Sa patuloy na pagdami ng mga Pilipinong residente sa Italya, ang pagkakaroon ng mga negosyanteng Pilipino sa bansa ay isang indikasyon ng paglago sa imahe ng mga Pilipino sa ibayong dagat. Ito ay nagpapakita ng determinasyon ng mga Pilipino na maging ehemplo ng tagumpay sa larangan ng business. Naglalarawan din ito ng pag-unlad ng Filipino diaspora at ang kakayahan na mag-ambag din sa ekonomiya at lipunan ng host country, ang Italya.
Dahil dito, makalipas ang ilang taong pagnanais at pagsusumikap ng Filipino community, ay naisakatuparan ang pagkakatatag at paglulunsad ng samahan ng mga negosyanteng Pilipino sa Italya, ang Philippine Chamber of Commerce in Italy o PCCI, sa tulong at gabay ng PE Rome, sa pangunguna ni Philippine Ambassador to Italy, H.E. Nathaniel Imperial.
Sa katunayan, ang makasaysayang Oath Taking ng mga opisyales ng grupo ay ginanap kamakailan sa Social Hall ng Philippine Embassy, matapos ang opisyal na registration nito sa Agenzia dell’Entrate noong nakaraang buwan ng Marso.
Dinaluhan ang nasabing okasyon nina Philippine Commercial Counsellor and Director Rosa Katrina Banzon at Agriculture Attachè and Deputy Permanent Representative Dr. Josyline Javelosa.
Sa kasalukuyan, mayroong 45 active members ang PCCI. Ito ay binubuo ng mga nagmamay-ari ng mga small businesses sa Roma tulad ng travel agencies, grocery stores, accomodation tulad ng mga bed & breakfast at mga guest houses, restaurants, food and catering, transportation like NCC, beauty salons, cleaning service at mga retail shops.
Layunin sa pagkakatatag ng PCCI ang palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga negosyanteng Pilipino sa Roma upang labanan ang mga hamon at problema sa negosyo. Ang Chamber ay maaaring magbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga regulasyon sa kalakalan, mga oportunidad sa negosyo, at iba pang kaalaman na maaaring makatulong sa kanilang mga operasyon. Bukod pa sa makatulong sa mas maraming kababayan na naghahangad na magsimula at magkaroon din ng maliit na negosyo.
Bukod dito, ang pagkakatatag ng PCCI sa Italya ay patunay rin na lumalalim ang integrasyon ng mga Pilipino sa host country, pati na rin ang lumalalim na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa – Italya at Pilipinas.
Sa katunayan, sa nabanggit na okasyon ay binigyang diin din ng mga panauhing pandangal na ang PCCI ay maaaring maging isang plataporma para sa promosyon ng mga negosyo mula sa Pilipinas sa Italya at mula sa Italya sa Pilipinas. Ito ay maaaring magdala ng higit pang oportunidad sa business and trade para sa parehong mga bansa. Kaugnay nito, ayon kay Commercial Counsellor Banzon, ang Italya ay patuloy na mahalagang partner ng Pilipinas sa Europa, bilang ika-apat na largest trading partner ng Pilipinas sa Europa.
“Ang pagkakatatag ng Philippine Chamber of Commerce in Italy ay magdudulot ng positibong epekto sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mga negosyanteng Pilipino at pagsusulong ng mga produkto at serbisyo sa Italya”, ayon kay Leopoldo ‘Pol’ Reyes, ang president ng PCCI.
Sa May 6 ay gaganapin ang unang General Assembly ng PCCI.
Philippine Chamber of Commerce in Italy (PCCI) Officers
- President: Leopoldo Reyes
- Chairman: Dennis Carroscoso
- Vice President: Nestor Manrique
- Treasurer: Elbert Evangelista
- Secretary: Benette Ramirez
- Asst. Secretary: Barry Flores
- Auditor: Estela Garcia
- Auditor: Jonima Acevedo
- PRO: Romulo Salvador
Working Committees
- Education: Romulo Salvador
- Membership: Benette Ramirez
- Business Affairs: Evelyn Espinosa
- Legal Affairs: Leo Pastorin