“Share the beauty of Filipino culture to the world and other nationalities in Italy not only to your fellow kababayan” – Stefano Romano
Naples, Nobyembre 22, 201 3 – Isang workshop na may temang “Photography as Cultural Mediation” ang ginanap kamakailan sa Naples sa pangunguna ng Comunità Filippina di Napoli e Campania at sa pakikipagtulungan ni Stefano Romano, ang nagsilbing simula ng pakikiisa ng mga kabataan sa mga proyekto at aktibidad ng komunidad.
Ang Comunità Filippina di Napoli e Campania ay nagsimula taong 1995-1996 bagaman nai-rehistro sa Regione Campania ng taong 2003. Layunin ng komunidad, bukod sa matugunan ang ispiritwal na pangangailangan ng mga overseas filipinos sa pamamagitan ng banal sa misa sa wikang tagalog, ay ang mabuklod ang mga ito sa pamamagitan ng iba’t-ibang social at cultural activities.
Mayo 2013, sa pagdiriwang ng banal na misa ni Msgr. Jerry Bitoon ay kanyang sinabi na hikayatin ang mga kabataan sa paglilingkod. Isang bagay na gumising sa buong komunidad upang hamunin ang kakayahan ng mga kabataan.
Sa ginanap na D2D Campaign sa Napoli kung saan isa sa kabataang ay boluntaryong naglingkod bilang VP ay sinabing “Ang mga kabataan sa Napoli ay nais na makiisa at maglingkod sa komunidad ngunit ang kakulangan ng kaalaman sa kulturang Pilipino, una sa wikang tagalog at ikalawa dahil sa Italya na ipinanganak at lumaki ay tila hadlang sa amin”. Dito ay hiniling ng mga kabataan ang pagkakaroon ng mga programang magpapalalim ng kanilang kaalaman at magpapatibay ng kanilang relasyon sa kulturang Pilipino.
Sa pamamagitan ng social network na hilig ng mga kabataan ay kanilang natagpuan ang magagandang larawan ng isang Italyanong malapit sa puso ang mga Pilipino, ni Stefano Romano, na nagbigay inspirasyon at magandang pagkakataon bilang simula ng proyektong tinutukoy ng ikalawang henerasyon. “Photography as Cultural mediation”, ang napinto at napagkasunduang proyekto na ginanap sa Naples nitong Nobyembre.
Ang ‘workshop’ ay naglalayong gisingin ang mga kabataan upang pag-aralan ang kulturang kinabibilangan at isang inspirasyon naman sa mga ‘elders’ upang mapalalim ang kaalaman sa ‘photography’ hindi lamang sa mga mayroong professional camera kundi pati sa mga gumagamit ng digital cameras. Bukod dito, nais din ng komunidad ang magkaroon ng isang grupo ng mga photographers sa tuwing magdiriwang ng mga aktibidad at programa para sa kanilang yearly community album.
Mula sa makasaysayang proyektong ito ay lumabas mismo buhat sa mga kabataan, sa pangunguna ni Adriano, ang pagkakaroon ng community newsletter at sinundan naman ng magandang mungkahi ng Singles for Family and Life ng pagkakaroon ng photo journalism ng mga inspirational stories ng mga overseas Filipinos sa Naples.
“Share the beauty of Filipino culture to the world and other nationalities in Italy not only to your fellow kababayan”, pagtatapos ni Stefano Romano sa ginawang workshop ng may paghanga sa abilidad ng mga Pilipino sa Napoli.