Sa pangunguna ni Ambassador Domingo Nolasco at Honoray Consul General Francesco Mortelliti ay binuksan ang Philippine Consulate in Reggio Calabria.
Ang inauguration ay dinaluhan ng mga panauhing pandangan na kinabibilangan nina Mayor Giuseppe Falcomatà, Prefect Michele di Bari, Carabinieri Provincial head Colonel Giuseppe Battaglia, kasama ang Guardia di Finanza Provincial head na si Flavio Urbani, police commissioner Raffaele Grassi, Guardia Costiera head rear admiral Giancarlo Russo, assessor Dafne Musolino of Comune di Messina, ang presidente ng Confindustria Guseppe Nucera at ang mga kinatawan mula sa filipino commuity ng Calabria at Messina.
Binigyang-diin ni Avv. Francesco Mortelliti ang halaga ng Consulate na may jurisdiction sa buong Calabria at Messina na tinatayang may humigit kumulang na 5,000 Pilipino na hardworking, integrated at mahal ng karamihan sa Reggio Calabria.
“Sa tulong ng embahada ay naisakatuparan ang pagkakaroon ng ‘tahanan’ ng mga Pilipino na araw-araw ay tapat na naglilingkod at kasamang nagpapalago sa ekonomiya at kultura ng rehiyon”, aniya.
Samantala binigyang diin naman ni Ambassador Nolasco hindi lamang ang mga serbisyong matatanggap ng mga PIlipino bagkus pati na rin ang maidudulot nitong cultural, commercial at economic exchange sa pagitan ng dalawang bansa Italya at Pilipinas.
Binanggit din ni Nolasco ang ukol sa Via Filippini na nagpapaalala sa kasaysayan ng mga Pilpino at ang pagkakaibigan ng dalawang komunidad.
“Na binubuklod ng pagpapahalaga sa trabaho at propesyon, pamilya lalo na ng paniniwala at pananampalataya”, pagtatapos ni Nolasco.
Ang Philippine Consulate of Reggio Calabria ay matatagpuan sa Via Don Minzoni, 29 – 89124 Reggio Calabria (RC).
Ang konsulado ay bukas sa publiko ‘by appointment’ sa araw ng Martes (9:00 am – 11:30 am) at Huwebes (9:00 am – 11:30 am at 5:00 pm – 7:30 pm)
Tumawag lamang sa numero 09651870750 para sa appointment.