in

Personal Pick-up ng Balota sa Bologna, natuloy na

Natuloy na ang naudlot noon na “personal pick-up” sa lungsod ng Bologna na dapat sana ay noong nakaraang Abril 10, 2022, habang may mobile consular service sa nasabing siyudad. Ang dahilan ng pagkabalam ay ang pagdating lamang ng mga balota noong isang linggo mula sa Pilipinas. 

Matapos na dumating sa Milan nang magkasunod na araw ang mga balota at iba pang voting materials, kinumpirma na ng Philippine Consulate General ang hiniling na panibagong araw ng distribusyon ng mga balota ng mga taga-Bologna at karatig-lugar . At naapruban nga ito para sa ika-18 ng Abril, mula ala-una ng hapon hanggang ika-lima. Ito ay isinagawa sa JIL Church Compound sa via Corticella 179, Bologna. Dumating ang tatlong Consulate Staff na mangangasiwa sa distribusyon at tatanggap sa mga balotang nakompila na ng mga botante. Sila ay nanggaling din sa Torino matapos ang dalawang araw na mobile consular service dito at nagkaroon din ng distribution of ballots nitong ika-16-17 ng Abril.

Naroon din ang mga opisyal ng Federation of Filipino Associations in Bologna (FEDFAB) at ng Jesus is Lord Fellowship bilang mga boluntaryo na magpapanatili sa kaayusan ng lugar. May mga Makabayan Bloc pollwatchers nguni’t nanatili lamang silang nakamasid mula sa labas ng gusali dahil ang lugar ay hindi kinonsiderang isang presinto kundi distribution area lamang para sa personal pick up. Maaaring iuwi sa bahay ang balota at dun ikompila at ibalik para ihulog sa drop box. May inihanda  din namang mga mesa at silya para sa mga nais magkompila na dun.

Sa kabuuang bilang na 166 ballot packets na hiniling na madala dito, halos kalahati lamang ang nakuha at isinumite matapos makompila ng mga botante. Ang mga ballot packet ay inihulog sa isang drop box at dadalhin sa Konsulato upang mai-feed sa vote counting machine, na naka-iskedyul tuwing araw ng Lunes at Huwebes.

May ilang nagpunta na di nakakuha ng kanilang balota dahil di nagpadala ng email para hilingin na madala ito, at ang iba naman ay di na nakalista sa master list at di nila nagawa noong magpa-update o reactivate ng kanilang pagkarehistro. May mga nakaiwan ng kanilang mga pasaporto at binalikan ito sa kanilang mga tahanan. Sa parte naman ng mga dual citizen, hinanapan sila ng sertipikato ng kanilang dual citizenship at kanila namang agad na kinuha sa kanilang bahay. Naging bigo naman ang iba dahil huli na nang mag-email para madala ang kanilang balota. 

Ayon naman sa mga obserbasyon, naging kalituhan para sa iba ang pagkokompila dahil hindi muna binasang mabuti ang mga instruksiyon kung kaya nagkaroon ng mga pagkakamali sa kanilang pagkompila. May mga nakahanda rin namang black marker at ballpen na magagamit subalit may ilan na nais gumamit ng sarili nilang ballpen. Mabuti at may mga boluntaryo na nagsabi ng pagsunod sa instruksiyon muna bago magsimula.

Sa mga di nakapunta upang kunin ang kanilang ballot packet, ipinapaalam na hintayin na lamang sa kanilang mga tahanan ang pagdating nito dahil simula sa araw na ika-19 ng Abril ay sisimulan nang ihulog ito sa Posta. Ang mga nagsipadala  naman ng mensahe na sila ay personal na pupunta sa Konsulato ay duon makakaboto, araw -araw, maging pistaopisyal, Sabado at Linggo, mula ika-9 ng umaga hanggang ikalima ng hapon. (Ulat ni: Dittz Centeno- De Jesus at mga kuha ni: Gene De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ukrainians na dumating sa Italya, higit 91,000 na

Required salary 2022 para sa Ricongiungimento Familiare