in

PIDA nagpa-plano na sa nalalapait na Araw ng Kasarinlan

Pagdaraos ng Independence Day sa Roma, ikinakasa at pinagpa-planuhan.  

Rome, Enero 22, 2015 – Matapos na makapanumpa sa kanilang tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Philippine Independence Day Association (PIDA) noong Disyembre 18, 2014, nagpatawag ng pangkalahatang pagtitipon ang bagong Pangulo na si Auggie Cruz. Isinagawa noong 15 ng Enero 2015 sa assembly hall ng Embahada ng Pilipinas sa Roma, Italya. Ito ay dinaluhan ng mga representante ng  mahigit sa animnaput-limang komunidad, grupo o organisasyon ng mga pilipino dito sa Roma. Binuksan ang pagpupulong ng isang mataimtim na panalangin at pasasalamat sa Panginoon at sinundan ng maikling mensahe ng bagong Presidente. Nagbigay ng gawad ng pagkilala para sa out-going officers ng PIDA na pinangunahan ng dating Presidente na si Judito  Estopacia. Bawat isa ay binigyan ng Certificate of Recognition bilang pagkilala sa kanilang makabuluhang paninilbihan at tapat na serbisyo.

Upang lalong mapukaw ang damdamin at maipaalala sa bawat kaanib ng PIDA ang pangunahing katungkulan o layunin  nito, may inihandang “slide show” ang bagong Pangulo bilang pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng PIDA mula nang maitatag ito.

Binanggit ni G. Auggie Cruz na ang pangunahing layunin nito ay pangasiwaan ang pagdaraos ng Independence Day ng Pilipinas sa pamamagitan ng makahulugan at makabuluhang programa na dadaluhan,sasalihan at sasaksihan ng lahat ng Pilipino dito sa Italya.

Ipinakilala sa mga dumalo sa 1st General Assembly ang mga bagong halal na mga Opisyal ng PIDA. Binigyang daan ang bawat isa na maipaabot ang mensahe ng kanilang pasasalamat at ang kanilang magiging gampanin sa PIDA.

Masayang ibinahagi rin ng Pangulo ang isang malaking pagbabago sa gaganaping pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas,  ito ay ang planong paglilipat ng venue o lugar na pagdarausan na dati ay sa Piazza Ankara ginaganap.  Isang parco malapit sa Conca d'Oro ang napili na pagdausan ng 2015 independence day dahil na rin sa  inaasahang pagdami ng partisipante na aabot sa isangdaan at limangpung (150) ibat-ibang grupo ng pilipino mula sa loob at labas ng Roma. Inaasahan na  kakayanin ng venue na ma-accommodate ang dami ng dadalo dahil maaaring maitayo ang 250 tents sa lugar kung kinakailangan.

Nagsagawa din ng election of Committee leaders na tuwirang mangangasiwa sa mga sumusunod:

Sponsorship – Bong Rafanan
Finance – Benjamin Eclarin
Venue – Jeremias Benjamin
Security & Peace & Order – Gil Ninofranco
Raffle – Ma. Jane Dameg
Program – Bing Roxas
Eucharistic – Romeo I. Sergio, Jr.
Booths & Tents – Ruel Sandoval
Invitation & Reception – Pepsie Ninofranco
Services – Norberto Fabros
Publicity – Judito Angel Estopacia
Food – Ronaldo Jose

Dahil na rin sa maagang preparasyon at positibong simulain, umaasa ang lahat na magiging kakaiba, masaya at matagumpay ang pagdaraos ng Philippine Independence Day.

Bilang pagtatapos sa pagpupulong, binigyang diin ng Presidente na dapat ay patuloy na magtulong-tulong at magkaisa ang lahat ng opisyal at kaanib ng PIDA para sa lalong makabuluhang programa at masayang pag-alaala sa araw ng kasarinlan.

Hunyo 7, 2015 isasagawa ang Thanksgiving Mass para sa ika-117 taong ng Kalayaan ng Pilipinas (Hunyo 12, 1898) samantalang ang mga programa at  pagdiriwang  naman ay sa  Hunyo 14, 2015 gaganapin dito sa Roma, Italya.

Romeo 'Bong' Sergio, Jr

larawan ni: Adegor Borromeo

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Petsa ng Consular Outreach Mission, itinama ng PE Rome

Masiglang ipinagdiwang ang pista ng Sto. Niño sa Milan