Magbigay ng impormasyon sa mga OFWs sa kaganapan ng usapang pang kapayapaan, maipaunawa ang kahalagahan nito at himukin ang aktibong partisipasyon sa pagpapaabot ng mga hinaing sa NDFP panel para maihapag sa mga usapin.
Roma, Nobyembre 7, 2016 – Sa pangunguna ng Socio Cultural Health and Sports Committee (SCHSC) ng Sentro Filipino Chaplaincy (SFC) ay matagumpay na naidaos ang kauna-unahang Peace Talk Forum sa Roma sa Basilica Sta. Pudenziana na dinaluhan ng mga Lider at kasapi ng ibat-ibang mga Organisasyon at Komunidad ng mga Pilipino sa Roma.
Naging panauhing pandangal si Ka Luis Jalandoni dating Chairperson ng negotiating panel ng NDFP na ngayon ay Senior Adviser na at ang kanyang kabiyak na si Ka Coni Ledesma na isa ring miyembro ng negotiating panel ng NDFP.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang Opening Prayer song at pagbibigay ng welcome remarks ni Cynthia Dela Cruz, ang kalihim ng SCHSC at sinundan ng isang kulturang pagtatanghal ng KALAHI Dance Ensemble ng isang katutubong sayaw ng mga Lumad.
Pinakilala ni Teddy Dalisay, ang PRO ng SFC ang naging panauhin pandangal na sina Ka Lusi Jalandoni at Ka Coni Ledesma at si Fr. Aris Miranda naman ang naging tagapagpadaloy ng nasabing aktibidad.
Layunin ng nasabing Forum na mabigyan impormasyon ang mga OFWs sa Roma sa nagiging kaganapan ng usapang pang kapayapaan, maipaunawa ang kahalagahan nito sa ating mga mamamayang Pilipino at himukin ang kanilang aktibong partisipasyon sa pagpapaabot ng kanilang mga hinaing sa NDFP panel para maihapag sa mga usapin.
Naging pinakatampok sa nasabing forum ang pagpapaliwanag ni Ka Luis Jalandoni at Ka Coni Ledesma sa kahalagahan ng mga nakahanay na usapin sa Peace Talk gaya ng CASER o Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms na kung saan ay lalamanin nito ang mga usapin gaya ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon na siyang magiging susi para maiangat ang kabuhayan ng nakakaraming bilang ng mamamayang Pilipino o ang mga magsasaka na bumubuo sa 75% ng populasyon at gayundin ang ibat-iba pang sektor sa ating lipunan na kung saan ay nakakaranas ng matinding kahirapan. Samakatwid, sentro ang usapin sa agrarian reform, national industrialization, environmental protection, monetary and fiscal policies, foreign economic and trade relations at rights of the working people kung saan papasok ang kapakanan ng OFWs.
Tinatayang humigit kumulang sa 150 katao ang mga nagsipagdalo sa nasabing forum na kung saan karamihan sa mga dumalo ay nagpaabot ng kanilang mahigpit na pagsuporta sa nagaganap na Usapang pang Kapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Phils. (NDFP). May mga kababayan din na nagmula pa sa Firenze, Bologna at Mantova ang nagsipagdalo sa nasabing Forum.
Sa pagharap sa iba’t ibang grupo ng asosasyon ng migranteng Pilipino sa Roma ng mga panauhin ay hinikayat rin ang mga OFWs na iparating ang kanilang mga kahilingan at interes na nais bigyang importansya sa peace talks. Ang pakikiisa umano ng mga migranteng Pilipino sa ibang bansa ay magpapalakas sa pwersa upang ipagpatuloy ang pakikibaka ng NDFP upang tuluyang makamit ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.
Nagbigay rin ng pananalita bilang tugon sa mensahe ng NDFP mula sa panig ng simbahan na si Sem. Giovanni ng Scalabriniana at si Vic Salloman sa bahagi ng mga migrante. Sinang-ayunan ng dalawa na ang tunay na ugat ng migrasyon ay ang kahirapan at di-pantay na pamamahagi ng kayamanan ng Pilipinas.
Sa katunayan, “ang kahirapan, korupsyon at social injustice ang pangunahing dahilan kung bakit umaalis ang isang Juan dela Cruz sa bayan para makipagsapalaran sa ibang bansa“, ayon sa mga migrante sa Roma.
Bukod dito ay nagbigay rin ng mga mensahe ng pakikiisa ang mga Lider ng ibat-ibang organisasyon gaya ng ICHRP, Rome Chapter, OFW Watch Rome, PDP Laban, Federation of Women in Italy at UMANGAT-MIGRANTE.
Nagalak din ang mga nagsipagdalo ng pinahayag ni Ka Luis Jalandoni ang pinaplanong ganapin sa Roma sa ikatlong linggo ng Enero 2017 ang pangatlong session ng GRP-NDFP peace talks. Dahil na rin umano sa napakalamig na klima sa bansang Norway, ayon kay Ka Luis.
Ayon pa sa mga leader ng ibat ibang samahan sa Roma, nakapagpadala na umano sila ng sulat na naglalahad ng mga puntos ng mga problema ng OFWs sa Italy ngunit nais din nilang personal na iparating ito sa magaganap na session ngayong Enero.
Sa pagtatapos ay nanawagan si ka Luis Jalandoni sa mga OFWs sa Roma na tuloy-tuloy na suportahan ang usapang pang kapayapaan upang makamit ang makatarungan at pang matagalang kapayapaan sa ating mahal na inang bayan.
Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng isang closing song at candle lighting habang naka-kapit bisig ang mga nagsipagdalo.
Umangat-Migrante
Joanne Balaba