in

Philippine Icons sa Italya, pinarangalan

Ginanap ang National Arts Month “Celebrating Icons” sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Roma. Layunin ng pagdiriwang ang kilalanin ang mga itinuturing na Philippine Icons sa bansang Italya.  

Roma – Pebrero 26, 2013 – Itinanghal at ginawaran ng parangal ang walang sawang pagwawagayway ng bandilang Pilipino ng mga Philippine Icons sa bansang Italya. Kinilala ang mga katangi-tanging pagpapakita ng talento at husay sa kani-kanilang larangan sa ginanap na pagdiriwang ng National Arts Month kamakailan sa Roma.

Binigyang parangal sa pangunguna ni H.E. Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr. noong nakaraang Biyernes ang mga sumusunod;

Efren Gabriel Dordas

Pagkabata pa lamang ay tumutulong na sa kanyang ina sa paggawa ng mga corsages, ngunit sino ang makakapagsabing siya ay magiging kilala sa larangang ito? Ito ang karanasan ni Efren Gabriel Dordas, isang BS Nursing graduate na nagtungo sa Italya para sa kanyang mga pangarap.

Ilang taon na ang nakakalipas, nang boluntrayong gumawa ng flower arrangements sa kilalang hotel sa Roma si Efren kung saan nagta-trabaho bilang barman-waiter. Labis na ikinagulat ang kanyang angking galing, kung kaya’t ang hamong ipinagkaloob ng tadhana nang ang ikakasal buhat pa sa Ireland ay kanyang tinanggap. Ang paghahanap ng florist para sa bridal bouquet ng ikakasal na turista ay naging simula ng kanyang tagumpay. Naging susi sa pagbubukas ng kanyang flower shop, una sa Via Monterone at sumunod sa Largo del Teatro Valle.

Richard Gabriel

1989 ng dumating si Richard Gabriel sa Italya upang bisitahin ang mga pangunahing museums at exhibits. Nagpatala sa mga free courses sa Academy of Brera, upang pagyamanin ang talento sa larangan ng arte.

Ang pakikipagtulungan kay Carla Tolomeo sa paglikha ng kanyang legendary Sculpture Chairs ang naging simula para kay Richard upang makilala sa mga catalogue at exhibit ni Tolomeo. Sumunod na rito ang pakikipagsabayan ni Richard sa larangan, tulad sa Hermes, Meurice Hotel sa Paris, Bluemarine,Puskin Museum sa Moscow, Asia Museum sa Seoul at sa Sicis Next Art Worldwide.  

Taong 2009 nang simulang nagtrabaho si Richard sa Pietrasanta sa Tuscany Region na lalong nagpalalim ng kanyang partesipasyon sa iba’t ibang exhibits at sa larangan ng pag-ukit. Ang kanyang tagumpay ay kinilala maging ng dating Pangulo ng Pilipinas, Gloria Macapagal-Arroyo at tinanghal bilang Bagong Bayani Award for Culture and Arts.

Leon Pecunayen

Samantala, si Leon Pecunayen naman ay isa sa iilan at pambihirang gumagamit ng water color sa sining. Ang kanyang pamamaraan ng paghahalo ng watercolors ang susi ng kahanga-hangang mga masterpiece.

Katanyagan ni Pecunayen ng taong 50’s at 60’s at kinilala ring Most Outstanding Alumnus for Painting of the University of Santo Tomas habang nagtuturo ng Art sa Colegio di San Juan de Letran.

Ngunit ang tawag sa Europa sa pamamagitan ng isang scholarship sa Academia de Belle Arti sa Roma ang sumunod na hamon kay Pecunayen. Hanggang kasalukuyan ay patuloy pa rin ang daloy ng sining sa katauhan ng painter gamit naman ang computer.

Kayumanggi Philippine Folkloric Dance Group

Itinatag 31 taon na ang nakakalipas, noong Hunyo 1981 ang Kayumanggi Philippine Folkloric Dance Group na hanggang sa kasalukuyan ay nagbibigay buhay at kulay sa mayamang kultura ng Pilipinas sa larangan ng saway at musika. Layunin ang panatilihin ang mga tradisyunal na saway at makukulay na suutin gayun din ang ipakilala ang yamang ito sa buong mundo buhat sa minanang Filipino, Indo-Malay-Polynesian, Chinese, Arabic, Iberian-European at American influences na kahanga-hangang nakakahikayat sa mga manonood.

Nagwagi ang nasabing grupo sa mga International Folkdances Festivals, gayun din ay kinilala sa kanilang mga performances sa Presidential at Papal audiences.

Ginanap ang nasabing pagdiriwang sa extension office ng Embahada ng Pilipinas na matatagpuan sa Via Balduina 84 kung saan sabay na ginanap ang inagurasyon ng nasabing tanggapan sa pamamagitan ni Monsignor Jerry Bitoon.

Bukod kay Ginang Maria Luarca Reyes, ang maybahay ng Amabasador sa Italya, Consul General  Grace Cruz-Fabella, Consul Leila Lora-Santos, Vice Consul Margaret Malang at ng mga bumubuo ng Embahada ay kabilang na dumalo sa pagdiriwang ang mga Konsehal na Pilipino sa Roma at mga Filipino Community leaders. (larawan ni: Stefano Romano)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ika-27 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ipinagdiwang

Santo Padre, tatawaging “Pope Emeritus” o “Roman Pontiff Emeritus”