“Pagkakaisa, positibong pananaw, paglayo sa mga bisyo, respeto at sportsmanship”:
Ito ang mga mahahalagang elementong binigyang diin sa pagbubukas ng winter league ng Pilahan sa Modena, isang aktibong grupo ng mga taga barangay Pilahan, Mabini, Batangas.
Taong 2012 ng isinagawa ang kauna-unahang summer league ng mga taga Pilahan at ito ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ngayong taon ay napagdesisyunan ng pamunuan na simulan din ang winter league dahil na rin sa nakita nilang magandang takbo ng proyekto lalong lalo na sa mga kabataan, at ng sa ganon ay patuloy na magkasama-sama ang lahat kahit na sa panahon ng taglamig.
Iba’t ibang kategorya ang kinabibilangan ng mga koponan. Mayroong para sa mga kabataang may edad na mula 13 hanggang 16, ang Green at Blue Teams. Mayroon namang apat na koponan ang mga seniors na binubuo ng Black, Green, Red, at Yellow Teams. Ang bawat team ay may kanya kanyang Muse na nagbigay kulay sa ebento. Si Ivy Garcia para sa Black team, Shayne Maranan para sa Green team, Justine Maramot para sa Red team, at si Lorelhu Villanueva naman na tinanghal na Best Muse ng mga hurado ang para sa Yellow team.
Hindi lang basketball ang laro sa winter league. Mayroon ding Volleyball para sa mga kababaihan ng Pilahan na binubuo ng apat na koponan. Ito ay ang Yellow team, Pink team, White team, at ang Red team na nanalo sa Best in Uniform.
Naging makasaysayan ang simula ng winter league na ito dahil ang naghatid ng pambungad na pananalita ay ang pangunahing panauhin ng Barangay Pilahan na walang iba kundi ang Ama ng kanilang mahal na bayan ng Mabini na nagmula pa sa Pilipinas na si Hon. Mayor Noel “Bitrics” Luistro at ang kanyang maybahay na si Atty. Gerville Luistro. Layunin ng kanilang pagbisita ang personal na pasalamatan ang mga ofws na taga Mabini na patuloy na sumusuporta sa kanya at sa mga kababayan sa Pilipinas lalo na noong nagkaroon ng lindol sa kanilang bayan. Isa itong natupad na pangako ng mahal na alkalde ng Pilahan na bisitahin ang kanyang mga kababayan sa Modena kaya naman ganoon na lamang ang init ng pagtanggap ng mga tao sa mag-asawang puno ng bayan ng Mabini.
Lubos na nagalak ang kanilang punong-bayan dahil ang mga taga Pilahan ay isa sa pinakamalaking grupo ng OFWs sa Modena. Ayon sa kanila, ipinagpapatuloy lamang nila ang kanilang tradisyon ng pagkakaisa sa tulong na rin ng magandang pamamalakad ng kanilang punong Barangay Pilahan sa Modena na si Ginoong Pampilo Villanueva kasama sina sports chairman Bernadett Autor, Juliet Calangi, Carlo Aguilar at iba pang co-officers na siyang nagbigay buhay sa paligang ito. Kumuha sila ng magandang palaruan upang maging komportable ang lahat lalo na ngayong panahon ng taglamig. Tuwing linggo ay nagtitipon-tipon ang mga taga Pilahan sa Via Divisione Acqui, Palestra Ferraris Modena para sa linguhang torneo mula ika-9 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.
Matapos ang pambukas na simpleng programa ay idinaos kaagad ang mga palaro sa pagitan ng mga koponan na magtatagal hanggang sa buwan ng Enero taong 2018.
Inaasahang magiging matagumpay, malinis, at makabuluhan ang palarong ito ngayong taglamig.
ni: Aileen Calangi
Quintin Kentz Cavite Jr.
Photo credits: Christopher Rada