Rome – Isang masaganang pagtatanghal ng kulturang Pilipino ang ginanap noong nakaraang linggo sa Teatro Don Orione sa pangunguna ng PEP o Pyramid Entertainment Production. Pinamagatan itong ‘Perlas ng Silanganan, balik tanaw sa ating mga awit at sayaw’.
“Alay namin ito sa ating mga kababayang matagal ng hindi nakakauwi sa ating bansa at nananabik sa ating mga awitin. Para din po ito sa ating mga kabataang dito na sa bansang Italya ipinanganak na maaaring hindi nakagisnan ang ating yaman sa kultura bilang Pilipino”, ayon sa direktor ng PEP na si Benjamin Vasquez.
Ang PEP ay naglalayong ipamalas at hasain ang talento sa pag-awit at pag-sayaw ng mga kabataan. Ito ay isang paraan din upang matutunan ang wikang tagalog na karaniwang nalilimutan ng mga kabataang ipinanganak sa ibayong dagat.
Bukod sa mga matalinhagang kundiman ng nakaraang dekada, nakakatuwang pakinggan ang mga kabataan na sa pamamagitan ng awitin ay naramdaman ang pagiging isang ganap na Pilipino. Itinanghal din ang makukulay at nag-gagandahang Filipiniana dress na lalo namang nagpatingkad sa gandahang pinay. Hindi rin naman magpapahuli sa husay sa larangan ng iba’t ibang uri ng sayaw ang ating mga kabataan.
Ang pagtatanghal ay maituturing na isang tagumpay, salamat na rin sa presensya at gabay ng simbahan, ng mga institusyon, mga sponsors, magulang, kaibigan at lahat ng mga tumangkilik sa nasabing pagdiriwang.
Isang ‘thumbs up’ para sa inyo PEP, more power at hanggang sa susunod nyong pagtatanghal!