuguan ng Pilipinas sa Roma, na talaga namang hindi rin nagpatalo sa larangan ng bowling.
Binubuo ng limang manlalaro ang bawat koponan na ang bawat isa ay nagkaroon ng kaukulang “karagdagang puntos“.
Ang labing anim na koponan ay nagpakitang gilas sa laro na mababakas ang saya sa kanilang mga ngiti.
Hindi inaasahan na makakatanggap ng natatanging karangalan mula sa grupo ng Embassy sina Bryan Ocampo at LabAtt Haney Lynn Siclot. Natanggap naman ang mga sumusunod na awards:
- Highest Score Men – Mr. Rhomie Morales (RAM)
- Highest Score Women – Ms. Alma Sosa (Knights Bowlers)
- 2nd Runner Up – TEAM FBI 1 (Katy Nakpong, Perfecto del Espiritu, Leon del Espiritu, Angela Jose at Ricky Diaz )
- 1st Runner Up – RAM (Rafaelita Figueroa, Panot Gaje, Joel Dimasupil, Bruce Rivera & Rhomie Morales )
- Champion – KNIGHTS BOWLERS 1 (Augusto Vicencio, Lod Gonzales, Archie Santos, Cesar Viray at Rommel Aniz)
Maayos at masaya ang pagtatapos ng palaro na maituturing na magandang pagkakataon para sa mga OFW, na sa kabila ng malayo sa pamilya ay may mapaglilibangang makakatulong sa malakas na pangangatawan.
Inaasahang masusundan pa ang ugnayan ng mga OFW at ng Pasuguan ng PIlipinas sa Roma hindi lang sa larong bowling kundi pati na din sa iba pang sports. At nagpapasalamat ang FBAI sa ibinibigay na suporta nito lalo na at nalalapit na ang World Overseas Filipino Bowling Tournament na gaganapin sa London sa darating na Agosto.
Eiron Ignaco