in

Pila ng mga Pinoy sa kalsada, pinag-utos ng Munisipyo XIII Aurelio na papasukin sa bakuran ng Embahada

Sa naganap na pakikipag-usap ng Kagawaran ng Pulisya sa Roma at ng Embahada ng Pilipinas, ipinangako ng huli na papapasukin na nila sa bakuran ng gusali ang mga Pilipino na nagsasadya sa Embahada para mag-saayos ng mga dokumento. 

Ito ang garantiya na nakasaad sa sulat ni G. Sozi Maurizio (Prot. VS/2022/0011909) na ipinadala kay Pia Gonzalez, ang kinatawan ng Ugnayan ng Nagkakaisang Filipino na ang Adhikain ay Ipakansela ang Renewal Center (UNFAIR). Sa sulat na ipinadala ng Opisyal ng Pulisya sa Roma, simula Pebrero 26, 2022 ay dapat nasa loob na ng bakuran ng Embahada ang mga pumipila sa labas ng bakod ng tanggapan. 

Matatandaan na inulan ng reklamo sa Social Media at Facebook ang PE Rome dahil sa mga post ng mga OFW na nakapila sa labas, partikular sa bangketa mismo ng kalsada. Sa gitna ng ulan, malamig na panahon at panganib ng mabibilis na sasakyan ang pangunahing dahilan. Walang isang metro ang lapad ng daanan (pathway/marcia piedi) sa pagitan ng bakod at kalsada. Naging tampulan ng batikos at pagkundena si Ambasador Domingo Nolasco sa kawalan ng malasakit, pagbibigay proteksyon at pagpapahalaga sa kanyang mga kababayan, batay sa kanilang mga nakapost na hinaing. 

Kaugnay nito, nitong nagdaan ika-16 ng Pebrero, hinarap ng pamunuan ng UNFAIR ang Presidential Anti Crime Commission sa isang dayalogo kaugnay ng reklamo na ipinadala ng Emilia Romagna Association of Filipino Community sa Malacanan. Sa nasabing sulat, nagpahayag ng pagkabahala ang Pangulo ng ERA Filcom na si Ms. Fhely Gayo sa posibleng pagtatayo ng BLS-Passport Renewal Center sa ilalim ng hurisdikson ng PCG Milan. 

Tinutulan ng mga komunidad sa buong Italya sa pamumuno ng UNFAIR ang pagkakaroon ng PaRCs sa Roma na di kalayuan sa Embahada. Kinukwestyon ng Koalisyon UNFAIR ang kawalang konsultasyon sa hanay ng komunidad, mga batas na maaring naisawalang bahala para sa proteksyon ng mga nag-mamay-ari ng pasaporte, nadodobleng bayarin at mataas na singil sa serbisyo. Inaalala din na posibleng mabawasan ang mga Consular Outreach Program, mababawasan ng papel ang mga Honorary Consulate Office para sa pamamahagi ng naprosesong mga dokumento at paglaki ng gastusin para lamang makapagpanibago ng pasaporte. 

Nangako ang PACC na haharapin nila ang reklamo at ipapatawag ang pamunuan ng Kagawaran ng Ugnayan Panlabas o DFA para papagpaliwanagin. Sa bahagi naman ng UNFAIR ay ipinadala na ang mga nagawang dokumentasyon at mga ebidensya kung bakit nais ipakansela ang kontrata sa pagitan ng BLS at DFA. Nagpasa din sa Kongreso ng Pilipinas ang grupong Makabayan Bloc sa pamamagitan ni Kongresista Carlos Isagani Zarate ng resolusyon para pag-aralan kung naayon ba sa Konstitusyon at mga batas na umiiral sa Pilipinas tulad ng Passport Law at Anti-Red Tape Act ang ginawang pagpapahintulot ng DFA na gawin ng pribadong ahensya ang renewal ng mga pasaporte at ang Data Privacy Act 2012 na nagbibigay proteksyon sa mga datos at impormasyon ng isang indibidwal. Resulta ito ng ginawang konsultasyon ng Bayan Muna sa pamunuan at mga kasaping samahan ng UNFAIR. 

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagkakaron ng dyalogo ang UNFAIR at Embahada ng Pilipinas sa Roma. Sa hiling ng grupo na makapag-usap para magkapaliwanagan, tanging sagot ng Embahada ay nanatiling “optional” ang serbisyo ng passport renewal. Lumalabas sa patuloy na post ng mga OFW sa kanilang FB account, sila ay napipilitan na magpunta sa PaRCs, sa dahilang napakahirap kumuha ng iskedyul sa PE Rome. May mga lathala din na mabagal at di nasusunod ang oras na ibinigay ng PaRCs sa mga kliyente nito. (Ibarra Banaag – photos: ctto)

Click to rate this post!
[Total: 26 Average: 4.3]

L’indirizzi di raccolta di aiuti umanitari per l’Ucraina

Isang libong Ukrainians, dumating sa Italya. Posibleng umabot hanggang 900,000